settings icon
share icon
Tanong

Ano ang mga tipan sa Bibliya?

Sagot


Tinukoy sa Bibliya ang pitong iba’t ibang tipan, ang apat sa mga ito (tipan kay Abraham, Tipan sa Palestina, Tipan kay Moises at Tipan kay David) ay ginawa ng Diyos para sa bansang Israel at sa kalikasan ay walang kundisyon. Ang ibig sabihin, kahit na sumunod o sumuway ang Israel sa Diyos, tutuparin pa rin ng Diyos ang mga tipan Niyang ito. Ang isa sa mga tipan, ang tipan ng Diyos kay Moises ay may kundisyon. Ang tipang ito ay magdadala sa kanila ng sumpa o pagpapala ayon sa kanilang pagsunod o pagsuway. Ang tatlo sa mga tipang ito (Tipan kay Adan, Tipan kay Noe at ang bagong Tipan) ay ginawa sa pagitan ng Diyos at ng sangkatauhan sa pangkalahatan at hindi lamang para sa bansang Israel.

Ang tipan ng Diyos kay Adan ay maaaring hatiin sa dalawang bahagi: Ang tipan sa Eden (sa panahon ng kawalang muwang) at ang Tipan ng Diyos kay Adan (biyaya) (Genesis 3:16-19). Ang tipan sa Eden ay matatagpuan sa Genesis 1:26-30; 2:16-17. Isinaysay ng Tipan sa Eden ang responsibilidad ng tao sa mga nilikha ng Diyos at ang utos ng Diyos na huwag kakain ng bunga ng kahoy na nagbibigay kaalaman sa mabuti at masama. Kasama sa tipan ng Diyos kay Adan ang sumpa ng Diyos sa sangkatauhan dahil sa kasalanan ni Adan at Eva, gayundin ang probisyon ng Diyos para sa katubusan mula sa kasalanang iyon (Genesis 3:15).

Ang tipan ng Diyos kay Noe ay walang kundisyon sa pagitan ng Diyos at ni Noe (sa partikular) at sa buong sangkatauhan (sa pangkalahatan). Pagkatapos ng baha, ipinangako ng Diyos sa sangkatauhan na hindi na Niya muling gugunawin ang mundo sa pamamagitan ng baha (tingnan ang kabanata 9 ng Genesis). Ibinigay ng Diyos ang bahaghari bilang tanda ng tipang ito, isang pangako na hindi na muling gugunawin ang mundo sa pamamagitan ng baha at isang paalala na laging hahatulan ng Diyos ang kasalanan (2 Pedro 2:5).

Ang tipan ng Diyos kay Abraham (Genesis 12:1-3, 6-7; 13:14-17; 15; 17:1-14; 22:15-18). Sa tipang ito, ipinangako ng Diyos kay Abraham ang maraming mga bagay. Personal Niyang ipinangako na gagawin Niyang dakila ang pangalan ni Abraham (Genesis 12:2), na magkakaroon si Abraham ng maraming mga inapo (Genesis 13:16), at magiging ama si Abraham ng maraming bansa (Genesis 17:4-5). Nangako din ang Diyos sa bansang Israel. Sa katotohanan, ang Tipan ng Diyos kay Abraham ay ipinangako ng ilang beses sa Aklat ng Genesis (12:7; 13:14-15; 15:18-21). Isa pang probisyon ng Diyos sa Kanyang tipan kay Abraham ay Kanyang pagpapalain ang maraming bansa sa mundo sa pamamagitan ng lahi ni Abraham (Genesis 12:3; 22:18). Ito ay pagtukoy sa Mesiyas, na darating mula sa lahi ni Abraham.

Ang tipan ng Diyos sa Palestina (Deuteronomio 30:1-10). Binibigyang pansin sa tipang ito ang aspeto ng lupain na idinetalye sa tipan ng Diyos kay Abraham. Sang-ayon sa mga kundisyon ng tipang ito, kung susuway ang mga Israelita, papangalatin sila ng Diyos sa buong mundo (Deuteronomio 30:3-4), ngunit muli Niyang itatayo ang bansa (talata 5). Kung naitayo nang muli ang bansa, susunod na sila sa Diyos (tatala 8) at pagpapalain sila ng Diyos (talata 9).

Ang tipan ng Diyos kay Moises (Deuteronomio 11; et al.). Ang tipan ng Diyos kay Moises ay isang tipan na may kundisyong pagpapalain ang bansang Israel kung sila’y susunod at susumpain naman sila kung sila ay susuway. Bahagi ng tipang ito ng Diyos kay Moises ang 10 Utos (Exodo 20) at ang lahat ng Kautusan na naglalaman ng mahigit sa 600 utos – humigit kumulang sa 300 positibo at 300 negatibo. Idinetalye sa mga aklat kasaysayan ng Lumang Tipan (Josue – Esther) kung paanong nagtagumpay ang Israel dahil sa kanilang pagsunod sa kautusan at kung paanong nabigo sila dahil sa kanilang pagsuway dito. Idinetalye sa Deuteronomio 11:26-28 ang mga pagpapala at mga sumpa.

Ang tipan ng Diyos kay David (2 Samuel 7:8-16). Binigyang diin sa tipan ng Diyos kay David ang tungkol sa isang ‘binhi’ sa Tipan ng Diyos kay Abraham. Mahalaga ang mga pangako ng Diyos kay David sa mga talatang ito. Ipinangako ng Diyos na ang lipi ni David ay mananatili magpakailanman at ang kanyang kaharian ay hindi lilipas (talata 16). Sa katotohanan, hindi laging nanatili ang trono ni David sa lahat ng panahon. Gayunman, darating ang panahon, na may isang mula sa lahi ni David na muling uupo sa trono at mamamahala bilang hari. Ang haring ito sa hinaharap ay walang iba kundi ang Panginoong Hesu Kristo (Lukas 1:32-33).

Ang Bagong Tipan (Jeremias 31:31-34).Ang Bagong Tipan ang tipan na unang ginawa para sa bansang Israel at sa huli ay para din sa buong sangkatauhan. Sa Bagong Tipan, ipinangako ng Diyos ang kapatawaran ng mga kasalanan at ang pagkakaroon ng pangkalahatang kaalaman ng tao patungkol sa Panginoon. Pumarito si Hesu Kristo upang ganapin ang mga Kautusan ni Moises (Mateo 5:17) at gumawa ng tipan sa pagitan ng Diyos at ng Kanyang bayan. Ngayong tayo ay nasa ilalim na ng Bagong Tipan, parehong malaya na ang mga Hudyo at mga Hentil sa kaparusahan ng Kautusan. Binigyan tayo ngayon ng pagkakataon na tanggapin ang kaligtasan bilang isang walang bayad na kaloob (Efeso 2:8-9).

Sa diskusyon tungkol sa mga tipan sa Bibliya, may ilang mga isyu na hindi nagkakasundo ang mga Kristiyano. Una, may mga Kristiyano na naniniwala na ang lahat ng tipang ito ay may kundisyon. Kung may kundisyon ang mga tipan, nabigo ang Israel sa pagtupad sa mga iyon. May iba namang naniniwala na ang mga walang kundisyong tipan ay hindi pa nagaganap at sa kabila ng hindi pagsunod ng Israel, ang mga ito ay magaganap sa hinaharap. Ikalawa, ano ang kaugnayan ng Iglesia sa mga tipan? May mga naniniwala na ang Iglesya ang gumanap sa mga tipan ng Diyos at hindi na muling gaganapin pa ng Diyos ang Kanyang tipan sa bansang Israel. Ito ay tinatawag na ‘replacement theology’ o ‘teolohiya ng paghahali’ at may kaunti lamang batayan mula sa Kasulatan. May mga naniniwala naman na ang Iglesya ang inisyal na gumanap sa mga tipan. Habang ang marami sa mga pangako ng Diyos sa Israel ay mangyayari pa lamang sa hinaharap, maraming naniniwala na nakabahagi na ang Iglesya sa mga tipang ito sa iba’t ibang kaparaanan. Mayroon ding naniniwala na ang mga tipan ay para lamang sa Israel at walang bahagi ang Iglesya sa mga tipang ito ng Diyos.



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang mga tipan sa Bibliya?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries