settings icon
share icon
Tanong

Ano ang ministeryo ng panghuhula?

Sagot


Ang ministeryo ng panghuhula, gaya ng pangunawa ng mga karismatikong grupo sa kasalukuyan, ay ang anumang ministeryo na nagtitiwala sa kaloob ng panghuhula at mga bagong kapahayagan mula sa Diyos upang gabayan ang Iglesya sa paglago. Tinutukoy minsan ng mga sangkot sa ministeryong ito ang ministeryo ng panghuhula bilang isa sa limang magkakasamang ministeryo (five-fold ministry) at pinaniniwalaan nila na ang katungkulan ng mga apostol at mga propeta ay muling ibinabalik sa makabagong Iglesya.

Lagi nating makikita ang ministeryo ng panghuhula sa Lumang Tipan habang tumatawag ang Diyos ng mga propeta upang palakasin ang loob at sawayin ang bansang Israel sa panahon ng kahirapan at paglaban sa Diyos. Sa panahon ng paghahari ni haring David (2 Samuel), sinalita ni propeta Natan, kasama ang iba pa ang salita ng Diyos kay David at binigyan siya ng gabay at direksyon at pinagsabihan patungkol sa kanyang kasalaban kay Bathsheba. Siyempre, may ministeryo din ng panghuhula sina Jeremeias, Oseas, Amos, Mikas, Zacarias at iba pa – sila ay mga tunay na propeta. Ang gawain ng isang propeta ay maging tagapagsalita ng Diyos sa tao. Ang isang propeta ay nagtuturo, gumagabay, nagpapayo at sumasaway kung kinakailangan.

Sa Bagong Tipan, makikita din natin ang iba pa na may ministeryo ng panghuhula. May ilan na binigyan ng kaloob bilang mga propeta upang magbigay ng gabay, direksyon, magpayo atbp. sa mga anak ng Diyos. Partikular na binanggit ang kaloob ng panghuhula sa 1 Corinto 12:10 at Efeso 4:11. Pansinin na ang kaloob ng panghuhula ay ibinigay para sa ikauunlad ng Iglesya (Efeso 4:12). Kaya nga, sasabihin ng mga propeta ang Salita ng Diyos sa Iglesya upang malaman ng mga mananampalataya ang kalooban ng Diyos at kung paano kikilos ang iglesya.

Naniniwala kami na ang tunay na ministeryo ng panghuhula sa ngayon ay simpleng tama at malinaw na pangangaral ng Salita ng Diyos. Ang kaloob ng panghuhula ngayon ay pagsasabi ng nasulat na Salita ng Diyos, hindi pagbabahagi sa mga tao ng mga bagong impormasyon mula sa langit. Ang layunin ng mga kaloob sa panahon ng unang iglesya ay upang magbigay ng direksyon sa mga lingkod ng Diyos hanggang sa makumpleto ang Bagong Tipan at upang mapatunayan ang ministeryo at awtoridad ng mga apostol. Pagkatapos na makumpleto ang pagsulat sa Bibliya at mamatay ang mga apostol, tumigil na ang mga mahimalang kaloob sa Iglesya. Makikita natin sa Bagong Tipan na binabanggit sa mga naunang aklat gaya ng 1 Corinto at Efeso ang mga mahimalang kaloob samantalang hindi binabanggit ang mga ito sa mga nahuling aklat kagaya ng 1 at 2 Timoteo. Sapat na para sa atin ang kumpletong Bibliya upang tapat na makasunod sa Panginoon. Malinaw ang sinasabi sa 2 Timoteo 3:16–17 patungkol dito (tingnan din ang Hebreo 1:1-2). Hindi na kinakailangan pa ang karagdagang mga salita mula sa Panginoon.

Maraming Kristiyano ngayon ang nagaangkin na may kaloob ng panghuhula na naniniwala na nagpapatuloy pa rin ang panghuhula at ipinapakilala ang kanilang sarili bilang daluyan ng mga bagong kapahayagan mula sa langit. Tipikal na sinusubukan ng mga Iglesya na naniniwala sa ministeryo ng panghuhula na magpaliwanag ng mga panaginip, manghula ng mga mangyayari sa hinaharap, at magsalita sa ibang wika—bagama't ang kaloob ng pagsasalita sa ibang wika sa Bagong Tipan (na isang kakayahan na magsalita ng mga salitang hindi pinagaralan sa layunin na ibahagi ang Ebanghelyo) ay hindi ang uri ng wika na sinasanay sa ngayon.

Kumpleto na ang Bibliya. Binabalaan ng Kasulatan ang sinuman laban sa pagdadagdag sa Salita ng Diyos (Pahayag 22:18). Kaya nga, ang panghuhula ng mga mangyayari sa hinaharap habang inaangkin na may bagong Salita mula sa Panginoon ay hindi na kinakailangan.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang ministeryo ng panghuhula?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries