Tanong
Sino ang mga Moabita?
Sagot
Ang mga Moabita ay isang tribo na nagmula sa Moab, ang anak ni Lot mula sa relasyon niya sa kanyang panganay na anak na babae (Genesis 19:37). Ang Zoar ang pinagmulan ng tribo, sa gawing Timog-Silangan sa hangganan ng Dagat na Patay. Unti-unti silang kumalat sa rehiyon sa may gawing Silangan ng Jordan. Bago lumabas ang mga Israelita sa Egipto, tumawid sa ilog Jordan ang mga mandirigmang Amoreo sa ilalim ng pamumuno ng kanilang haring si Sihon at itinaboy ang mga Moabita palabas sa rehiyon patungo sa pagitan ng lambak ng ilog Arnon at ilog ng Jabok, at inokupa ang lugar na iyon ng mga Amoreo at ginawang kapitolyo ang Heshbon. Dahil dito, tumira ang mga Moabita sa Timog ng lambak ng Arnon (Bilang 21:26–30).
Noong lumabas ang mga Israelita mula sa Egipto, hindi sila dumaan sa Moab kundi sa "ilang" sa Silangan hanggang sa makarating sila sa bansa sa Hilaga ng Arnon. Naalarma ang mga Moabita at humingi ng tulong ang kanilang haring si Balak sa mga Madianita (Bilang 22:2–4). Ito ang dahilan ng pagbisita ng propetang si Balaam kay haring Balak (Bilang 22:2–6).
Sa kapatagan ng Moab na pagaari noon ng mga Amoreo, nagkampo ang mga anak ni Israel bago sila pumasok sa lupain ng Canaan (Bilang 22:1; Josue 13:32). Mula sa tuktok ng bundok ng Pisgah sa Moab tinunghayan ni Moises ang Lupang Pangako; at sa Nebo siya namatay ng nagiisa; at sa lugar na iyon din sa kapatagan sa tapat ng Beth-peor siya inilibing (Deuteronomio 34:5–6).
Isang batong basalt, na may nakaukit na utos ni Haring Mesha ang natuklasan sa Dibon ni Klein, isang misyonerong Aleman sa Jerusalem noong 1868. Ito ay binubuo ng 35 linya ng mga karakter na Hebreo-Phoenicia. Ang bato ay itinayo ni Mesha noong mga 900 BC bilang isang tala at pagalala sa kanyang mga tagumpay. Itinala dito ang pakikipagdigma ni Mesha kay Omri, ang kanyang mga gusaling pampubliko, at ang kanyang pakikipagdigma laban kay Horonaim. Ang talang ito ay sumasaksi at sumasang-ayon sa kasaysayan ni Haring Mesha na nakatala sa 2 Hari 3:4–27. Ito ang pinakamatandang inskripsyon na isinulat sa alpabetong karakter. Bilang karagdagan sa kahalagahan nito sa mga koleksyon ng sinaunang Hebreo, ito ay napakahalaga din sa kasaysayan ng wikang ito.
Maaaring ang pinakamahalagang karakter sa Bibliya na nanggaling sa Moab ay si Ruth na isang "babae mula sa Moab" ngunit may kaugnayan sa lahi ng Israel sa pamamagitan ni Lot na pamangkin ni Abraham (Ruth 1:4; Genesis 11:31; 19:37). Si Ruth ay isang halimbawa kung paanong kayang baguhin ng Diyos ang isang buhay at gamitin iyon para sa Kanyang itinalagang layunin at makikita natin ang pagkilos ng Diyos at pagtupad sa Kanyang perpektong plano sa buhay ni Ruth gaya ng Kanyang ginagawa sa buhay sa lahat ng Kanyang mga anak (Roma 8:28). Bagama't nanggaling si Ruth mula sa isang paganong bansa ng Moab, noong makilala niya ang Diyos ng Israel, si Ruth ay naging isang buhay na patotoo para sa Diyos sa pamamagitan ng kanyang pananampalataya. Si Ruth na isang Moabita ay isa sa mga kakaunting babae na binanggit sa talaan ng angkang pinanggalingan ni Jesu Cristo (Mateo 1:5).
English
Sino ang mga Moabita?