Tanong
Mayroon pa bang kaloob ng paghihimala ang Banal na Espiritu sa panahong ito?
Sagot
Napakahalagang malaman kung ang Diyos ba ay gumagawa pa ng mga himala sa kasalukuyan. Isang kamangmangan at walang Biblikal na basehan kung sasabihin nating ang Diyos ay hindi na nagpapagaling ng mga may sakit, nangungusap sa mga tao sa pamamagitan ng iluminasyon ng Banal na Espiritu sa Salita ng Diyos, at gumagawa ng mga himala sa kasalukuyan. Ang katanungan ay kung ang kaloob ng Espiritu Santo ng paghihimala, na pangunahing inilarawan sa 1 Corinto kabanata 12-14, ay patuloy pa ring nangyayari sa ngayon. Ito ay hindi katanungan kung ang Banal na Espiritu ba ay makapagbibigay pa sa isang tao ng kaloob ng paghihimala. Ang katanungan ay kung patuloy pa bang nagbibigay sa kasalukuyan ng kaloob na ito ang Banal na Espiritu. Una sa lahat, naniniwala kami na malaya ang Banal na Espiritu na ibigay ang naturang kaloob ayon sa Kanyang kalooban (1 Corinto 12:7-11).
Sa aklat ng Mga Gawa at sa mga Sulat ni Apostol Pablo, napakaraming bilang ng mga himala ang isinagawa ng mga Apostol at ng kanilang mga kasamahan. Binibigyan tayo ng dahilan ng 2 Corinto 12:12 kung bakit sinasabi sa talatang ito, “Tunay na ang mga tanda ng Apostol ay ginawa sa inyo sa lahat ng pagtitiis, sa mga tanda at sa kamangha-manghang mga gawa at mga himala.” Kung ang lahat ng mga mananampalataya kay Kristo ay may kakayahang gumawa ng mga himala at kamangha-manghang mga gawa, ang mga ito ay hindi na maituturing na tanda ng isang tunay na Apostol. Sinasabi rin sa atin sa Gawa 2:22 na si Hesus ay itinuturing na may awtoridad dahil sa mga “himala, kahanga-hangang gawa at mga tanda.” Sa ganito ring sitwasyon, ang mga Apostol ay ipinapalagay na tunay na mga sugo ng Diyos dahil sa mga himala at kamangha-manghang mga bagay na kanilang ginawa. Inilarawan sa Gawa 14:3 na ang Ebanghelyo ay kinumpirma sa pamamagitan ng mga himalang ginawa nina Pablo at Barnabas.
Ang 1 Corinto kabanata 12-14 ay isang pangunahing talata na tumutukoy sa paksa ukol sa mga kaloob ng Espiritu. Tila mula sa talata ito, ang mga “ordinaryong Kristiyano” ay binigyan din ng mga kaloob ng paghihimala (12:8-10; 28-30). Mula sa ating mga natutunan, ang mga Apostol ay “nakilala” dahil sa mga tanda at mga kahanga-hangang gawa at tila ipinapahiwatig ng talatang ito na ang mga kaloob ng paghihimala na ibinibigay din sa mga “ordinaryong Kristiyano” at isang eksempsiyon, hindi isang batas. Kung hindi kasali ang mga Apostol at ang kanilang mga malapit na kasamahan , walang partikular na inilalarawan ang Bagong Tipan na mga taong nagsasagawa ng mga kaloob ng paghihimala ng Banal na Espiritu.
Napakahalaga ring malaman na ang unang Iglesia ay walang pang kumpletong Bibliya, hindi kagaya natin ngayon (2 Timoteo 3:16-17). Samakatwid, ang kaloob ng propesiya, kaalaman, karunungan, at iba pa ay kinakailangan upang malaman ng mga unang Kristiyano kung ano ang nais ng Diyos na kanilang gagawin. Ang kaloob ng propesiya ang nagbibigay kakayahan sa mga mananampalataya na malaman ang mga bagong katotohanan at mga pahayag mula sa Diyos. Ngayong kumpleto na ang mga pahayag ng Diyos sa Bibliya, ang kaloob ng propesiya ay hindi na kailangan, o hindi na pareho ang konotasyon kagaya sa panahon ng Bagong Tipan.
Isang himala na pinagagaling ng Diyos ang mga tao sa buong mundo araw-araw ayon sa kanyang kalooban. Ang Diyos ay patuloy pa ring gumagawa ng mga himala, tanda at mga kahanga-hangang bagay, at kung minsan ginagawa ang mga bagay na iyon sa pamamagitan ng isang Kristiyano. Gayunman, mula sa mga talatang nabanggit, ang kaloob ng paghihimala ay hindi na kinakailangan sa panahong ito. Ang pangunahing layunin ng mga kaloob na ito ay upang patunayan na ang Ebanghelyo ay totoo at ang mga Apostol ay tunay na mga sugo ng Diyos. Hindi partikular na sinabi sa Bibliya na ang mga kaloob ng paghihimala ay nawala, subalit inilalatag nito ang pundasyon na ang mga kaloob na ito ng Banal na Espiritu ay hindi na kinakailangan sa kasalukuyan.
English
Mayroon pa bang kaloob ng paghihimala ang Banal na Espiritu sa panahong ito?