settings icon
share icon
Tanong

Ano ang ating matututunan sa buhay ni Moises?

Sagot


Si Moises ay isa sa pinakakilalang karakter sa Lumang Tipan. Habang tinatawag si Abraham na "Ama ng pananampalataya" at tagatanggap ng walang kundisyong tipan ng biyaya sa Kanyang bayan, si Moises naman ang pinili ng Diyos para palayain ang Kanyang bayan mula sa Egipto. Pinili ng Diyos si Moises para palayain ang mga Israelita sa pagkaalipin sa Egipto patungo sa kaligtasan sa Lupang Pangako. Kilala rin si Moises bilang tagapamagitan ng Lumang Tipan at karaniwang tinutukoy bilang tagapagbigay ng Kautusan. Panghuli, si Moises ang manunulat ng Pentateuch, ang limang aklat na pundasyon ng buong Bibliya. Ang papel ni Moises sa Lumang Tipan ay isang tipo at anino ng papel na ginamapanan ni Jesus sa Bagong Tipan. Dahil dito, ang buhay ni Moises ay karapatdapat sa pagsusuri.

Una nating makikita si Moises sa mga panimulang kabanata ng aklat ng Exodo. Sa unang kabanata, matututunan natin na pagkatapos na iligtas ng patriyarkang si Jose ang kanyang pamilya mula sa isang malawak na tag-gutom at patirahin sila sa lupain ng Gosen (sa Egipto), ang mga inapo ni Abraham ay nabuhay ng mapayapa sa loob ng ilang henerasyon hanggang sa maupo sa trono ng Egipto ang isang Faraon na hindi nakakakilala kay Jose (Exodo 1:8). Inalipin ng Faraong ito ang mga Hebreo at ginamit sila bilang mga aliin para sa kanyang malawakang proyekto ng pagtatayo ng mga istruktura. Dahil pinagpala ng Diyos ang mga Hebreo ng mabilis na pagdami sa populasyon, nagsimulang matakot ang mga Ehipsyo dahil sa dami ng mga Judio na naninirahan sa kanilang lupain. Kaya iniutos ng Faraon ang pagpatay sa lahat ng batang lalaki na isisilang ng mga babaeng Hebreo (Exodo 1:22).

Sa Exodo 2, makikita natin ang ina ni Moises na sinusubukang iligtas ang kanyang anak sa pamamagitan ng paglalagay dito sa isang basket at pagpapaanod sa ilog Nilo. Nakita ng anak na babae ng Faraon ang basket at inampon nito si Moises bilang sariling anak at pinalaki sa palasyo mismo ng Faraon. Habang tumatanda si Moises, nagsimula siyang mahabag sa kanyang mga kababayan at ng masaksihan ang paghagupit ng isang Ehipsyo sa isang aliping Hebreo, nakialam si Moises at pinatay ang Ehipsyo. Sa isa pang insidente, tinangka ni Moises na makialam sa away ng dalawang aliping Hebreo, ngunit sinaway siya ng isa sa mga ito at sarkastikong sinabi, "Papatayin mo rin ba ako gaya ng ginawa mo sa Ehipsyo?" (Exodo 2:14). Napagtanto na alam na ng lahat ang kanyang ginawang krimen, tumakas si Moises patungo sa lupain ng Madian kung saan muli siyang namagitan—sa pagkakataong ito, iniligtas niya ang mga anak na babae ni Jetro sa kamay ng ilang bandido. Bilang pasasalamat, ibinigay ni Jetro (tinatawag ding Reuel) ang kanyang anak na si Zipora kay Moises bilang asawa (Exodo 2:15–21). Nanirahan si Moises sa Madian sa loob ng humigit kumulang na 40 taon.

Ang sumunod na pangunahing pangyayari sabuhay ni Moises ay ang pakikipagusap sa kanya ng Diyos mula sa isang nagliliyab na puno (Exodo 3—4), kung saan siya tinawag ng Diyos bilang tagapagligtas ng Kanyang bayan. Pagkatapos ng mga pagtanggi at tahasang paghiling sa Diyos na magsugo ng iba,sumunod din si Moises sa Diyos. Nangako ang Diyos na ipapadala kay Moises si Aaron, ang kanyang nakatatandang kapatid para samahan siya sa Egipto. Alam ng karamihan ang nalalabi sa kuwento. Pumunta si Moises at ang kanyang kapatid na si Aaron sa Faraon sa pangalan ng Diyos at hiniling na payagang umalis ang kanyang bayan para sumamba sa Diyos. Nagmatigas ang Faraon at nagpadala ang Diyos ng sampung salot para parusahan ang mga Ehipsyo, at ang huling salot ay ang pagpatay sa lahat ng panganay na lalaki ng mga Ehipsyo . Bago ang huling salot na ito, inutusan ng Diyos si Moises na itatag ang Paskuwa bilang pagalaala sa pagliligtas ng Diyos sa Kanyang bayan mula sa pagkaalipin sa Egipto.

Pagkatapos ng Exodo, pinangunahan ni Moises ang bayan ng Diyos sa baybayin ng Dagat na Pula kung saan gumawa ang Diyos ng isang himala para iligtas ang mga Israelita sa pamamgitan ng paghati sa dagat at pagpapatawid sa mga Hebreo sa kabilang pampang habang nilulunod ang mga kawal ng Egipto (Exodo 14). Dinala ni Moises ang mga tao sa paanan ng Bundok ng Sinai kung saan ibinigay ng Diyos ang Kautusan at itinatag ang Lumang Tipan sa pagitan ng Diyos at ng bagong tatag na bansa ng Israel (Exodo 19—24).

Ang natitira sa aklat ng Exodo at ang buong aklat ng Levitico ay naganap habang ang mga Israelita ay nagkakampo sa paanan ng bundok ng Sinai. Ibinigay ng Diyos kay Moises ang detalyadong instruksyon para sa pagtatayo ng tabernakulo—ang pagsasaayos at pagdadala nito—at ibinigay din ang detalyadong instruksyon para sa paggawa ng mga kagamitan sa pagsamba sa Diyos at detalyadong instruksyon para sa paggawa ng kasuutan ng saserdote, at ng Kaban ng Tipan na simbolo ng presensya ng Diyos sa gitna ng Kanyang bayan kung saan isasagawa ng saserdote ang taunang paghahandog sa Diyos. Ibinigay din ng Diyos kay Moises ang malinaw na instruksyon kung paano sasambahin ang Diyos at ang mga alituntunin sa pagpapanatili sa kalinisan at kabanalan ng mga tao. Itinala sa aklat ng mga Bilang ang paglalakbay ng mga Israelita mula sa Sinai patungo sa gilid ng Lupang Pangako, ngunit tumanggi silang sakupin iyon ng mag-ulat ng negatibo ang sampung espiya tungkol sa kawalan ng kakayahan ng Israel na sakupin ang lupain. Isinumpa ng Diyos ang henerasyong ito ng mga Judio para mamatay sa ilang dahil sa kanilang pagsuway at pinaglagalag sila sa loob ng 40 taon sa ilang. Sa pagtatapos ng aklat ng mga Bilang, ang sumunod na henerasyon ng mga Israelita ay bumalik sa mga hangganan ng Lupang Pangako at nakaambang angkinin ito sa pamamagitan ng pananampalataya sa Diyos.

Ipinakita si Moises sa aklat ng Deuteronomio habang nagbibigay ng pananalita sa mga tao sa anyo ng mga sermon na ipinapaalala sa kanila ang kapangyarihan at katapatan ng Diyos. Binasa Niyang muli sa kanila sa ikalawang pagkakataon ang Kautusan (Deuteronomio 5) at inihanda ang henerasyong ito ng mga Israelita para tanggapin ang mga pangako ng Diyos. Pinagbawalan si Moises na pumasok sa Lupang Pangako dahil sa kanyang kasalanan sa Meriba (Bilang 20:10-13). Sa pagtatapos ng aklat ng Deuteronomio, itinala ang kamatayan ni Moises (Deuteronomio 34). Umakyat siya sa bundok ng Nebo ay pinayagang tanawin ang Lupang Pangako. 120 taon si Moises ng mamatay at sinabi sa Bibliya na "hindi nanlabo ang kanyang mga mata o nagbago ang kanyang lakas" (Deuteronomio 34:7). Ang Panginoon mismo ang naglibing kay Moises (Deuteronomio 34:5–6), at pumalit si Josue bilang tagapanguna ng mga tao (Deuteronomio 34:9). Sinasabi sa Deuteronomio 34:10–12, "Mula noon ay wala nang lumitaw sa Israel na propetang katulad ni Moises na nakipag-usap nang harap-harapan kay Yahweh. Wala na ring nakagawa ng mga kababalaghang tulad ng ipinagawa sa kanya ni Yahweh sa Egipto, sa harapan ng Faraon at ng mga lingkod nito. Walang ibang nakagawa ng makapangyarihan at pambihirang mga gawa tulad ng ginawa ni Moises sa harapan ng bayang Israel."

Ang nasa itaas ay isa lamang maiksing kuwento ng buhay ni Moises at hindi inilalarawan ang kanyang pakikipagugnayan sa Diyos, ang paraan kung paano niya pinangunahan ang mga tao, ilan sa mga partikular na pamamaraan kung paanong ang kanyang buhay ay isang paglalarawan kay Jesu Cristo, ang sentralidad ng pananampalatayang Judio, ang kanyang pagpapakita sa pagbabagong anyo ni Jesus at ang iba pang mga detalye. Ngunit ibinigay dito ang ilang balangkas tungkol sa pagkatao ni Moises. Kaya, ano ang ating matututunan sa buhay ni Moises? Ang buhay ni Moises ay may tatlong yugto na may 40 taon ang bawat isang yugto. Ang unang yugto ay ang kanyang buhay sa palasyo ng Faraon. Bilang isang ampon ng anak na babae ng Faraon (o ng prinsesa ng Egipto), taglay ni Moises ang lahat ng pakinabang at mga pribilehiyo bilang isang prinsipe ng Egipto. "Tinuruan siya sa lahat ng karunungan ng mga Egipcio, at siya'y naging dakila sa salita at sa gawa" (Gawa 7:22). Habang naguumpisang gambalain ang kanyang budhi ng kalagayan ng mga Hebreo, itinuring ni Moises ang kanyang sarili bilang tagapagligtas ng kanyang bayan. Gaya ng sinabi ni Esteban sa mga pinuno ng mga Judio, "Akala ni Moises ay mauunawaan ng kanyang mga kababayan na sila'y ililigtas ng Diyos sa pamamagitan niya. Ngunit hindi nila ito naunawaan" (Gawa 7:25). Mula sa insidenteng ito, matututunan natin na si Moises ay isang lalaki ng aksyon at isang lalaking mainitin ang ulo at madaling magkamali. Nais bang iligtas ng Diyos ang Kanyang bayan? Oo. Nais bang gamitin ng Diyos si Moises bilang Kanyang piniling instrumento ng pagliligtas? Oo. Ngunit alam man ni Moises o hindi ang papel na kanyang gagampanan sa kaligtasan ng mga Hebreo, wala rin sa lugar at marahas ang kanyang ginawang aksyon. Sinubukan niyang iligtas ang kanyang mga kababayan sa kanyang sariling panahon. Malinaw ang aral sa atin ng Panginoon: Dapat tayong maging sensitibo hindi lamang sa paggawa ng kalooban ng Diyos kundi maging sa Kanyang panahon. Gaya ng iba pang napakaraming halimbawa sa Bibliya, kung susubukan nating gawin ang kalooban ng Diyos sa ating sariling panahon, makakagawa tayo ng mas maraming kaguluhan kaysa sa dati.

Kinailangan ni Moises ang panahon para lumago at matutong maging mapagpakumbaba at maamo sa harapan ng Diyos at dadalhin tayo nito sa sunod na yugto ng buhay ni Moises, ang kanyang 40 taon sa lupain ng Madian. Sa loob ng panahong ito, natutunan ni Moises na mabuhay ng simple bilang isang pastol, asawa, at ama. Kinuha ng Diyos ang isang taong mainitin ang ulo at padalus-dalos at inumpisahan ang proseso ng paghubog sa kanya bilang isang perpektong instrumento na Kanyang magagamit. Ano ang matututunan natin sa yugtong ito ng kanyang buhay? Kung ang unang aral ay paghihintay sa panahon ng Diyos, ang ikalawang aral naman ay hindi maging tamad habang naghihintay sa panahon ng Diyos. Habang hindi naggugol ang Bibliya ng maraming panahon sa mga detalye ng bahaging ito ng buhay ni Moises, hindi nangangahulugang nakaupo na lamang si Moises habang naghihintay sa pagtawag ng Diyos. Ginugol niya ang yugtong ito ng kanyang buhay sa pagpapastol ng mga tupa at pagbibigay ng pangangailangan ng kanyang pamilya. Ang mga ito ay mahahalagang gawain! Habang maaaring tayong magnais ng mga "karanasan sa itaas ng bundok," 99 porsyento ng ating mga buhay ang ating ginugol sa lambak na ginagawa ang mga ordinaryong bagay sa ating buhay. Dapat tayong mamuhay sa mga "lambak" bago Niya tayo isugo sa labanan. Laging sa mga tila ordinaryong mga pangyayari sa ating buhay tayo sinasanay at inihahanda ng Diyos para sa Kanyang pagtawag sa darating na panahon.

Ang isa pang bagay na makikita natin kay Moises sa panahon na kanyang ginugol sa Madian ay tumanggi siya ng tawagin na Siya ng Diyos sa paglilingkod. Ang taong padalus-dalos noong kanyang kabataan ay naging napakamahiyain ngayong siya ay 80 taong gulang na. Nang tawagin ng Diyos bilang Kanyang tagapagsalita, sinabi ni Moises sa Diyos, "Panginoon, sa mula't mula pa'y hindi po ako mahusay magsalita. Bagama't nangusap ka na sa akin, hanggang ngayo'y pautal-utal pa rin ako kung magsalita" (Exodo 4:10). May ilang komentarista ng Bibliya na naniniwala na maaari ngang may problema si Moises sa pagsasalita. Maaari, ngunit iba ang paglalarawan ni Esteban kay Moises, "Tinuruan siya sa lahat ng karunungan ng mga Egipcio, at siya'y naging dakila sa salita at sa gawa" (Gawa 7:22). Maaaring ayaw lang ni Moises bumalik sa Egipto at muling maranasan ang pagkabigo. Ito'ý isang pangkaraniwang damdamin. Ilan sa atin ang sinubukang gumawa ng isang bagay (para sa Diyos man o hindi) at nabigo, at pagkatapos ay nagaatubil ng sumubok muli? May dalawang bagay na tila hindi isinaalang-alang ni Moises. Una, ang malinaw na pagbabago na naganap sa kanyang sariling buhay sa loob ng 40 taon. Ang isa pa at mas mahalaga, ang pagbabago na makakasama na Niya ang Diyos. Hindi nabigo si Moises noong una, hindi dahil sa kanyang pagpapadalus-dalos kundi dahil kumilos siya ng walang kunsiderasyon sa Diyos. Kaya nga, ang aral na ating matututunan dito ay kung maunawaan mo ang isang malinaw na tawag ng Diyos, humakbang ka sa pananampalataya na nalalaman na ang Diyos ay sasama sa iyo! Huwag tayong mahihiya o matatakot, kundi magpakatibay tayo sa kalakasang galing sa Panginoon at sa kanyang dakilang kapangyarihan (Efeso 6:10).

Ang ikatlo at panghuling yugto sa buhay ni Moises na ang malaking bahagi ay pinaglaanang isulat sa Kasulatan ay ang kanyang papel sa pagpapalaya sa Israel mula sa Egipto. Ilang aral ang ating matututunan sa yugtong ito ng buhay ni Moises. Una ay kung papaano maging epektibong tagapanguna ng mga tao. May responsibilidad si Moises sa mahigit na 2 milyong Hebreo. Nang mapagod si Moises, iminungkahi ni Jetro sa kanya na humirang ng mga tapat na tao para ipaubaya sa kanila ang iba sa kanyang mga gawain, isang aral na dapat matutunan ng mga taong may awtoridad sa iba (Exodo 18). Makikita din natin ang isang lalaki na umaasa sa biyaya ng Diyos para gawin ang kanyang gawain. Patuloy na namagitan si Moises para sa mga tao sa harap ng Diyos. Alam ni Moises ang pangangailangan niya sa presensya ng Diyos at hiniling pa niya sa Diyos na ipakita Niya sa kanya ang Kanyang kaluwalhatian (Exodo 33). Alam ni Moises na kung wala ang Diyos, walang kabuluhan ang kanilang paglaya sa Egipto. Ang Diyos ang dahilan ng pagiging natatangi ng mga Israelita at kailangan nila Siya. Itinuturo din sa atin ng buhay ni Moises na may mga kasalanan na patuloy na gagambala sa atin sa ating buong buhay. Ang parehong mainit na temperamento ni Moises ang dahilan ng pagkasadlak niya sa gulo habang naglalagalag ang mga Israeltia sa ilang. Sa nabanggit na insidente sa Meriba, pinalo ni Moises ang bato dahil sa galit para bigyan ng tubig ang mga tao. Gayunman, hindi niya naibigay sa Diyos ang kaluwalhatian o sinunod man ang eksaktong utos ng Diyos. Dahil dito, pinagbawalan siya ng Diyos na pumasok sa Lupang Pangako. Sa parehong paraan, bumibigay din tayo sa ilang mga kasalanan na bumabagabag sa atin sa ating buong buhay, mga kasalanan na dapat nating laging bantayan.

Ang mga ito ay ilan lamang sa mga praktikal na aral na ating matututunan sa buhay ni Moises. Gayunman, kung titingnan natin ang buhay ni Moises sa liwanag ng pangkalahatang pananaw ng Kasulatan, makikita natin ang mas malawak na teolohikal na katotohanan na tugma sa kuwento ng pagtubos. Sa ika-11 kabanata, ginamit si Moises ng manunulat ng Hebreo bilang isang halimbawa ng pananampalataya. Matututunan natin na sa pamamagitan ng pananampalataya, tinanggihan ni Moises ang kaluwalhatian ng palasyo ng Faraon para makiisa sa kahirapang dinaranas ng kanyang bayan. Sinabi ng manunulat ng Hebreo, "Itinuring niyang higit na mahalaga ang pagtitiis sa hirap dahil sa Mesiyas kaysa ang mga kayamanan ng Egipto; sapagkat nakatuon ang kanyang paningin sa mga gantimpala sa hinaharap" (Hebreo 11:26). Ang buhay ni Moises ay buhay ng pananampalataya, at nalalaman natin na "Hindi maaaring kalugdan ng Diyos ang walang pananampalataya sa Kanya" (Hebreo 11:6). Gayundin naman, sa pamamagitan ng pananampalataya, "ang paningin natin ay nakatuon sa mga bagay na di-nakikita, at hindi sa mga bagay na nakikita. Sapagkat panandalian lamang ang mga bagay na nakikita, ngunit walang hanggan ang mga bagay na di-nakikita" (2 Corinto 4:17–18).

Gaya ng una ng nabanggit, alam din natin na ang buhay ni Moises ay paglalarawan sa buhay ni Cristo. Gaya ni Cristo, si Moises ay tagapamagitan ng isang tipan. Ipinaliwanag ng manunulat ng Hebreo ang puntong ito (Hebreo 3; 8—10). Ginamit din ni Apostol Pablo ang parehong mga puntos sa 2 Corinto 3. Ang pagkakaiba ay panandalian at may kundisyon ang tipan ni Moises samantalang ang tipan ni Cristo ay walang hanggan at walang kundisyon. Gaya ni Cristo, nagkaloob si Moises ng katubusan para sa kanyang bayan. Iniligtas ni Moises ang mga Israelita mula sa pagkaalipin sa Egipto at dinala sila sa Lupang Pangako (Canaan). Iniligtas naman ni Cristo ang Kanyang bayan mula sa pagkaalipin sa kasalanan at sumpa at dinala sila sa Lupang Pangako ng buhay na walang hanggan sa isang bagong lupa sa pagbabalik ni Cristo upang kumpletuhin ang Kanyang paghahari na Kanyang inumpisahan sa Kanyang unang pagparito. Gaya ni Cristo, si Moises ay isang propeta para sa kanyang bayan. Sinabi ni Moises ang mismong mga Salita ng Diyos sa mga Israelita gaya ng ginawa ni Cristo (Juan 17:8). Hinulaan ni Moises na tatawag ang Panginoon ng isa pang propetang gaya niya mula sa mga tao (Deuteronomio 18:15). Itinuro ni Jesus at naniwala ang iglesya na ang binabanggit ni Moises ay si Jesus ng kanyang isulat ang mga pananalitang iyon (Juan 5:46, Gawa 3:22, 7:37). Sa napakaraming paraan, ang buhay ni Moises ay pagpapakilala sa buhay ni Cristo. Dahil dito, masusulyapan natin kung paanong isinasakatuparan ng Diyos ang Kanyang plano ng pagtubos sa buhay ng mga tapat na tao sa buong kasaysayan ng sangkatauhan. Nagbibigay ito sa atin ng pag-asa na kung paanong iniligtas ng Diyos ang Kanyang bayan at binigyan sila ng kapahingahan sa pamamagitan ng mga gawa ni Moises, bibigyan din naman tayo ng Diyos ng walang hanggang kapahingahan sa pamamagitan ni Cristo, ngayon at sa buhay na darating.

Panghuli, kapansin-pansin na bagama't hindi kailanman nakatuntong si Moises sa Lupang Pangako sa kanyang panahon sa lupa, binigyan siya ng pagkakataon na makapasok sa Lupang Pangako pagkatapos ng kanyang kamatayan. Sa bundok kung saan nagbagong anyo si Jesus, nang ipakita ni Jesus sa Kanyang tatlong alagad ang Kanyang buong kaluwalhatian, sinamahan Siya ng dalawang tauhan sa Lumang Tipan, si Moises at si Elias, na kumakatawan sa Kautusan at sa mga Propeta. Sa mga araw na ito, nararanasan na ni Moises ang tunay na kapahingahan kay Kristo na isang araw ay mararanasan din nating lahat na mananampalataya (Hebreo 4:9).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang ating matututunan sa buhay ni Moises?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries