Tanong
May pakpak ba ang mga anghel?
Sagot
Ang pangkaraniwang paglalarawan ng tao sa hitsura ng mga anghel ay tulad sa isang tao na may mga pakpak. Hindi ito ayon sa Bibliya. Laging inilalarawan sa Bibliya ang mga anghel na nagpapakita sa anyong tao. Gayunman, hindi ito nangangahulugan na likas na katulad ng anyo ng tao ang mga anghel. Bilang karagdagan, napakabihirang ilarawan sa Bibliya na may mga pakpak ang mga anghel. Gayunman, may dalawang uri ng anghel na binanggit sa Bibliya na nagtataglay ng mga pakpak: ang kerubin (Exodo 25:20; Ezekiel 10) at serafin (Isaias 6). Ang kerubin at serafin ay dawalang uri ng anghel, at posibleng ang mga ito ang dalawa sa pinakamataas na uri ng anghel. Kaya nga, malinaw na may ilang anghel na may mga pakpak.
Sinasabi sa atin ng Bibliya na ang mga anghel ay mga nilalang na espiritu (Hebreo 1:14). Ang paglalarawan sa kerubin sa kabanata 10 ng Ezekiel at sa serafin sa kabanata 6 ng Isaias ay hindi pangkaraniwan. Malinaw na nahirapan sina Ezekiel at Isaias na ganap na ilarawan ang kahanga-hangang pangitain na kanilang nakita tungkol sa langit at mga anghel. Bilang mga nilalang na espiritu, hindi malinaw kung bakit kailangan ng mga anghel ang mga pakpak para makalipad. Ang isang nilalang na espiritu ay hindi nangangailangan ng pakpak upang makalipad. Hindi saklaw ang mga anghel ng batas ng kalikasan at ng pisikal na dimensyon.
Kaya, may pakpak ba ang mga anghel? Oo, may ilang anghel ang may pakpak. Gayunman, hindi natin dapat limitahan kung ano ang kaya o hindi kayang gawin ng mga anghel base sa ating limitadong pangunawa sa mga pakpak na taglay ng ilang anghel gaya ng inilarawan sa Bibliya.
English
May pakpak ba ang mga anghel?