settings icon
share icon
Tanong

Monergism (Diyos lamang ang gumawa para sa kaligtasan ng tao) laban sa synergism (ang Diyos ay gumagawang kasama ng tao para sa kanyang kaligtasan) - aling pananaw ang tama?

Sagot


Ang paksang ito ay mainit na pinagdedebatehan sa loob ng Iglesya sa loob ng maraming siglo. Hindi isang kalabisan na sabihin na ang debateng ito ay patungkol sa mismong puso ng Ebanghelyo. Una, atin munang bigyan ng kahulugan ang dalawang terminolohiya. Kung pinaguusapan ang monergism laban sa synergism, sa lenguwahe ng teolohiya, pinaguusapan natin kung sino ba talaga ang gumawa ng kaligtasan. Ang monergism, na nagmula sa salitang Griyego na nangangahulugang ‘gumawang mag-isa,’ ay ang pananaw na ang Diyos lamang ang gumawa ng ating kaligtasan. Ang pananaw na ito ay pinanghahawakan ng nanghahawak sa tradisyong Calvinist at Reformed at nakapaloob sa tinatawag na mga ‘doktrina ng biyaya’ o ‘doctrines of grace.’ Sa kabilang banda, ang synergism naman na nagmula rin sa salitang Griyego na nangangahulugang “gumawang magkasama” ay ang pananaw na ang tao ay gumagawang kasama ng Diyos sa pagsasakatuparan ng kaligtasan. Habang ang monergism ay laging ikinakabit sa pangalan ni John calvin, ang synergism naman ay ikinakabit sa pangalan ni Jacob Arminius, at ang pananaw na ito ang humugis sa pananaw ng karamihan sa mga Ebangheliko. Hindi sina Calvin at Arminius ang orihinal na nakaimbento ng mga pananaw na ito, ngunit sila ang pinakakilalang tagapagpalaganap ng mga katuruang ito.

Ang dalawang pananaw na ito ay mahigpit na pinagtalunan mula pa noong unang bahagi ng ikalabimpitong (17) siglo ng ilathala ng mga tagasunod ni Arminius ang ‘The Five Articles of the Remonstrance’ (FAR), isang dokumento na nagpapaliwanag sa kanilang teolohiya na kaiba sa teolohiya ni Calvin at ng kanyang mga tagasunod. Ang pinakasentrong puntos ng debateng ito ay sa pagitan ng walang kundisyong pagpili ng Diyos sa mga inililigtas (unconditional election) ng Calvinism at ang pagliligtas ng Diyos ng may kundisyon (conditional election) ng Arminianism. Sa esensya, kung naniniwala ang isang tao sa pagpili ng Diyos base sa Kanyang paunang kaalaman sa kanyang pananampalataya, ang taong iyon ay kumikiling sa pananaw na synergism.

Ang pananaw sa walang kundisyong pagpili ng Diyos sa Kanyang iniligtas ay ipinahayag sa Westminster Confession of Faith: “Ang mga taong itinalaga para sa buhay na walang hanggan ay pinili ng Diyos, bago pa itatag ang sanlibutan, ayon sa Kanyang walang hanggan at hindi nagbabagong layunin, at sa Kanyang sikretong kagustuhan at sa ikasisiya ng kanyang mabuting kalooban ay pinili Niya sila kay Kristo, ng walang anumang nakitang pananampalataya o mabubuting gawa o pagtitiyaga sa kahit kanino sa kanila, o kahit anong bagay sa nilalang, bilang kundisyon, o dahilan sa Kanyang pagliligtas; at ang lahat ay para lamang sa ikapupuri ng Kanyang maluwalhating biyaya” (WCF III.5). Gaya ng ating nakita, itinuturo ng walang kundisyong pagpili na ang pagpili ng Diyos sa mga hinirang ay base sa sa ikasisiya ng Kanyang mabuting kalooban at wala ng iba pa. Bilang karagdagan, ang kanyang pagpili ay hindi base sa Kanyang nakitang pananampalataya sa tao o sa kanyang anumang mabubuting gawa o sa nakitang pagpapatuloy ng tao sa kanyang pananampalataya.

Dalawang klasikong sitas sa Bibliya ang sumusuporta sa doktrinang ito. Ang una ay ang Efeso 1:4-5, “Ayon sa pagkapili niya sa atin sa kaniya bago itinatag ang sanglibutan, upang tayo'y maging mga banal at mga walang dungis sa harapan niya sa pagibig: Na tayo'y itinalaga niya nang una pa sa pagkukupkop na tulad sa mga anak sa pamamagitan ni Jesucristo sa ganang kaniya, ayon sa minagaling ng kaniyang kalooban.” Ayon sa mga talatang ito, pinili tayo ng Diyos upang maging kay Kristo – upang maging banal at walang kapintasan – bago pa lalangin ang sanlibutan at ang pagpiling ito ay “ayon sa minagaling ng Kanyang kalooban.” Ang isa pang talata ay ang Roma 9:16, “Kaya nga hindi sa may ibig, ni hindi sa tumatakbo, kundi sa Dios na naaawa.” Ang pagpili ng Diyos ay hindi nakadepende sa anumang bagay na ating ginawa, kundi dahil lamang sa Kanyang pagpapasya ayon sa Kanyang kaawaan.

Ang esensya ng Calvinism, at ng argumento ng monergism, ay ang Diyos ang aktwal na nagliligtas sa tao at hindi lamang ginawa ng Diyos ang tao na kaligtas-ligtas. Dahil ang lahat ng tao ay ipinanganak sa kasalanan at dahil sa kanilang makasalanang kalikasan (total depravity), lagi nilang tinatanggihan ang Diyos. Kaya nga, gumawa ang Diyos ng paraan upang iligtas ang Kanyang mga hinirang ng walang anumang kundisyon gaya ng pananampalataya. Upang maibigay ang biyaya ng kaligtasan at buhay na walang hanggan sa Kanyang mga hinirang, tinubos ng Diyos ang kanilang mga kasalanan (limited atonement). Ang biyaya at kaligtasang ito ay inilapat ng Diyos sa mga hinirang sa pamamagitan ng Banal na Espiritu at ang epekto ng kaligtasan sa mga hinirang ay ang pagbuhay sa kanilang espiritu at sa pagtawag sa kanila sa kaligtasan (irresistible grace). Sa huli, ang mga iniligtas ng Diyos ay magpapatuloy hanggang wakas (perseverance of the saints). Mula sa simula hanggang sa huli, ang kaligtasan at lahat ng aspeto nito ay gawa ng Diyos at ng Diyos lamang o monergism! Ang argumento ay aktwal na inililigtas ng Diyos ang Kanyang mga hinirang. Ikunsidera ang Roma 8:28-30. Sa talatang ito, makikita na may iisang grupo ng tao na ‘tinawag ng Diyos ayon sa kanyang panukala.’ Ang mga taong ito ang ipinakilala bilang mga taong ‘umiibig sa Diyos.’ Ang mga taong ito na tinukoy sa mga talatang 29-30 ay ang mga kinilala, itinalaga, tinawag, pinawalang sala at niluwalhati. Ang Diyos ang Siyang kumikilos sa grupong ito ng tao (ang mga umiibig sa Diyos, ang mga hinirang) mula sa pagkilala hanggang sa pagluwalhati, at wala kahit isa sa kanila ang mawawala ang kaligtasan.

Bilang suporta sa argumento ng synergism, ituon natin ang ating pansin ngayon sa tinatawag na, ‘Five Articles of the Remonstrance’ kung saan sinasabi: “Ang Diyos, sa pamamagitan ng Kanyang walang hanggan at hindi nagbabagong layunin sa Kanyang Anak na si Hesu Kristo, bago lalangin ang sanlibutan, ay Kanya ng pinagpasyahan, mula sa makasalanang lahi ng tao, na iligtas kay Kristo, para sa kapakanan ni Kristo at sa pamamagitan ni Kristo, yaong mga, sa pamamagitan ng biyaya ng Banal na Espiritu, ay mananampalataya sa Kanyang Anak na si Hesus, at magtitiyaga sa pananampalataya at susunod sa pananampalataya hanggang wakas; at, sa isang banda naman, ang mga hindi susunod at hindi sumasampalataya ay iniwanan sa kanilang mga kasalanan sa ilalim ng poot, at hahatulan sila bilang mga hiwalay kay Kristo, sang-ayon sa mga salita ng Ebanghelyo sa Juan 3:36: “Ang nananalig sa Anak ay may buhay na walang hanggan; ngunit ang hindi tumatalima sa Anak, hindi magkakaroon ng buhay---mananatili sa kanya ang poot ng Diyos at gayundin, ayon sa ibang mga talata ng Bibliya” (FAR, Artikulo I). Makikita natin dito na ang kaligtasan ay nakasalalay sa pananampalataya at pagpapatuloy ng indibidwal. Tahasang inilalagay ng ‘conditional election’ ang kaligtasan sa ating mga kamay, sa ating kakayahan na piliin si Hesus at sa pananatili sa Kanya. Ngayon, sinasabi ng mga Arminians na ang ating kakayahan na piliin si Hesus ay resulta ng pangkalahatang biyaya (prevenient grace) na ibinibigay muna ng Diyos sa lahat ng tao na nagpapagaan sa epekto ng pagbagsak ni Adan sa kasalanan at pinahihintulutan ang tao na tanggapin o tanggihan si Kristo. Sa ibang salita, kailangang gawin ng Diyos na posible ang pagpili ng tao sa kaligtasan ngunit sa huli, ang ating pagpili pa rin sa Diyos ang nagliligtas sa atin. Pinagtitibay ng talata na ginagamit sa Artikulo I ng Arminianism na ang mga mananampalataya ay may buhay na walang hanggan at ang mga tatanggi ay walang buhay na walang hanggan, kaya’t masasabi na may suporta mula sa Kasulatan ang doktrinang ito. Kaya, inaangkin ng argumento ng synergism na ginawa ng Diyos na posible ang kaligtasan para sa tao, ngunit ang ating desisyon pa rin ang aktwal na nagliligtas sa atin.

Kaya, habang inaangkin ng monergism na ang gawa ng Diyos ay parehong kinakailangan at sapat na kundisyon para sa ating kaligtasan, sumasang-ayon naman ang synergism na ang gawa ng Diyos ay isang kinakailangang kundisyon, ngunit tinatanggihan ang kasapatan nito. Ang ating malayang pagpapasya at ang gawa ng Diyos ang nagpapaging sapat dito. Kung gagamitin ang lohika, makikita natin ang depekto sa argumento ng synergism – na hindi talaga aktwal na inililigtas ng Diyos ang sinuman. Inilalagay ng synergism ang pagliligtas sa ating desisyon dahil tayo ang kailangang umaksyon upang maging totoo ang pagliligtas ng Diyos sa atin sa pamamagitan ng ating pananampalataya kay Kristo. Kung hindi aktwal na iniligtas ng Diyos ang sinuman, posible na walang sinuman ang aktwal na maligtas. Kung hindi aktwal na nagligtas ang Diyos ng sinuman, paano natin ipaliliwanag ang mga mabibigat na talata gaya ng Roma 8:28-30? Ang lahat ng pandiwa sa salitang Griyego na ginamit sa talatang ito ay nasa pangnagdaang panahunan, nangangahulugan na ang mga aksyon sa talatang ito ay tapos na at kumpleto na; walang ipinagpapalagay na potensyal pa lamang o mangyayari pa lamang sa mga pandiwang ginamit sa talatang ito. Sa perspektibo ng Diyos, ang kaligtasan ay ganap na. Sa karagdagan. Sinasabi sa Artikulo IV ng Remonstrants ng Arminianism na ang biyaya ng Diyos ay natatanggihan, at ang artikulo V ay nagpapahayag na ang mga pumili sa biyaya ng Diyos ay maaaring ‘bumagsak’ mula sa ‘biyayang iyon’ at ‘bumalik sa kasamaan ng sanlibutan’ at ‘mawala sa biyaya ng Diyos.’ Sinasalungat ng pananaw na ito ang malinaw na katuruan ng Kasulatan patungkol sa katiyakan ng walang hanggang kaligtasan ng mananampalataya.

Kung ito ang totoo, paano tayo tutugon sa mga tatala mula sa Bibliya na sumusuporta sa doktrina ng pagpili ng may kundisyon (conditional election) ayon sa Juan 3:36? Hindi maitatanggi na kinakailangan ang pananampalataya upang makumpleto ang kaligtasan sa ating mga buhay, ngunit saan nakapuwesto ang pananampalataya sa pagkakasunod-sunod na gawa ng Diyos sa pagliligtas sa tao (order of salvation o ordo salutis)? Muli, kung ating sisiyasatin ang Roma 8:29-30, makikita natin ang lohikal na pagkakasunod-sunod sa gawa ng Diyos sa pagliligtas. Ang pagpapawalang sala na tipikal na pinapakahuluganan na ‘sa pamamagitan ng pananampalataya’ ay ikaapat sa listahan at sumusunod lamang sa ‘kaalaman ng Diyos sa mga hinirang,’ ‘pagtatalaga,’ at ‘pagtawag.’ Ngayon ang pagtawag ay kinapapalooban ng mga sumusunod: pagbuhay sa espiritu (regeneration) sa pamamagitan ng Ebanghelyo, pagkatapos ay pananampalataya at pagsisisi. Sa ibang salita, ang ‘pagtawag’ (na tinutukoy ng mga teologong Reformed na ‘effectual calling’ o hindi natatanggihang pagtawag ng Diyos) ay kinapapalooban muna ng pagiging born again sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu (Juan 3:3). Ito ay nagaganap sa pamamagitan ng pangangaral ng Ebanghelyo at sinusundan ng pananampalataya at pagsisisi. Gayunman, bago maganap ang kahit ano sa mga ito, kailangan muna ang ‘pagkilala’ at ‘pagtatalaga ng Diyos’ ayon sa Roma 8:29-30.

Dadalhin tayo ng argumentong ito sa tanong tungkol sa paunang kaalaman ng Diyos (foreknowledge). Inaangkin ng mga Arminians na ang paunang kaalaman ng Diyos ay tumutukoy sa kaalaman ng Diyos sa pananampalataya ng indibidwal bago pa aktwal na manampalataya ang taong iyon. Kung totoo ito, lalabas na ang pagpili sa atin ng Diyos ay hindi nakabase sa “minagaling ng Kanyang kalooban,” sa halip, nakabase ito sa ating kakayahan na piliin ang Diyos sa kabila ng ating makasalanang kalagayan na ayon sa Roma 8:7 ay lumalaban sa Diyos at walang kakayahang tumanggap sa mga espiritwal na bagay. Sinasalungat din ng pananaw ng Arminianism sa ‘foreknowledge’ ang malinaw na katuruan ng mga talata na binanggit sa itaas na sumusuporta sa walang kundisyong pagpili ng Diyos (unconditional election) (Efeso 1:4-5 at Roma 9:16). Ninanakawan ng pananaw na ito (pagplili ayon sa paunang kaalaman ng Diyos sa pananampalataya ng tao) ang Diyos ng Kanyang walang hanggang kapamahalaan at inilalagay ang kaligtasan sa kamay ng mga nilalang na walang anumang kakayahang iligtas ang kanilang sarili.

Bilang konklusyon, ang bigat ng ebidensya sa lohika at Bibliya ay sumusuporta sa pananaw ng kaligtasan ayon sa pananaw ng monergism – ang Diyos ang may akda ng ating kaligtasan at nagpapasakdal nito (Hebreo 12:2). “Tinitiyak ko sa inyong ang mabuting gawa na pinasimulan sa inyo ng Diyos ay kanyang lulubusin hanggang sa Araw ng pagbabalik ni Cristo Jesus” (Filipos 1:6). Hindi lamang may malalim na epekto ang monergism kung paano inuunawa ng isang tao ang kaligtasan, kundi may malalim na epekto din ito sa pag-eebanghelyo. Kung ang kaligtasan ay base lamang sa biyaya ng Diyos, walang dahilan upang magmalaki ang tao at sa Diyos lamang ang lahat ng kaluwalhatian (Efeso 2:8-9). Sa karagdagan, kung aktwal na inililigtas ng Diyos ang tao, tiyak na may bunga ang ating pangangaral dahil ipinangako ng Diyos na ililigtas Niya ang Kanyang mga hinirang. Ang monergism ang katuruan na ganap na nagbibigay luwalhati sa Diyos hindi ang synergism.



Bumalik sa Tagalog Home Page

Monergism (Diyos lamang ang gumawa para sa kaligtasan ng tao) laban sa synergism (ang Diyos ay gumagawang kasama ng tao para sa kanyang kaligtasan) - aling pananaw ang tama?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries