Tanong
Sino si Moloc?
Sagot
Gaya ng marami sa mga sinaunang kasaysayan, hindi malinaw ang eksaktong pinagmulan ng pagsamba kay Moloc. Ang salitang “Moloc” ay pinaniniwalaang nagmula sa salitang Phonecian na “mlk,” na tumutukoy sa isang uri ng paghahandog na ginagawa upang kumpirmahin o pawalang bisa ang isang sumpa. Ang salitang Melekh ay salitang Hebreo para sa salitang “hari.” Karaniwan para sa mga Israelita na pagsamahin ang mga pangalan ng mga diyos ng mga pagano sa pamamagitan ng mga pantig para sa salitang kahihiyan na “bosheth.” Ito ang dahilan kung paanong ang pangalan ng diyosa ng kasaganaan at digmaan na si Astarte ay naging Astoret. Ang kumbinasyon ng mk, melekh at bosheth ay nagresulta sa salitang “Molech,” na maaaring pakahulugan na “ang personipikasyon ng kahiya-hiyang handog.” Maaari din itong ibanghay na Milcom, Milkim, Malik, at Moloc. Si Astoret ang kanyang abay at isang mahalagang anyo ng pagsamba ang ritwal na prostitusyon.
Ang mga Phoenicians ay isang watak-watak na grupo ng tao na tumira sa Canaan (Lebanon, Siria at Israel sa makabagong panahon) sa pagitan ng 1550 at 300 BC. Bilang karagdagan sa mga sekswal na ritwal, kasama rin sa pagsamba kay Moloc ang paghahandog ng mga bata o “pagpaparaan ng mga bata sa apoy.” Pinaniniwalaan na ang mga rebulto ni Moloc ay isang metal na istatwa ng isang tao na may ulo ng toro. Ang bawat estatwa ay may butas sa tiyan at posibleng ang kanyang nakabukang kamay ang lumikha ng rampa sa butas sa kanyang tiyan. Isang apoy ang sinisindihan sa loob at paligid ng estatwa. Inilalagay ang mga sanggol sa mga balikat o sa butas ng estatwa. Sa tuwing maghahandog ang isang magasawa ng kanilang sanggol, pinaniniwalaan nila na tinitiyak ni Moloc ang kanilang pagunlad sa pananalapi at ang magandang kinabukasan ng kanilang mga anak sa hinaharap.
Hindi lamang sa Canaan sinasamba si Moloc. Ang mga Monolith sa Hilagang Africa ay nagtataglay din ng mga salitang nakaukit na “mlk’ “mr” at “mlk” “dm,” na maaaring mangahulugan na “handog na tupa” at “handog na tao.” Sa hilagang Africa, ang pangalang Moloc ay pinalitan ng pangalang “Kronos.” Naglakbay ang pangalang “Kronos” mula sa Cartagena ng Gresya at ang kanyang mitolohiya ay kumalat hanggang sa siya’y naging isang Titan at naging ama ni Zeus. Si Moloc ay iniuugnay din at minsan ay ginagawang pangtapat kay Baal bagamat ang salitang Baal ay ginagamit din para sa kahit sinong diyos o pinuno.
Sa Genesis 12 sinunod ni Abraham ang tawag sa kanya ng Diyos na lumipat sa Canaan. Bagamat ang paghahandog ng tao ay hindi pangkaraniwan sa kanyang pinanggalingang lugar ng Ur, ito ay malaon ng sinasanay sa lupain ng Canaan. Di kalaunan, inutusan ng Diyos si Abraham na ihandog ang kanyang anak na si Isaac bilang isang handog na susunugin (Genesis 22:2). Ngunit ibinukod ng Diyos ang Kanyang sarili sa ibang mga diyos gaya ni Moloc. Hindi gaya ng mga diyus diyusan sa Canaan, kinamumuhian ng Diyos ang paghahandog ng tao. Iniutos ng Diyos kay Abraham na iligtas si Isaac mula sa kamatayan at nagbigay siya ng isang lalaking tupa upang maging kahalili ni Isaac (Genesis 22:13). Ginamit ng Diyos ang pangyayaring ito bilang isang ilustrasyon kung paanong ipagkakaloob Niya ang Kanyang sariling Anak upang ating maging kahalili.
Mahigit na limandaang taon pagkatapos na mamatay ni Abraham, pinangunahan ni Josue ang mga Israelita palabas sa disyerto upang angkinin ang Lupang Pangako. Alam ng Diyos na ang mga Israelita ay hindi pa handa at madaling magambala sa kanilang pagsamba sa nagiisang tunay na Diyos (Exodo 32). Bago pa man pumasok ang mga Israelita sa Canaan, binalaan sila ng Diyos na huwag sasamba kay Moloc (Levitico 18:21) at paulit ulit silang sinabihan na puksain ang mga bansa na sumasamba kay Moloc. Hindi nakinig ang mga Israelita sa mga babala ng Diyos. Sa halip, inihalo nila ang pagsamba kay Moloc sa kanilang sariling tradisyon. Maging si Solomon, ang pinakamatlinong hari ay naengganyo din sa kultong ito at nagtayo ng mga lugar pagsamba para kay Moloc at iba pang mga diyus diyusan (1 Hari 11:1-8). Naganap ang pagsamba kay Moloc sa mga “matataas na dako” (1 Hari 12:31) gayundin sa mga makikipot na bangin sa labas ng Jerusalem na tinatawag na lambak ng Hinom (2 Hari 23:10).
Sa kabila ng paminsan-minsang pagtatangka ng mga makadiyos na hari, hindi nawala ang pagsamba kay Moloc hanggang sa dinalang bihag ang mga Israelita sa Babilonia. (Bagamat ang mga taga Babilonia ay sumasamba sa lahat ng bagay bilang diyos at nagsasanay ng astrolohiya at panghuhula, hindi sila nagsusunog ng tao bilang handog). Gayun pa man, ang pagkalat ng mga Israelita sa mga paganong sibilisasyon ang naging dahilan upang mawala sa kanila ang pagsamba sa mga diyus diyusan. Nang bumalik ang mga Israelita sa kanilang sariling lupain, muli nilang itinalaga ang kanilang sarili sa kanilang Diyos at ang lambak ng Hinom ay naging isang lugar bilang sunugan ng basura at ng katawan ng mga kriminal nana nalapatan ng parusang kamatayan. Ginamit ni Hesus ang imahe ng lugar na ito ng isang apoy na hindi namamatay, at sumunog ng hindi mabilang na biktima – upang ilarawan ang impiyerno kung saan susunugin ng walang hanggan ang mga taong tumanggi sa Diyos (Mateo 10:28).
English
Sino si Moloc?