Tanong
Ano ang dapat na misyon ng iglesya?
Sagot
Ang iglesya ay nilikha ng Diyos (Gawa 20:28; 1 Corinto 3:9, 17; 15:9), itinatag at pagaari ni Jesu Cristo— “Itatayo Ko ang Aking iglesya” (Mateo 16:18)—at pinangungunahan at pinalalakas ng Banal na Espiritu (1 Corinto 10:17; 12:5–27; Roma 12:4–5). Kaya nga, kagalakan ng iglesya na bumaling sa Diyos para ipaliwanag ang Kanyang disenyo at misyon para sa iglesya. Napatunayan na ang misyon ng Diyos para sa iglesya:
1. Ang misyon ng iglesya ay gumawa ng mga alagad. Bago si Jesus umakyat sa langit, inutusan Niya ang mga alagad: “Kaya't humayo kayo, gawin ninyong alagad ko ang mga tao sa lahat ng mga bansa. Bautismuhan ninyo sila sa pangalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo. Turuan ninyo silang sumunod sa lahat ng iniutos ko sa inyo. Tandaan ninyo, ako'y laging kasama ninyo hanggang sa katapusan ng panahon” (Mateo 28:19–20). Ang isang alagad ay isang tagasunod, isang taong nakaugnay sa kanyang tagapanguna. Kaya nga, ikinakatwiran natin na isinugo ni Jesus ang iglesya sa Kanyang misyon ng iugnay sa Kanya ang lahat ng tao sa lahat ng lugar. Habang gumagawa ang iglesya ng mga alagad, maaaring hangaan, sambahin, pagtiwalaan, at sundin nila si Jesus bilang kanilang Tagapagligtas at Panginoon. Ang mga miyembro ng igleysa, habang patuloy na lumalago sa kanilang relasyon kay Cristo ay nagtitipon sa Kanya bilang kanilang Guro, Tagapanguna, Tagapagligtas, at kaibigan. Ang ating misyon ng may kagalakan ay ipakilala Siya sa lahat ng bansa.
2. Ang misyon ng iglesya ay luwalhatiin si Cristo. Isinulat ni Pablo, “Kami ay pinili ng Diyos mula pa sa simula…. upang parangalan ang kanyang kaluwalhatian” (Efeso 1:11–12). Bahagi ng layunin ng Diyos para sa iglesya ay parangalan ang pangalan ni Jesu Cristo kung paano namumuhay ang iglesya at kung ano ang ginagawa nito. Nilikha ng Diyos ang iglesya para maipakita sa mundo ang kanyang supernatural na gawain dito sa mundo ng nagliligtas ng tao. Sa Kanyang iglesya, ipinapakita ni Jesus sa mundo kung ano ang katulad ng mga taong pinalaya at pinatawad—mga taong nasisiyahan sa Diyos bilang resulta ng matagumpay at may kagalakang paghahandog ni Cristo. Nilayon Niya na maging pagpapahalaga ng iglesya ang kanyang pagpapahalaga. Inaasahan Niya na masasalamin sa kanilang mga pamumuhay ang Kanyang karakter (2 Corinto 6:14—7:1; Efeso 5:23–32; Colosas 1:13, 18; 1 Timoteo 3:15). Gaya ng kung paanong nasasalamin sa buwan ang liwanag ng araw, gayundin naman, dapat na masalamin sa iglesya ang kaluwalhatian ng Diyos sa isang madilim na mundo.
3. Ang misyon ng iglesya ay patatagin ang mga banal. Dapat na aliwin at palakasin ng iglesya ang loob ng mga indibidwal na miyembro nito (1 Tesalonica 5:11; 2 Corinto 13:11) “upang hindi magkaroon ng pagkakabaha-bahagi, sa halip ay magmalasakit ang bawat bahagi sa isa't isa” (1 Corinto 12:25). Si Jesus ang panulukang bato, at ang iglesya ay ikinumpara sa isang gusali na “na ang batong panulukan ay si Cristo Jesus. Sa pamamagitan niya, ang bawat bahagi ng gusali ay nagkakaugnay-ugnay at nagiging isang templo na nakatalaga sa Panginoon… sama-samang itinatayo bilang tahanan ng Diyos sa pamamagitan ng Espiritu” (Efeso 2:19–22; tingnan din ang 4:4–25). Idinisenyo ni Jesu Cristo ang iglesya para ipakita ang pamilya ng Diyos sa mundo, upang ang makita ng paganong mundo kung paanong itinatayo ng Diyos ang Kanyang pamilya kay Jesu Cristo at kung paanong nagmalalasakit sa isa’t isa ang pamilyang iyon (tingnan ang Markos 3:35 at Juan 13:35).
English
Ano ang dapat na misyon ng iglesya?