Tanong
Ano-ano ang mga pangako ng Diyos?
Sagot
Maraming pangako ang Diyos na matatagpuan sa Banal na Kasulatan. Sa bawat pangako, nagbibigay ang Diyos ng katiyakan na ang isang bagay ay magaganap (o hindi magaganap) o maisasakatuparan. Ang mga ito ay hindi mababaw na pangkaraniwang pangako katulad ng madalas nating ginagawa; ang mga pangakong ito ng Diyos ay matibay, makatotohanang pangako na ginawa ng Diyos. Sapagkat ang Diyos ay tapat, ang tatanggap ng makalangit na mga pangako ay makasisiguro na ang pangako ng Diyos ay magkakaroon ng katuparan (Bilang 23:19).
Narito ang ilang pangako na ginawa ng Diyos:
Mga Pangako ng Diyos na matatagpuan sa Lumang Tipan.
Ang Diyos ay nangako na pagpapalain si Abraham at ang mundo sa pamamagitan ng kanyang mga inapo (Genesis 12:2–3). Ang pangakong ito na tinawag na “Abrahamic Covenant” o pangako para kay Abraham ay tumutukoy sa pagdating ng Mesiyas na kanyang hinihintay (Juan 8:56).
Ang Diyos ay nangako na Siya ang magiging Diyos ng bansang Israel at sila’y magiging bayan Niya (Levitico 26:12–13). Ang kasaysayan ng Lumang Tipan ay walang tigil sa pagbibigay ng halimbawa ng mga pangako ng Diyos na nagkaroon ng katuparan.
Ang Diyos ay nangako na kung ating hahanapin ang Panginoong Diyos ay atin Siyang masusumpungan (Deuteronomio 4:29). Siya ay hindi mahirap lapitan. “Ang ating Diyos ay malapit sa atin ano mang oras tayo tumawag sa Kanya” (Deuteronomio 4:7).
Ang Diyos ay nangako ng proteksyon para sa Kanyang mga anak (Awit 121). Siya ang dakilang tagapagbantay ng Bayang Israel.
Ang Diyos ay nangako na ang kanyang pag-ibig ay hindi mabibigo (1 Cronica 16:34). Siya ay tapat sa lahat ng paraan.
Ang Diyos ay nangako sa Israel na ang kanilang kasalanan ay maaring patawarin, panunumbalikin ang kasaganaan, at paghihilumin ang kanilang bayan (2 Cronica 7:14). Pagsisisi sa kasalanan ang magiging daan ng pakikisama at pagpapala na kasama ang Diyos.
Ang Diyos, sa ilalim ng alituntunin na kinapapalooban ng Tipan ng Diyos kay Moises ay nangako na pagpapalain ang bansang Israel kung ito ay tatalima sa Kanya at kapahamakan naman ang kapalit ng pagsuway (Deuteronomio 30:15–18). Sa kasamaang palad, pinili ng bansang Israel ang pagsuway sa Diyos, at winasak ang bansang Israel ng sakupin ng bansang Asiria at Babilonia.
Ang Diyos ay nangako na pagpapalain ang lahat na ang kasiyahan ay nasa Kanyang salita (Awit 1:1–3). Ang payak na pananampalataya ay may gantimpala.
Mga pangako ng Diyos na matatagpuan sa Bagong Tipan.
Ang Diyos ay nangako ng kaligtasan sa lahat ng sumasampalataya sa Kanyang Anak (Roma 1:16–17). Walang mas hihigit pa sa pagpapalang libreng kaloob na Kaligtasan mula sa Diyos.
Ang Diyos ay nangako na ang lahat ng bagay ay gumagawa para sa ikabubuti ng Kanyang mga anak. (Roma 8:28). Ito ang mas malawak na larawan na nakapagpapanatili sa atin mula sa pagkabalisa sa kasalukuyang mga pangyayari.
Ang Diyos ay nangako na tayo ay Kanyang aaliwin sa panahon ng mga pagsubok (2 Corinto 1:3–4). Mayroon Siyang plano, at isang araw ay maibabahagi natin sa iba ang kaaliwan na ating natanggap mula sa Kanya.
Ang Diyos ay nangako ng bagong buhay kay Cristo (2 Corinto 5:17). Ang kaligtasan ay simula ng bagong buhay.
Ang Diyos ay nangako ng lahat na pagpapalang espiritwal kay Cristo (Efeso 1:3). Samantalang, sa Lumang Tipan, ang bansang Israel ay pinangakuan ng pagpapalang pisikal, ang mga mananampalataya ngayon ay pinangakuan ng pagpapalang espiritwal “sa makalangit na kaharian.” Ang ating kayamanan ay nakalaan sa atin (1 Pedro 1:4).
Ang Diyos ay nangako na kanyang lulubusin ang lahat ng pinasimulan Niya sa atin (Filipos 1:6). Walang ginawa ang Diyos na kulang. Ang pinasimulan Niya sa atin ay tiyak na lulubusin.
Ang Diyos ay nangako ng kapayapaan kung tayo ay dudulog sa panalangin (Filipos 4:6–7). Ang kanyang kapayapaan ay proteksyon. Babantayan nito ang ating “ang mga puso at isipan kay Cristo”.
Ang Diyos ay nangako na ipagkakaloob ang ating mga kailangan (Mateo 6:33; Filipos 4:19). Hindi ito nangangahulugan na makukuha natin lahat ng ating gugustuhin, pero makatitiyak tayo na ipagkakaloob Niya ang ating mga kailangan. Tayo ay higit na mahalaga kaysa sa mga ibon, ngunit sila’y pinakakain ng ating Ama sa Langit (Mateo 6:26).
Ang mga pangako ni Jesus sa mga Ebanghelyo.
Si Jesus ay nangako ng kapahingahan (Mateo 11:28–30). Ang mga pasanin ay pinawi Niya sa Kalbaryo.
Si Jesus ay nangako ng masaganang buhay para sa mga taong sumusunod sa kanya (Juan 10:10). Ang pagsunod kay Jesus ay nagbibigay sa atin ng kaganapang espiritwal na higit pa sa ating inaasahan.
Si Jesus ay nangako ng buhay na walang hanggan para sa mga taong nagtitiwala sa Kanya (Juan 4:14). Ang Mabuting Pastol ay nagbigay ng katiyakan na walang makakaagaw sa atin mula sa Kanya: “Walang sinuman ang makakaagaw sa kanila mula sa akin” (Juan 10:28).
Si Jesus ay nangako sa kanyang mga alagad na tatanggap sila ng kapangyarihan na kaloob ng Banal na Espiritu (Gawa 1:8). Sa pamamagitan ng kapangyarihang ito, “binaliktad nila ang mundo” (Gawa 17:6).
Si Jesus ay nangako na Siya ay muling magbabalik para sa atin (Juan 14:2–3). Simula sa panahong iyon, makakasama na natin Siya ng palagian.
Marami pang pangako ang Diyos na maaring isulat. Ang lahat ng mga pangakong iyon ay naisakatuparan ni Jesucristo, “Ang Kaliwanagan ng kaluwalhatiian ng Diyos” (Hebreo 1:3). “Gaano man ang mga pangako ng Diyos, ang lahat ay “oo” kay Cristo (2 Corinto 1:20).
English
Ano-ano ang mga pangako ng Diyos?