settings icon
share icon
Tanong

Ano ang ministeryo ng pagpapalaya at naaayon ba ito sa Bibliya?

Sagot


Ang pangkalahatang pakahulugan sa “ministeryo ng pagpapalaya” na sinasang-ayunan ng nakararami ay ang pagpapalayas ng mga demonyo o masamang espiritu mula sa isang tao sa pagtatangka na malutas ang mga problema na may kaugnayan sa kanilang pagsapi. Halimbawa, maaaring nais ng isang manggagawa na may ganitong gawain na tulungan ang isang tao na pagtagumpayan ang galit sa pamamagitan ng pagpapalayas sa espiritu ng galit. Ang mga nagpapalayas sa demonyo at masasamang espiritu ay nakatuon din ang pansin sa pagpapabagsak sa mga espiritwal na kuta ng demonyo sa buhay ng isang tao, sa paghahanap ng panloob na kagalingan, at sa pagaangkin ng tagumpay laban sa lahat ng kaaway. Marami ang binabanggit ang tungkol sa pagtatali sa kaluluwa, mga sumpa, at mga “legal na karapatan” ng mga demonyo sa tao. Ayon sa Bibliya, ang mga demonyo o masasamang espiritu ay mga anghel na bumagsak mula sa langit. Sila ang mga anghel na nagrebelde laban sa Diyos kasama ni Satanas (Pahayag 12:4, 9; Isaias 14:12-20; Ezekiel 28:1-19).

Tunay na may sinasabi ang Bibliya tungkol kay Satanas at sa kanyang mga kampon. Ngunit napakakaunti ng sinasabi ng Bibliya tungkol sa paglaya mula sa kanila at walang sinasabi tungkol sa pagpapalaya bilang isang “ministeryo.” Ang gawain ng Iglesya ay matatagpuan sa Efeso 4:11. Una sa listahan ang mga apostol at mga propeta – na pundasyon ng iglesya – at si Hesus ang panulukang bato (Efeso 2:20). Kasunod na nakalista ang mga ebanghelista, pagkatapos ay mga pastor at mga guro. Ang kakayahan na magpalayas ng mga demonyo ay hindi kasama sa listahan ng mga espiritwal na kaloob o gawain man sa paglilingkod.

Isinalaysay sa mga Ebanghelyo at aklat ng mga Gawa na nagpalayas si Hesus at ang mga alagad ng mga demonyo. Tinukoy sa mga aklat ng Bagong Tipan na nagtuturo ng doktrina (Roma hanggang Judas) ang mga gawain ng mga demonyo ngunit hindi tinalakay ang mga paraan sa pagpapalayas sa kanila at hindi rin itinuro sa mga mananampalataya na magpalayas ng mga demonyo. Sinabihan tayo na isuot ang buong baluti ng Diyos upang makatayong matatag laban sa kasamaang espiritwal sa himpapawid (Efeso 4:27). Sinabihan tayo na labanan ang Diyablo (Santiago 4:7) at huwag siyang bigyan ng daan sa ating mga buhay (Efeso 4:27). Gayunman, hindi tayo sinabihan kung paano natin palalayasin si Satanas o ang kanyang mga demonyo mula sa ibang tao, o itinuro man na dapat natin itong gawin.

Kapuna-puna na wala tayong tala tungkol sa instruksyon ni Hesus kung paano magpalayas ng mga demonyo maliban sa Mateo 12:43-45 kung saan ilang pananaw ang kanyang ibinigay. Nang matuklasan ng mga alagad na sumusunod sa kanila ang mga demonyo sa pangalan at kapangyarihan ni Kristo, nangagalak sila (Lukas 10:17; cf. 5:16; 8:7; 16:18; 19:12). Ngunit sinabi ni Hesus sa Kanyang mga alagad, “magalak kayo, hindi dahil sa napapasunod ninyo ang masasamang espiritu, kundi dahil nakatala sa langit ang inyong mga pangalan” (Lukas 10:20). Sa halip na magkaroon ng “ministeryo ng pagpapalaya,” mayroon tayong kapamahalaan laban sa mga demonyo sa makapangyarihang pangalan ni Hesu Kristo. Isang araw, sinabi ni Juan kay Hesus, “Guro, nakakita po kami ng isang taong nagpapalayas ng mga demonyo sa pamamagitan ng inyong pangalan. Pinagbawalan namin siya dahil hindi natin siya kasamahan.” Ngunit sinabi ni Jesus, “Huwag ninyo siyang pagbawalan sapagkat ang taong gumagawa ng himala sa pamamagitan ng pangalan ko ay hindi magsasalita ng masama laban sa akin pagkatapos gawin ito. Sapagkat ang sinumang hindi laban sa atin ay panig sa atin’” (Markos 9:38–40). Ang kapangyarihan laban sa mga demonyo ay malinaw na dahil sa gumagawang kapangyarihan ng Panginoon hindi dahil sa pinagkalooban ang isang tao ng espesyal na ministeryo ng “pagpapalayas ng mga demonyo.”

Ang diin sa espiritwal na pakikibaka ay binigyang pansin sa mga talatang gaya ng 1 Juan 4:4, “Mga anak, kayo nga'y sa Diyos at napagtagumpayan na ninyo ang mga huwad na propeta, sapagkat ang Espiritung nasa inyo ay mas makapangyarihan kaysa espiritung nasa mga makasanlibutan.” Sa atin na ang tagumpay dahil sa Banal na Espiritu na nananahan sa atin. Kayang pagtagumpayan ng mga mananampalataya ang kanilang pakikabaka laban sa kanilang nakaraan, mga kasalanang nakasanayang gawin at mga adiksyon, dahil “napapagtagumpayan ng mga anak ng Diyos ang sanlibutan” (1 Juan 5:4). Kailangan natin ang panalangin, makadiyos na pagpapayo, at suporta ng isang mabuting iglesya ngunit hindi natin kinakailangan ang isang “ministeryo ng pagpapalaya.”

Sinabihan tayo na, “Maging handa kayo at magbantay. Ang diyablo, ang kaaway ninyo, ay parang leong umuungal at aali-aligid na naghahanap ng malalapa. Labanan ninyo siya at magpakatatag kayo sa inyong pananampalataya sa Diyos. Tulad ng alam ninyo, hindi lamang kayo ang nagtitiis ng mga kahirapan, kundi gayundin ang inyong mga kapatid sa buong daigdig. Pagkatapos ninyong magtiis sa loob ng maikling panahon, ang Diyos, na siyang pinanggagalingan ng lahat ng pagpapala, ang siyang magbibigay sa inyo ng kagalingan, katatagan, at lakas ng loob at isang pundasyong di matitinag. Siya ang tumawag sa inyo upang makibahagi kayo sa kanyang walang hanggang kaluwalhatian, kasama ni Cristo” (1 Pedro 5:8–10).

Ang susi sa tagumpay sa pamumuhay Kristiyano ay ang mapuspos (makontrol at bigyan ng kakayahang mamunga) ng Banal na Espiritu sa bawat sandali ng ating mga buhay (Efeso 5:18). Kilala ng Ama kung sino ang sa Kanya: “Ang lahat ng pinapatnubayan ng Espiritu ng Diyos ay mga anak ng Diyos” (Roma 8:14). Hindi nananahan ang Banal na Espiritu sa isang taong hindi isinilang na muli (Juan 3:3–8; 2 Timoteo 2:19; Gawa 1:8; 1 Corinto 3:16), kaya ang unang hakbang sa espiritwal na tagumpay ay ang paglalagak ng iyong pananampalataya kay Hesu Kristo. Pagkatapos, magalak ka na si Hesus ay nasa iyo sa pamamagitan ng Banal na Espiritu at dahil dito, taglay mo ang Kanyang kapangyarihan at tagumpay.
English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang ministeryo ng pagpapalaya at naaayon ba ito sa Bibliya?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries