settings icon
share icon
Tanong

Bakit may iba't ibang pangalan ang Diyos at ano ang kanilang kahulugan?

Sagot


Ang bawat isa sa mga pangalan ng Diyos ay naglalarawan ng iba't ibang aspeto ng Kanyang napakaraming katangian. Narito ang ilan sa mga kilalang pangalan ng Diyos sa Bibliya:

EL, ELOAH: Diyos na “Makapangyarihan, Malakas, Tanyag” (Genesis 7:1; Isaias 9:6). Ang salitang ugat ay El na nangangahulugan na “kapangyarihan” gaya ng “may kapangyarihan akong saktan kayo” sa Genesis 31:29. Ang salitang El ay konektado sa iba pang mga katangian ng Diyos, gaya ng katapatan (Bilang 23:19), paninibugho (Deuteronomio 5:9), at kahabagan (Nehemias 9:31), ngunit ang kaisipan tungkol sa “kapangyarihan” ay nananatili.

ELOHIM: Diyos na “Manlilikha, Makapangyarihan at Malakas” (Genesis 17:7; Jeremias 31:33). Ang pangmaramihang anyo ng Eloah na Elohim ay naglalarawan sa doktrina ng Trinidad. Mula sa pinakaunang mga talata sa Bibliya, makikita ang pinakamataas na kapangyarihan ng Diyos (Elohim) ng likhain Niya ang lahat ng bagay sa pamamagitan lamang ng Kanyang salita (Genesis 1:1).

EL SHADDAI: “Makapangyarihang Diyos,” “Ang isang makapangyarihan mula kay Jacob” (Genesis 49:24; Awit 132:2, 5). Ito ay tumutukoy sa kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay.

ADONAI: “Panginoon” (Genesis 15:2; Hukom 6:15). Ito ay ginagamit na panghalili sa salitang YHWH, na ipinapalagay ng mga Hudyo na napakasagrado upang banggitin ng mga tao, habang ang Adonai ay ginagamit ng madalas sa Kanyang pakikitungo sa mga Hentil.

YHWH / YAHWEH / JEHOVAH: “PANGINOON” (Deuteronomio 6:4; Daniel 9:14). Ito ay isang istriktong paggamit ng pangalan para sa Diyos. Isinalin sa Bibliyang Tagalog na “PANGINOON” (malalaking titik) upang ibukod sa salitang Adonai na “Panginoon.” Ang kapayahagan ng pangalang ito ay unang ibinigay kay Moises ng sabihin ng Diyos sa kanya, “Ako si AKo Nga” (Exodo 3:14). Ang pangalang ito ay nagpapahiwatig ng presensya o pangkasalukuyang pag-iral ng Diyos. Ang salitang Yahweh ay pangkasalukuyan, at nagpapahiwatig ng Kanyang pagiging malapit sa mga taong tumatawag sa Kanya para sa kanilang kaligtasan (Awit 107:13), kapatawaran (Awit 25:11) at paggabay (Awit 31:3).

YAHWEH-JIREH: “Ang Panginoon ang nagkakaloob” (Genesis 22:14). Ito ang pangalan na itinawag ni Abraham sa Diyos ng pagkalooban siya ng isang tupa bilang panghaliling handog kay Isaac.

YAHWEH-RAPHA: “Ang Panginoon na manggagamot” (Exodo 15:26). “Akong si Yahweh ang inyong manggagamot” ng katawan at ng kaluluwa. Ito ang ginagawa ng Diyos sa katawan sa pagpapanatili ng kalusugan at pagiingat laban sa sakit at sa kaluluwa, sa pamamagitan ng pagpapatawad sa ating mga kasalanan.

YAHWEH-NISSI: “Ang Panginoon ang ating watawat” (Exodo 17:15), kung saan ang “watawat” ay nangangahulugan na “kanlungan.” Ang pangalang ito ay sumasalamin sa tagumpay ng mga Israelita laban sa mga Amalekita sa kanilang nangyaring labanan sa ilang sa Exodo 17.

YAHWEH-M'KADDESH: “Ang Panginoon ang nagpapabanal” (Levitico 20:8; Ezekiel 37:28). Ito ay malinaw na pagsasabi ng Diyos na Siya lamang at hindi ang Kautusan ang naglilinis at nagpapaging banal sa Kanyang mga anak.

YAHWEH-SHALOM: “Ang Panginoong Diyos ang ating Kapayapaan” (Hukom 6:24). Ito ang pangalang ibinigay ni Gideon sa altar na kanyang itinayo pagkatapos na tiyakin sa kanya ng Anghel ng Panginoon na hindi siya mamamatay pagkatapos niyang makita ito ng mukhaan.

YAHWEH-ELOHIM: “PANGINOONG DIYOS” (Genesis 2:4; Awit 59:5). Ito ay isang kumbinasyon ng natatanging pangalang YHWH at “Panginoon” na nagpapahiwatig ng Kanyang pagiging Panginoon ng mga Panginoon.

YAHWEH-TSIDKENU: “Ang Panginoon ang ating Katuwiran” (Jeremias 33:16). Gaya ng YHWH-M’Kaddesh, ang Panginoon lamang ang nagpapaging matuwid sa tao, sa pamamagitan ng persona ng Kanyang Anak na si Hesu Kristo, na Siyang naging kasalanan para sa atin upang “mapabanal tayo sa harapan ng Diyos sa pamamagitan Niya” (2 Corinto 5:21).

YAHWEH-ROHI: “Ang Panginoon ang ating Pastol” (Awit23:1). Pagkatapos na matanto ni David ang kanyang relasyon bilang pastol sa kanyang mga tupa. Naunawaan niya ng eksakto kung anong relasyon mayroon sa Kanya ang Diyos, kaya kanyang sinabi, “Si Yahweh ang aking Pastol, hindi ako magkukulang” (Awit 23:1).

YAHWEH-SHAMMAH: “Ang Diyos ay Naroon” (Ezekiel 48:35). Ito ang pangalan na ibinigay sa Jerusalem at sa templo doon, na nagpapahiwatig na ang minsang naglahong kaluwalhatian doon ng Diyos (Ezekiel 8:11) ay muling magbabalik (Ezekiel 44:1-4).

YAHWEH-SABAOTH: “Ang Panginoon ng Lahat (Isaias 1:24; Awit 46:7). Ito ay nangangahulugan na “grupo,” anghel man o tao, Siya ang Panginoon ng lahat ng nasa langit at lahat ng nasa lupa, Hudyo o Hentil, mahirap o mayaman, alipin o panginoon. Ang pangalan ay naglalarawan ng Kanyang kapangyarihan, at kapamahalaan bilang Diyos at kakayahang gawin ang anumang Kanyang naisin.

EL ELYON: “Mataas sa lahat” (Deuteronomio 26:19). Ito ay nag-ugat sa salitang Hebreo na “umakyat.” Ang implikasyon ng salitang ito ay ang pagiging pinakamataas ng Diyos sa lahat. Ang salitang El Elyon ay nagpapahiwatig ng Kanyang posisyon at ng Kanyang karapatan at Kanyang pagka-Panginoon.

EL ROI: “Ang Diyos na nakakakita” (Genesis 16:13). Ito ang pangalang ibinigay ni Hagar habang nagiisa at nawawalan ng pag-asa sa ilang matapos palayasin ni Sara (Genesis 16:1-14). Nang makita ni Hagar ang Anghel ng Panginoon, natanto niya na nakita niya ang Panginoon sa anyong tao (theophany). Nalaman din niya na nakita ng Diyos ang kanyang kalagayan at nasaksihan na ang Diyos ay buhay at nakikita ang lahat ng mga bagay.

EL-OLAM: “Walang Hanggang Diyos” (Awit 90:1-3). Ito ang pagiging walang hanggan at hindi nasasakop ng panahon ng Diyos at Siya mismo ang sanhi ng panahon. “Mula sa walang hanggan, hanggang sa walang hanggan, Ikaw ay Diyos.”

EL-GIBHOR: “Makapangyarihang Diyos” (Isaias 9:6). Ang pangalang ito ay naglalarawan sa Mesiyas na si Hesu Kristo sa isang hula sa aklat ni Isaias. Bilang isang makapangyarihan mandirigma, gagapiin ng Mesiyas, ang Makapangyarihang Diyos, ang kanyang mga kaaway at maghaharing may kamay na bakal (Pahayag 19:15).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Bakit may iba't ibang pangalan ang Diyos at ano ang kanilang kahulugan?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries