settings icon
share icon
Tanong

Ano ang mga pangalan ni Satanas?

Sagot


Si Satanas ay isang espiritwal na nilalang na namuno sa pagrerebelde sa langit laban sa Diyos at dahil doon ay pinalayas sa langit at pinabagsak sa lupa (Lukas 10:18). Ang Kanyang personal na pangalang “Satanas” ay nangangahulugang “kalaban.” Nagpapahiwatig ang pangalang ito ng pangunahing katangian ni Satanas: siya ang kaaway ng Diyos at ng lahat na Kanyang ginagawa, at ng lahat na Kanyang iniibig.

Tinatawag din siyang “ang diyablo” sa Bagong Tipan. Ang salitang diyablo ay nangangahulugang “huwad na manunumbat” o “maninirang puri.” May papel na ginampanan si Satanas sa Job 1-2 ng kanyang atakehin ang karakter ni Job.

Sa Mateo 12:24, tinukoy si Satanas bilang “Belzebub,” isang tawag na nagmula sa salitang “Baal-Zebub” (“panginoon ng langaw”), isang diyus-diyusan ng mga Filisteo sa Ekron (2 Hari 1:2-3, 6).

Kabilang sa ibang titulo ni Satanas ang manunukso (1 Tesalonica 3:5), ang masama (Mateo 13:19, 38), ang taga-akusa ng mga kapatid (Pahayag 12:10), at—tatlong tawag na nagpapakilala kay Satanas bilang tagapamahala sa mundong ito—ang pinuno ng mundo (Juan 12:31), ang diyos ng panahong ito (2 Corinto 4:4), at prinsipe ng kapangyarihan ng himpapawid (Efeso 2:2). Sinasabi sa 2 Corinto 11:14 na si Satanas ay nagaanyong “isang anghel ng kaliwanagan,” isang paglalarawan na binibigyang diin ang kanyang kakayahan at kagustuhang makapandaya.

May dalawang sitas na tumutukoy sa paghatol sa isang hari sa lupa na maaaring tumutukoy kay Satanas. Ang una ay ang Isaias 14:12-15. Ito ay para sa hari ng Babilonia (talata 4) pero ang paglalarawan ay tila nababagay din sa isang mas makapangyarihang nilalang. Ang pangalang “Lucifer,” na nangangahulugang “tala sa umaga” ay ginamit dito para ilarawan ang isang nagtatangkang patalsikin ang Diyos sa Kanya mismong trono.

Ang ikalawang sitas ay ang Ezekiel 28:11-19 na para sa hari ng Tiro. Gaya ng Isaias 14:12-15, ang hulang ito ay naglalaman ng mga pananalita na tila higit sa paglalarawan sa isang mortal na tao. Sinasabing ang hari ng Tiro ay isang “kerubin na itinalagang tagapagbantay” na ibinagsak ng Diyos mismo sa lupa dahil sa kanyang pagmamataas.

Bilang karagdagan sa pagbibigay ng pangalan at tawag kay Satanas, gumagamit din ang Bibliya ng iba’t ibang pigura ng pananalita para ipakita ang kanyang katangian. Sa talinghaga tungkol sa apat na uri ng lupa, inihalintulad ni Jesus si Satanas sa mga ibon na kumakain sa mga binhi na nahuhulog sa matigas na daan (Mateo 13:4, 19). Sa isa pang talinghaga, ipinapakita si Satanas bilang manghahasik ng masamang damo sa triguhan (Mateo 13:25, 28). Si Satanas ay inihalintulad sa isang asong gubat sa Juan 10:12 at sa isang umaatungal na leon sa 1 Pedro 5:8. Sa Pahayag 12:9, Si Satanas ang “napakalaking dragon, ang matandang ahas”—na isang pagtukoy sa ahas na nandaya kay Eba sa hardin ng Eden (Genesis 3:1).


English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang mga pangalan ni Satanas?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries