settings icon
share icon
Tanong

Ano ang Modalismo / Modalistic Monarchianism?

Sagot


Ang Monarchianism ay dalawang maling pananaw sa kalikasan ng Diyos at ng Panginoong Jesu Cristo na lumabas noong ikalawa at ikatlong siglo AD. Pinaniniwalaan ng modalismo na ang Diyos ay iisang Persona sa halip na Tatlong Persona at itinuturo na ang Ama, Anak at Espiritu Santo ay simpleng mga kapahayagan o anyo lamang ng Diyos. Ayon sa modalismo, maaaring baguhin ng Diyos ang kanyang sarili upang maging Ama, Anak o Espiritu Santo. Naniniwala ang isang Monarchian sa pagkakaisa ng Diyos (Ang salitang Latin na monarchia ay nangangahulugan ng "isang pamumuno") sa punto na tinatanggihan ang Tatlong Persona ng Diyos. Hindi maiiwasan ng parehong Modalismo at Monarchianism ang bumagsak sa doktrina ng Patripassianism, ang katuruan na nagdusa ang Diyos Ama sa krus kasama (o bilang) Anak. Ang katuruang ito ay halos kapareho ng Sabellianism.

May dalawang anyo ang Monarchianism, ang Dynamic (Adoptionist) Monarchianism at Modalistic Monarchianism. Nagsimula ang Dynamic Monarchianism sa isang maling pananaw sa kalikasan ni Jesus, partikular ang pananaw na hindi Siya Diyos ngunit sa pagbabawtismo sa Kanya, binigyan Siya ng kakayahan ng Diyos na gawin ang mga himala na Kanyang ginawa. Sa isang banda naman, kinuha ng Modalistic Monarchianism, ang modalistikong pananaw na si Jesus ay Diyos, ngunit si Jesus ay isa lamang sa mga "kapahayagan" o anyo ng Diyos. Ayon sa Monarchianism, ang Logos (Salita) ng Diyos ay walang hiwalay o personal na pagiral sa kanyang sarili. Ang mga terminolohiya sa Bibliya na Ama, Anak at Espiritu ay magkakaibang pangalan lamang para sa isang Persona ayon sa Monarchianism.

Itinuturo naman ng Modalistic Monarchianism na ang pagkakaisa ng Diyos ay sang-ayon sa pagkakaiba ng mga persona sa Trinidad. Ayon sa Modalismo, ipinakilala ng Diyos ang Kanyang sarili sa iba't ibang pamamaraan bilang Ama sa (pangunahin sa Lumang Tipan), bilang Anak (pangunahin mula ng Siya'y ipanganak hanggang sa Kanyang pag-akyat sa langit), at bilang Espiritu Santo (pangunahin pagkatapos na umakyat si Jesus sa langit). Nag-ugat ang Modalistic Monarchianism sa maling katuruan ng Smyrna noong humigit kumulang AD 190. Tinawag ni Noetus ang sarili bilang si Moses at ang kanyang kapatid bilang si Aaron, at itinuro na kung si Jesus ay Diyos, kailangang kapareho Siya ng Ama. Sinalungat ni Hippolytus ng Roma ang kasinungalingang ito sa kanyang aklat na "Contra Noetum." Ang isang sinaunang anyo ng Modalistic Monarchianism ay itinuro din ng isang pari mula sa Asya Menor na nagngangalang Praxeas, na naglakbay sa Roma at Cartagena noong mga AD 206. Nilabanan ni Tertullian ang turo ni Praxeas sa kanyang aklat na "Adversus Praxean" noong mga AD 213. Pinabulaanan din nina Origen, Dionysius ng Alexandria, at ng konseho ng Nicea noong AD 325 ang Modalistic Monarchianism at ang mga maling katuruan na may kaugnayan dito.

Ang isang anyo ng Monarchianism ay umiiral pa rin ngayon sa Oneness Pentecostalism. Sa teolohiya ng mga oneness, na lumalaban sa paniniwala sa tatlong persona ng Diyos, walang pagkakaiba sa mga Persona ng Trinidad. Si Jesus ay Diyos ngunit Siya din ang Ama at ang Espiritu Santo. May kakaunting pagkakaiba sa sinaunang modalismo, itinuturo ng mga Pentecostal na Oneness ngayon na kaya ng Diyos na magpakahayag sa tatlong kapahayagan ng sabay-sabay, gaya noong bawtismuhan si Jesus sa Lukas 3:22.

Ipinakikilala ng Bibliya ang Diyos bilang iisang Diyos (Deuteronomio 6:4), ngunit itinuturo na may tatlong Persona ang Diyos – Ang Ama, Ang Anak at ang Espiritu Santo (Mateo 28:19). Hindi kayang abutin ng isip ng tao kung paanong nagkakasundo ang dalawang katuruang ito. Kung susubukan nating unawain ang mga bagay na hindi natin kayang isipin, lagi tayong mabibigo sa ibat-ibang antas. Ngunit malinaw ang Kasulatan. Umiiral ang Diyos sa tatlong walang hanggan at magkakapantay na persona. Nanalangin si Jesus sa Ama (Lukas 22:42) at nakaupo Siya ngayon sa kanan ng Ama sa langit (Hebreo 1:3). Ipinadala ng Ama at ng Anak ang Banal na Espiritu sa mundo (Juan 14:26; 15:26). Ang Modalismo at ang mas tiyak na Modalistic Monarchianism ay mapanganib na teolohiya dahil inaatake nila ang mismong kalikasan ng Diyos. Ang anumang katuruan na hindi kumikilala sa tatlong magkakaibang persona ng Diyos ay hindi naaayon sa Bibliya.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang Modalismo / Modalistic Monarchianism?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries