Tanong
Ano ang "moral relativism"?
Sagot
Ang "moral relativism" ay mas madaling mauunawaan kung ikukumpara ito sa "moral absolutism". Inaangkin ng "moral absolutism" na ang moralidad ay nakasalalay sa pangkalahatang prinsipyo (natural na batas at konsensya). Ang mga Kristiyanong nanghahawak sa katuruang ito ay naniniwala na ang Diyos ang pangunahing pinanggagalingan ng pangkaraniwang moralidad, kaya nga hindi ito nagbabago gaya ng Diyos na hindi nagbabago. Samantala, pinaniniwalaan ng "moral relativism" na ang moralidad ay hindi nakabase sa iisang pamantayan ng Diyos. Sa halip, ang mga etikal na katotohanan ay nakadepende sa pabagu-bagong sitwasyon, kultura, pakiramdam, at iba pa.
May mga argumento ang "moral relativism" na nagpapakita ng pagiging walang katiyakan nito. Una, habang mukhang maganda sa pandinig ang mga argumentong ginagamit upang suportahan ang katuruang ito, makikita ang lohikal na pagkakasalungatan sa lahat ng mga argumento dahil lahat sila ay nagsusulong ng isang "tamang" pamamaraan ng moralidad na dapat sundin ng lahat. Ngunit ito mismo ay absolutism. Ikalawa, kahit na ang mga tinatawag na relatibista (relativists) ay itinatakwil din ang relatibismo sa maraming pagkakataon. Hindi nila sasabihin na ang mamamatay tao o rapist ay malaya sa paguusig ng budhi hanggat hindi siya lumalabag sa kanyang sariling pamantayan ng moralidad.
Maaaring ikatwiran ng mga relatibista na ang magkakaibang pagpapapahalaga sa iba't ibang kultura ay nagpapakita na ang moralidad ay pabagu bago sa iba't ibang tao. Ngunit ang pangangatwirang ito ay napakagulo dahil hindi tiyak kung ang ginagawa ng isang indibidawal ay ayon sa isang pamantayan. Kung ang kultura ang nagdidikta kung ano ang tama at mali, paano natin huhusgahan ang mga Nazi kung sinusunod lamang pala nila ang pamantayan ng moralidad ayon sa kanilang kultura? Magiging mali lamang ang mga Nazi kung mali ang pagpatay sa pangkalahatan. Hindi nabago ang katotohanang ito dahil mayroon silang sariling moralidad. Gayundin naman, kahit na nagsasanay ang iba't ibang grupo ng iba't ibang moralidad, mayroon pa rin silang pangkaraniwang moralidad. Halimbawa, ang mga sumasang-ayon sa aborsyon at komokontra sa aborsyon ay naniniwala na mali ang pagpatay, ngunit hindi lamang sila nagkakasundo kung ang aborsyon ba ay maituturing na pagpatay. Kaya nga kahit ang argumentong ito ay nagpapatunay na totoo ang isang pangkalahatang pamantayan ng moralidad.
May mga nagaangkin na ang pabagu bagong sitwasyon ang dahilan ng pagbabago ng moralidad - na sa iba't ibang sitwasyon, may mga gawain na tama ngunit hindi tama para sa ibang sitwasyon. Ngunit may tatlong bagay na magagamit sa paghusga kung tama o mali ang isang gawain: ang sitwasyon, ang gawa at ang intensyon. Halimbawa, maaari nating hatulan ang isang tao ng tangkang pagpatay (intensyon) kahit na siya ay nabigong gawin iyon (gawa). Kaya ang sitwasyon ay bahagi ng pagdedesisyong moral dahil ito ang nagtatakda sa pagpili ng isang tao upang gawin ang isang immoral na gawain (paglalapat ng pangkalahatang prinsipyo ng moralidad).
Ang pinakapangunahing argumento ng mga relatibista ay ang pagkunsinti sa kalayaan. Sinasabi nila na ang pagsasabi sa isang tao ng kamalian ay pagkawala ng kalayaan samantalang binibigyang laya din naman ng relatibismo ang lahat ng pananaw. Ngunit ang katwirang ito ay mapandaya. Una sa lahat, hindi dapat na payagan ang kasamaan. Dapat ba nating pahintulutan ang pananaw ng isang rapist na ang mga babae ay nararapat lamang na abusuhin? Ikalawa, kinokontra nito ang kanyang sarili dahil hindi pinapayagan ng relatibismo ang absolutism o pagkakaroon ng iisang pamantayang moral. Ikatlo, hindi maipaliwanag ng relatibismo kung bakit dapat na pahinutlutan ng isang tao ang lahat maging ang kasamaan. Ang katotohanan na dapat na hayaan na lamang ang mga tao sa kanilang ginagawa (kahit hindi tayo nagkakasundo) ay base sa isang pangkalahatang batas sa moralidad na dapat nating tratuhin ng maayos ang lahat ng tao - ngunit ito muli ay hindi relatibismo kundi absolutismo. Ang totoo, kung walang pangkahalatang prinsipyong moral, walang kabutihan sa mundo.
Ang katotohanan ay isinilang ang lahat ng tao na may konsensiya at lahat tayo ay likas na nakakaalam kung tayo ay ginawan ng masama o nagawan natin ng masama ang ibang tao. Kumikilos tayo na gagawin din ng iba ang insaasahan nila sa atin. Kahit ang mga bata ay nalalaman ang "pagiging parehas" o "hindi pagiging parehas (favoritism)." Ang pagkakaroon lamang ng masamang pilosopiya sa buhay ang dahilan kung bakit makukumbinse ang isang tao na tama ang "moral relativism".
English
Ano ang "moral relativism"?