settings icon
share icon
Tanong

Itinuturo ba ng Bibliya ang tuntunin ng moralidad ayon sa sitwasyon (situational ethics)?

Sagot


Ang moralidad ayon sa sitwasyon (situational ethics) ay isang partikular na pananaw sa tuntunin ng moralidad na nagsasaad na ang pagiging moral ng isang gawa ay matutukoy sa pamamagitan ng konteksto o sitwasyon. Sinasabi ng tuntunin ng moralidad na ito na kung mayroong tama at mali, ito ay malalaman lamang sa pamamagitan ng inaasahang resulta sa isang sitwasyon. Ang moralidad na ito (situational ethics) ay kakaiba sa moral na relatibismo (moral relativism) dahil ang huli ay nagsasabi na walang tama at mali. Ang pamantayan ng tama at mali sa tuntuning ito ay mga alituntunin ng moralidad na kumakatagpo sa mga pangangailangan ng bawat sitwasyon.

Mula sa umpisa hanggang wakas, ang Bibliya ay totoo, hindi nagbabago at napapanahon. Ang Bibliya ba ay nagtuturo o humihimok o kaya ay kumikiling sa moralidad ayon sa sitwasyon (situational ethics?) Ang maiksing sagot ay “hindi.” Isaalang-alang natin ang tatlong prinsipyo: 1) Ang Diyos ang Manlilikha at nagpapanatili ng lahat. 2) Ang Salita ng Diyos ay totoo. 3) Ang tama at mali ay pinagpapasyahan at itinatakda ng katotohanan kung sino ang Diyos.

1. Ang Diyos ang Manlilikha at nagpapanatili ng lahat. Sinasabi ng situational ethics na ang moralidad ay pinagpapasyahan ng kapaligiran o ng mga pangyayari. Sinasabi ng Salita ng Diyos na ang moralidad ay itinatakda ng walang hanggang kapamahalaan ng Diyos, dahil Siya ang manlilikha at nagpapanatili ng lahat ng bagay. Hindi ito ayon sa pangangatwiran lamang kundi ayon sa katotohanan. Kahit na magbigay ang Diyos ng utos na dapat gawin sa isang grupo ng tao at ipagbawal naman ang Kanyang iniutos sa kanila sa isang grupo ng tao, ang pagpapasya sa kung ano ang tama o mali, moral o imoral ay hindi base sa sitwasyon, kundi base sa utos ng Diyos. Sinasabi sa Roma 3:4, “ang Dios ay tapat, datapuwa't ang bawa't tao'y sinungaling.”

2. Ang lahat ng sinabi ng Diyos ay totoo. Ang ipagpalagay na sinusuportahan ng Bibliya ang tuntunin ng moralidad ayon sa sitwasyon ay katumbas ng pagpapalagay na may mali sa mga sinabi ng Diyos. Imposible ito dahil sa unang prinsipyo, ang Diyos ang Manlilikha at nagpapanatili ng lahat.

3. Ang tama at mali ay pinagpapasyahan at itinatakda ng katotohanan kung sino ang Diyos. Ang pag-ibig ang isa sa kalikasan ng Diyos. Itinatakda Niya kung ano ang pag-ibig hindi sa pamamagitan ng Kanyang ginagawa kundi ng simpleng kung sino Siya. Sinasabi ng Bibliya na ang “Diyos ay pag-ibig” (1 Juan 4:16). Ang pag-ibig ay hindi makasarili kundi mapagmalasakit sa iba at hindi naghahanap ng sariling kasiyahan o karangalan (1 Corinto 13). Kaya nga, dahil sa kung Sino ang Diyos, ang Bibliya, na ibinigay ng Diyos, na totoo at hindi nagkakamali ay hindi maaaring maglaman ng sistema ng moralidad na sasalungatin ang kalikasan ng Diyos. Ang tama at mali para sa tuntunin ng moralidad ayon sa sitwasyon (situational ethics) ay kung ano ang makapagpapasaya sa karamihan o sa isang tao dahil sa pagka-makasarili. Kabaliktaran nito ang tunay na pag-ibig. Sinisikap ng pag-ibig na bigyan ng kalakasan at tulungan ang iba na makapagtagumpay.

Ang dalawang problema sa tuntuning ito ng moralidad ay ang pagkakaroon ng iisang katotohanan at ang konsepto ng tunay na pag-ibig. Itinuturo ng Bibliya ang nagiisang katotohanan (absolute truth), na nangangailangan na ang tama at mali ay pinagpasyahan ng banal na Diyos. At ang pag-ibig – na ang depinisyon ng Diyos ay totoo, tapat at tunay – ay walang lugar para sa pansariling kapakanan o hindi malinis na hangarin. Kahit na sabihin ng isang tao na ang sitwasyon ay nangangailangan ng pagpapakasakit, sa tao pa rin ito nanggaling at hindi sa Diyos. Ang dahilan ng tao sa pagpapasya kung ano ang pinakamaganda, kung walang tunay na pag-ibig ay nakabatay pa rin sa pagiging makasarili.

Ano ang mangyayari kung mukhang tama ang isang bagay sa paningin ng tao ngunit mali iyon ayon sa Salita ng Diyos? Dapat tayong magpasakop sa walang hanggang kapamahalaan ng Diyos at magtiwala na ang “lahat ng mga bagay ay nagkakalakip na gumagawa sa ikabubuti ng mga nagsisiibig sa Dios, sa makatuwid baga'y niyaong mga tinawag alinsunod sa kaniyang nasa” (Romans 8:28). Kung tayo ay kay Kristo, ibinigay sa atin ng Diyos ang kanyang Espiritu (Juan 16), at sa pamamagitan Niya, mayroon tayong pangunawa sa kung ano ang tama at mali. Sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, tayo ay inuusig ng ating budhi, binibigyan ng pag-asa at ginagabayan tungo sa katuwiran. Kung may maalab na pagnanasa na malaman ang katotohanan ng mga bagay bagay, kasama ng paghahanap sa kalooban ng Diyos, bibigyan tayo ng Diyos ng kasagutan. "Mapapalad ang nangagugutom at nangauuhaw sa katuwiran: sapagka't sila'y bubusugin" (Mateo 5:6).



Bumalik sa Tagalog Home Page

Itinuturo ba ng Bibliya ang tuntunin ng moralidad ayon sa sitwasyon (situational ethics)?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries