settings icon
share icon
Tanong

Anu-ano ang iba't ibang pangalan o titulo ng Panginoong Hesu Kristo?

video
Sagot


May 200 pangalan at titulo si Kristo na matatagpuan sa Bibliya. Ang mga sumusunod ang ilan sa mga kilalang pangalan, hinati sa tatlong bahagi sa mga pangalan na sumasalamin sa kalikasan ng Panginoong Hesu Kristo, ang kanyang katayuan sa Trinidad ng Diyos, at ang Kanyang mga gawain sa mundo.



Ang Kalikasan ng Panginoong Hesu Kristo

Panulukang Bato: (Efeso 2:20) - Ang Panginoon ay ang panulukang bato ng Kanyang Iglesya. Pinagkaisa niya ang mga Hudyo, Hentil, babae at lalake - lahat ng mga banal mula sa lahat ng panahon sa lahat ng lugar.

Panganay sa lahat ng mga Nilalang: (Mga Taga-Colosas 1:15) - Na siya ang larawan ng Dios na di nakikita, ang panganay ng lahat ng mga nilalang. Hindi ang unang bagay na ginawa ng Diyos, tulad ng maling pangunawa ng ilan, dahil ayon sa talata 16 lahat ng mga bagay ay nilikha ng Diyos sa pamamagitan ng Panginoong Hesu Kristo. Sa halip, ang kahulugan nito ay ang Panginoong Hesus ang nilalaman ng kanilang puso at isip.

Ulo ng Iglesya: (Efeso 1:22; 4:15; 5:23) - Ang Panginoong Hesu Kristo, hindi hari o papa, ang tanging Pinakamataas, at Pinaka-makapangyarihang pinuno ng Iglesya - ito ang dahilan ng kanyang kamatayan para sa mga inilagak ang pananampalataya sa Kanya para sa kanilang kaligtasan.

Ang Banal: (Mga Gawa 3:14; Awit 16:10) - Ang Panginoong Hesus ay banal, sa kanyang pagiging Diyos at pagiging tao, at sa bukal ng kabanalan ng Kanyang pagiging tao. Sa kanyang kamatayan, tayo ay pinabanal at dinalisay sa harapan ng Diyos.

Hukom: (Mga Gawa 10:42; 2 Timoteo 4:8) - Ang Panginoong Hesus ang itinalaga ng Diyos upang maging hukom ng sangkatauhan at magbigay ng buhay na walang hanggan.

Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon: (1 Timoteo 6:15; Pahayag 19:16) - Ang Panginoong Heus ang naghahari sa lahat ng pamahalaan sa mundo, ang pangkalahatang Hari, at walang makahahadlang sa Kanya upang ganapin ang Kanyang Layunin. Siya ang gumagabay sa lahat ayon sa Kanyang Nais.

Ilaw ng Sanlibutan: (Juan 8:12) - Ang Panginoong Hesus ay dumating sa mundong puno ng kasalanan at kadiliman at Siyang nagbuhos ng liwanag ng buhay at katotohanan sa pamamagitan ng Kanyang mga gawa at Salita. Binuksan Niya ang mata ng pangunawa ng mga nagtiwala sa Kanya upang sila'y lumakad sa liwanag.

Prinsipe ng Kapayapaan: (Isaias 9:6) - Ang Panginoon ay hindi naparito upang magdala ng kapayapaan sa mundo o pawiin ang kaguluhan, manapa'y Siya ang gumawa ng kapayapaan sa pagitan ng Diyos at ng tao na nagkahiwalay dahil sa kasalanan. Namatay siya upang maging daan ng mga makasalanan patungo sa Banal na Diyos.

Anak ng Diyos: (Lucas 1:35; Juan 1:49) - Ang Panginoong Hesus ay ang “bugtong na anak ng Ama” (Juan 1:14). Ginamit ng 42 beses sa Bagong Tipan ang titulong “Anak ng Diyos” at ito ang katibayan ng pagka-Diyos ni Kristo.

Anak ng tao: (Juan 5:27) - Ginamit upang maiba sa titulong “Anak ng Diyos.” Pinagtitibay ng pahayag na ito ang pagiging tao ni Hesus kaagapay nito ang Kaniyang pagka-Diyos.

Salita: (Juan 1:1; 1 Juan 5:7-8) - Ang Salita ay ang pangalawang Persona ng Trinidad na siyang nagsabi, gumawa at nagwika ng lahat ng bagay mula sa wala sa paglikha, at sa simula pa ay kasama na ng Diyos Ama, at siya ay Diyos, at sa pamamagitan Niya nilikha ang lahat ng mga bagay.

Salita ng Diyos: (Pahayag 19:12-13) - Ito ang pangalang ibinigay kay Kristo na hindi ganap na nauunawaan ng lahat. Ipinapahiwatig nito ang misteryo ng Kanyang persona bilang Anak ng Diyos.

Salita ng Buhay: (1 Juan 1:1) - Si Hesus ay hindi lamang nagwika ng mga salita na nagtuturo tungkol sa buhay na walang hanggan, ngunit ayon sa talatang ito, Siya ang mismong Salita ng buhay. Tinutukoy nito ang buhay na walang hanggan na Kaniyang ipinagkakaloob ng may kagalakan at kaganapan.

Ang Kanyang kalagayan sa Trinidad ng Diyos

Simula at Wakas: (Pahayag 1:8; 22:13) - Ipinahayag ni Hesus, na Siya ang simula at wakas ng lahat ng bagay, at Siya ang batayan upang makilala ang tunay na Diyos. Ang pahayag na ito ng pagiging walang hanggan ay naangkop lamang sa Diyos.

Emmanuel: (Isaias 9:6; Mateo 1:23) - Literal na nangangahulugan na “ang Diyos ay nasa atin.” Parehong pinagtibay ni Isaias at ni Mateo na si Kristo ay isisilang sa Bethlehem, ang Diyos na bumaba sa lupa at nagkatawang tao upang mabuhay kasama ang Kaniyang mga nilikha.

Ako Nga: (Juan 8:58, Exodo 3:14) - Noong sabihin ni Hesus ang Kaniyang titulo na “Ako nga,” sinubukan Siyang batuhin ng mga Hudyo dahil sa kalapastanganan sa Diyos. Naintindihan nila na ipinapahayag Niya ang Kanyang Sarili bilang Diyos na walang hanggan, ang hindi nagbabagong Panginoon sa Lumang Tipan.

Panginoon ng Lahat: (Mga Gawa 10:36) - Si Hesus ang pinakamakapangyarihang pinuno sa buong mundo at sa lahat ng bagay na narito at sa lahat ng bansa sa mundo, particular sa mga taong pinili ng Diyos, sa mga Hentil at gayun din sa mga Hudyo.

Tunay na Diyos: (1 Juan 5:20) - Ito ay direktang pagtukoy na si Hesus, bilang tunay na Diyos, ay di lamang nagtataglay ng katangian bilang Diyos, kung hindi Siya ay mismong Diyos. Dahil itinuturo ng Bibliya na mayroon lamang isang Diyos, ito ay nagpapatunay na si Hesus ang ikalawang persona ng iisang Diyos.

Ang Kanyang mga gawa sa Lupa

May-akda at nagpapasakdal ng ating Pananampalataya: (Mga Hebreo 12:2) - Ang kaligtasan ay sa biyaya ng Diyos lamang sa pamamagitan ng pananampalataya (Efeso 2:8-9) at si Hesus ang may akda ng ating pananampalataya at Siya ring magtatapos nito. Mula simula hanggang katapusan, Siya ang pinagmulan at tagapagpanatili ng pananampalatayang ipinagkaloob Niya sa atin.

Tinapay ng Buhay: (Juan 6:35; 6:48) - Tulad ng pagbibigay lakas ng tinapay sa pisikal na katawan, si Hesus din naman ay ang Tinapay na nagbibigay ng buhay na walang hanggan. Naglaan ang Diyos ng manna sa ilang upang pakainin ang Kaniyang sariling bayan. Gayundin naman, inilaan niya si Hesus upang magbigay ng buhay na walang hanggan sa pamamagitan ng Kaniyang katawan na pinahirapan para sa atin.

Lalaking Ikakasal (Mateo 9:15) - Ang larawan ni Hesus bilang lalaking ikakasal at ang Iglesya bilang babaeng Kanyang pakakasalan ay naghahayag ng espesyal na relasyon na mayroon tayo sa Kanya bilang Kanyang mga tinubos. Itinakda tayong makasama Niya sa Kabiyaya.

Tagapagligtas: (Taga-Roma 11:26) - Tulad ng pangangailangan ng mga Israelita sa Diyos upang iligtas sila mula sa pagkaalipin sa Ehipto, si Kristo din naman ay ang ating Tagapagligtas mula sa pagkaalipin sa kasalanan.

Mabuting Pastol: (Juan 10:11, 14) - Sa panahon ng Kasulatan, ang mabuting pastol ay handang isakripisyo ang kanyang sariling buhay upang ingatan at ipagtanggol ang kanyang mga tupa mula sa mga maninila. Ibinigay ni Hesus ang Kaniyang buhay para sa Kaniyang mga tupa, at iniingatan, inaalagaan at pinakakain Niya tayo.

Dakilang Saserdote: (Mga Hebreo 2:17) - Ang mga saserdote noon ay taun-taong pumapasok sa templo upang matubos ang mga kasalanan ng mga Israelita. Ang Panginoong Hesu Kristo ang gumanap ng pagtubos ng minsanan magpakailanman para sa Kanyang mga hinirang doon sa krus.

Kordero ng Diyos: (Juan 1:29) - Ang utos ng Diyos ay maghandog ng isang perpekto, walang bahid at walang dungis na kordero bilang pantubos sa kasalanan. Ang Panginoong Hesus ang naging haing kordero na buong pagpapakumbabang dumanas ng malupit na pagpapahirap, na nagtiis ng sobrang sakit at ibinigay ang Kanyang sariling buhay para sa Kanyang mga tupa.

Tagapamagitan: (1 Timoteo 2:5) - Ang tagapamagitan ang namamagitan sa dalawang partido upang pagkasunduin sila. Si Kristo ang nag-iisa at natatanging Tagapamagitan na siyang nagpakasundo sa tao at sa Diyos. Ang pananalangin kay Maria at mga santo ay pagsamba sa diyus diyosan dahil binabalewala nito ang napakahalagang papel ni Kristo bilang tanging Tagapamagitan sa Diyos at sa tao.

Ang Bato: (1 Mga Taga-Corinto10:4) - Tulad ng tubig na nagbibigay buhay na dumaloy mula sa bato na hinampas ni Moses sa ilang, ang Panginoong Hesus ang Bato kung saan dumadaloy ang tubig na nagbibigay ng buhay na walang hanggan. Siya ang bato kung saan itinatayo ang ating espiritwal na bahay, ng sa gayon walang bagyo ang makagiba dito.

Muling Pagkabuhay: (Juan 11:25) - Ang Panginoong Hesus ang tanging daan upang buhaying muli ang mga makasalanan para sa walang hanggan, gaya ng kanyang pagkabuhay na muli mula sa libingan. Ang ating mga kasalanan ay inilibing na kasama Niya, at tayo ay nabuhay na muli upang lumakad sa isang bagong buhay.

Tunay na puno ng ubas: (Juan 15:1) - Ang tunay na puno ng ubas ay nagbibigay ng lahat ng mga pangangailangan ng mga sanga (mananampalataya) upang magbunga sila ng bunga ng Espiritu. Ang tunay na puno ng ubas din ang nagbibigay ng tubig ng kaligtasan at pagkain na mula sa Salita ng Diyos.

Daan, Katotohanan at Buhay: (Juan 14:6) - Ang Panginoong Hesus ang tanging daan patungo sa Diyos, ang tanging Katotohanan sa mundo na puno kasinungalingan, at ang tanging pinagmumulan ng buhay na walang hanggan. Kanyang kinakatawan ang tatlong ito sa temporal at eternal na kaparaanan.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Anu-ano ang iba't ibang pangalan o titulo ng Panginoong Hesu Kristo?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries