settings icon
share icon
Tanong

Ano ang matututuhan natin sa mga panalanging ipinanalangin ni Jesus?

Sagot


Ang mga panalanging sinambit ni Jesus ay nagbibigay sa atin ng kaunawaan sa Kanyang kalikasan, sa Kanyang puso, at sa Kanyang misyon sa lupa. Ang mga panalangin ni Jesus ay nagpapabatid at nagpapalakas din sa atin sa ating sariling buhay panalangin. Higit na mas mahalaga kaysa sa kung saang lugar Siya nanalangin, at anong posisyon ay ang katotohanan na Siya ay nanalangin. Ang tema ng Kanyang mga panalangin ay nagtuturo sa ating lahat.

Ang panalangin ay mahalagang bahagi ng panahon ni Jesus sa lupa, at palagi Siyang nanalangin: “Ngunit si Jesus naman ay pumupunta sa mga ilang na lugar upang manalangin” (Lukas 5:16). Kung ang Anak ng Diyos na nagkatawang-tao ay natagpuan na kinakailangan na makipag-usap nang madalas sa Ama, gaano pa kaya na kailangan nating gawin ito? Hinarap ni Jesus ang pag-uusig, mga pagsubok, dalamhati, at pisikal na pagdurusa. Kung walang regular at tuluy-tuloy na paglapit sa trono ng Diyos, tiyak na titingnan Niya ang mga pangyayaring iyon na hindi makakaya. Sa parehong paraan, ang mga Kristiyano ay hindi dapat magpabaya na “lumapit sa trono ng mahabaging Diyos upang makamtan natin ang habag at pagpapala na tutulong sa atin sa panahon ng ating pangangailangan” (Hebreo 4:16).

Ang madalas ang tinatawag na “Panalangin ng Panginoon” ay talagang isang kasangkapan sa pagtuturo ni Cristo bilang bahagi ng Kanyang Sermon sa Bundok (Mateo 6:9–13). Sa modelo ng panalanging ito, tinuturuan tayo ni Jesus na lumapit sa Diyos bilang “ating Ama;” upang luwalhatiin ang pangalan ng Diyos; manalangin para sa kalooban ng Diyos; at humingi ng pang-araw-araw na katugunan sa pangangailangan, kapatawaran, at espirituwal na proteksyon.

Bilang karagdagan sa Kanyang regular na oras ng panalangin, nanalangin si Jesus sa ilang mahahalagang pangyayari sa Kanyang buhay: Siya ay nanalangin sa Kanyang bawtismo (Lukas 3:21–22); bago pakainin ang 5,000 (Lukas 9:16) at ang 4,000 (Mateo 15:36); at sa sandali ng Kanyang pagbabagong-anyo (Lukas 9:29). Bago pumili si Jesus ng Kanyang labindalawang alagad, Siya ay “gumugol ng gabing nananalangin sa Diyos” sa gilid ng bundok (Lukas 6:12). Nanalangin si Jesus sa pagbabalik ng 72 alagad: “Nang oras ding iyon, si Jesus ay napuspos ng kagalakan sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Sinabi niya, “Salamat sa iyo, Ama, Panginoon ng langit at lupa, sapagkat inilihim mo sa marurunong at matatalino ang mga bagay na ito, ngunit inihayag mo sa mga walang muwang. Oo, Ama, sapagkat ganoon ang nais mong mangyari” (Lukas 10:21).

Nanalangin si Jesus sa libingan ni Lazarus. Habang iginugulong nila ang bato mula sa libingan ng Kanyang kaibigan, “Tumingala si Jesus sa langit at sinabi, “Ama, nagpapasalamat ako sa iyo sapagkat dininig mo ako, at alam kong lagi mo akong dinirinig. Ngunit sinasabi ko ito dahil sa mga taong naririto, upang maniwala silang ikaw ang nagsugo sa akin” (Juan 11:41–42). Ito ay isang magandang halimbawa ng panalangin na dinasal sa pandinig ng iba para sa kapakanan ng mga nakikinig.

Sa Jerusalem nang linggo ng pag-aresto sa Kanya, inihula ni Jesus ang Kanyang nalalapit na kamatayan. Habang binabanggit Niya ang Kanyang darating na sakripisyo, nanalangin si Jesus ng napakaikling panalangin: “Ama, luwalhatiin mo ang iyong pangalan!” (Juan 12:28). Bilang tugon sa panalangin ni Jesus, isang tinig mula sa langit ang nagsabi, “Niluwalhati ko na ito, at luluwalhatiin kong muli.”

Sa paggugol ng huling ilang minuto kasama ang Kanyang mga disipulo sa gabi ng pag-aresto sa Kanya, nanalangin si Jesus ng isang pinahabang panalangin na kilala ngayon bilang Kanyang “panalangin ng isang mataas na saserdote” (Juan 17) para sa Kanyang sarili, yaong mga ibinigay sa Kanya ng Ama (talata 6). Sa panalanging ito, si Hesus ang Tagapamagitan para sa Kanyang mga anak (Hebreo 7:25). Nanalangin siya “hindi para sa mundo, ngunit para sa mga ibinigay mo sa akin, sapagkat sila ay iyo” (talata 9). Idinadalangin niya na magkaroon sila ng Kanyang kagalakan (talata 13) at ingatan sila ng Diyos mula sa masama (talata 15). Idinadalangin Niya na ang Kanyang sarili ay mapabanal ng katotohanan, na siyang Salita ng Diyos (talata 17), at magkaisa sa katotohanang iyon (talata 21–23). Sa panalangin sa Juan 17, si Jesus ay nakatingin sa hinaharap at kasama ang lahat ng maniniwala sa Kanya (talata 20).

Nanalangin si Jesus sa Halamanan ng Getsemani bago Siya dinakip (Mateo 26:36–46). Hiniling Niya sa Kanyang mga disipulo na manalanging kasama Niya, ngunit sa halip ay nakatulog sila. Ang naghihirap na panalangin ni Jesus sa hardin ay isang modelo ng pagpapasakop at pagsasakripisyo: “Ama ko, kung maaari, alisin nawa sa akin ang kopang ito. Ngunit hindi ang kalooban ko, kundi ang kalooban mo” (talata 39). Tatlong beses itong ipinanalangin ni Hesus.

Nanalangin pa nga si Hesus mula sa krus, sa gitna ng Kanyang paghihirap. Ang Kaniyang unang panalangin ay umaalingawngaw sa Awit 22:1 at nagpapahayag ng Kaniyang matinding pagkabalisa: “Mga alas tres ng hapon ay sumigaw si Jesus sa malakas na tinig, ‘Eli, Eli, lemasabachthani?’ (na nangangahulugang “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?” (Mateo 27:46). Nanalangin din si Jesus para sa kapatawaran ng mga nagpapahirap sa Kanya hanggang sa kamatayan: “Ama, patawarin mo sila, sapagkat hindi nila alam ang kanilang ginagawa” (Lukas 23:34). Sa Kanyang huling hininga, ipinagpatuloy ni Jesus ang Kanyang pananampalataya sa Diyos: “Ama, sa iyong mga kamay ay ipinagkakatiwala ko ang aking espiritu” (Lukas 23:46).

Maraming tema ang makikita sa mga panalangin ni Jesus. Ang isa ay ang pagbibigay ng pasasalamat sa Ama. Ang papuri ay isang regular na bahagi ng mga panalangin ni Jesus. Ang isa pang tema ay ang Kanyang pakikipag-isa sa Ama; Ang Kanyang kaugnayan sa Kanyang Ama sa langit ay natural na nagbunga ng Kanyang pagnanais na gumugol ng oras sa pakikipag-usap sa Kanya. Ang ikatlong tema sa mga panalangin ni Hesus ay ang Kanyang pagpapasakop sa Ama. Ang mga panalangin ng ating Panginoon ay palaging naaayon sa kalooban ng Diyos.

Kung paanong nagpasalamat si Jesus, dapat tayong manalangin nang may pasasalamat sa lahat ng bagay (Filipos 4:6–7). Bilang mga ampon ng Diyos, natural na dapat nating hangarin na makipag-usap sa Diyos (Efeso 3:12). At sa lahat ng bagay, dapat nating hanapin ang kalooban ng Panginoon kaysa sa ating sarili. Nanalangin si Jesus sa iba't ibang lugar, sa publiko at sa pribado. Nanalangin siya sa oras ng kagalakan at kalungkutan. Nanalangin Siya para sa Kanyang sarili, at nanalangin Siya para sa iba. Nanalangin Siya upang magpasalamat,magsumamo para sa mga pangangailangan, at makipag-usap sa Kanyang Ama. Nagpakita si Jesus ng halimbawa kung paano tayo dapat magtiwala sa Diyos, magpasakop sa Diyos, at hangarin ang pakikisama sa Diyos.

Hanggang ngayon, patuloy na nananalangin si Jesus para sa Kanyang sariling mga aalagad mula sa Kanyang mataas na katayuan sa langit sa kanan ng Diyos. Sinasabi ng Kasulatan na Siya ay namamagitan para sa mga sariling Kaniya (Hebreo 7:25; Roma 8:34; 1 Juan 2:1). Mahalaga na, sa pag-akyat ni Jesus sa langit, habang Siya ay inaalis mula sa Kanyang mga disipulo patungo sa langit “pinagpapala niya sila” (Lukas 24:51). Walang tigil ang pagpapalang iyon. Patuloy na pagpapalain ni Jesus ang mga lumalapit sa Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo hanggang sa Kanyang muling pagparito.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang matututuhan natin sa mga panalanging ipinanalangin ni Jesus?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries