Tanong
Ako ay isang Mormon, bakit ko ikukonsidera na maging isang Kristiyano?
Sagot
Ang sinumang kasapi ng anumang relihiyon – o hindi kasapi ng anumang relihiyon na nagtatanong, “Bakit ko ikukonsidera na maging isang Kristiyano?” ay dapat na isaalang-alang ang mga pagaangkin ng Kristiyanismo. Para sa isang Mormon na nagtatanong ng ganito, ang pagkakaiba sa pagitan ng mga pinaniniwalaan ng Biblikal na Kristiyanismo at pilosopiya ng Mormonismo ang isang pangunahing lugar ng pagsusuri. Kung ang Bibliya ay ang Salita ng Diyos (parehong pinaniniwalaan ito nina Joseph Smith at Brigham Young), dapat na ang mga paniniwala ng Mormonismo at ng Latter-day Saints (kung mapagkakatiwalaan ang kanilang mga paniniwala) ay dapat na sumasang-ayon sa itinuturo ng Bibliya. Gayunman, maliwanag na may mga pagkakasalungatan, at titingnan natin ang apat na pangunahing pagkakasalungatan sa pagitan ng katuruan ng Mormonismo at katuruan ng Bibliya.
1) Dapat na maunawaan ng isang Mormon na ikinukonsidera na maging isang Kristiyano na itinuturo ng Mormonismo ang pagtitiwala sa ibang mga aklat na pinanggagalingan ng kanilang katuruan bukod sa Bibliya. Sa kabilang dako, itinuturo ng Bibliya na ang mga katuruan nito ay sapat para sa pamumuhay Kristiyano (2 Timoteo 3:16) at sinusumpa ang sinuman na nagaangkin ng awtoridad upang dagdagan ang mga hula at katuruan na inihayag dito ng Diyos. Sa ibang salita, pinatutunayan ng Diyos na kumpleto na ang nasulat na kapahayagan ng Kanyang sarili sa Bibliya (Pahayag 22:18–19). Kaya nga, walang dahilan para sa Diyos na muling magpasulat ng mga bagong kapahayagan. Ang Diyos na nagpasulat ng Kanyang salita at sinabi na iyon ay kumpleto na at pagkatapos ay maalalang may nakalimutan siyang ipasulat ay isang Diyos na hindi nagplano para sa hinaharap at walang sapat na kaalaman kung ano ang Kanyang ipapasulat sa umpisa pa lamang. Ang ganitong Diyos ay hindi ang Diyos ng Bibliya. Subalit itinuturo ng Mormonismo na ang Bibliya ay isa lamang sa apat na mapagkakatiwalaang awtoridad sa pananampalataya, ang tatlong iba pa ay ang Book of Mormon, Doctrine and Covenants, at The Pearl of Great Price. Ang tatlong ito ay nagmula sa iisang tao na idineklara ang mga aklat na ito na “hiningahan ng Diyos” sa kabila ng pagsalungat ng mga aklat na ito sa Bibliya, ang nagiisa at tanging Kasulatan na hiningahan ng Diyos. Ang magdagdag ng karagdagang materyales sa Kasulatan at pagtawag sa mga iyon na “hiningahan” din ng Diyos ay pamumusong sa Diyos.
2) Dapat na maunawaan ng isang Mormon na ikinukonsidera na maging isang Kristiyano na ipinakikilala ng Mormonismo ang isang huwad na diyos. Itinuturo ng Mormonismo na hindi laging ang Diyos ang pinakamakapangyarihang persona sa kalawakan (pahina 321, Mormon Doctrine) sa halip, naabot lamang ng Diyos ang ganitong estado sa pamamagitan ng matuwid na pamumuhay (Teachings of the Prophet Joseph Smith, pahina 345). Ngunit sino ang nagpapakahulugan sa salitang “matuwid?” Ang pamantayang ito ay mangagaling lamang sa Diyos mismo. Kaya ang katuruan na ang Diyos ay naging Diyos sa pamamagitan ng pagabot sa isang itinalagang pamantayan na nagmula rin sa Diyos ay isang kontradiksyon. Bilang karagdagan, ang isang diyos na hindi eternal at hindi umiiral sa kanyang sarili ay hindi ang Diyos ng Bibliya. Itinuturo ng Bibliya na ang Diyos ay walang hanggan at umiiral sa Kanyang sarili (Deuteronomio 33:27; Awit 90:2; 1 Timoteo 1:17) at hindi siya isang nilikha kundi Siya mismo ang Lumikha sa lahat ng mga bagay (Genesis 1; Awit 24:1; Isaias 37:16; Colosas 1:17–18).
3) Dapat na maunawaan ng isang Mormon na ikinukonsidera na maging isang Kristiyano na itinuturo ng Mormonismo ang mataas na pagtingin sa tao na hindi sinasang-ayunan ng katuruan ng Bibliya. Itinuturo ng Mormonismo na kahit sino ay maaaring maging diyos (Teachings of the Prophet Joseph Smith, pahina 345–354; Doctrine & Covenants 132:20). Ngunit itinuturo ng Bibliya na ang lahat ng tao ay likas na makasalanan (Jeremias 17:9; Roma 3:10–23; 8:7) at ang Diyos lamang ang nagiisang Diyos (1 Samuel 2:2; Isaias 44:6, 8; 46:9). Itinala sa Aklat ni Isaias ang mismong salita ng Diyos: “Ako ang simula at ang wakas; walang ibang diyos maliban sa akin.” Kung paano itinuturo ng Mormonismo na magiging diyos ang tao sa kabila ng ganitong ebidensya mula sa Kasulatan ay isang patunay ng masidhing kagustuhan ng tao na kunin ang posisyon ng Diyos, isang pagnanasa na nag-ugat sa puso ni Satanas (Isaias 14:14) at kanyang ipinasa kay Adan at Eba sa Hardin ng Eden (Genesis 3:5). Ang pagnanasa na palitan ang Diyos sa Kanyang trono – o ibahagi ito sa iba – ay ang katangian ng sinumang ang ama ay ang Diyablo, kasama ang antikristo, na ipapahayag ang parehong pagnanasa sa pagwawakas ng mga panahon (2 Tesalonica 2:3–4). Sa buong kasaysayan, maraming huwad na relihiyon ang ipinanukala ang ganitong parehong pagnanasa na maging “diyos.” Ngunit idineklara ng Diyos na walang ibang Diyos maliban sa Kanya, at hindi natin siya dapat na salungatin.
4) Dapat maunawaan ng isang Mormon na ikinukonsidera na maging isang Kristiyano na itinuturo ng Mormonismo na may kakayahan ang tao na iligtas ang kanyang sarili, na salungat sa sinasabi ng Kasulatan (Articles of Faith, p.92; 2 Nephi 25:23). Bagama’t tiyak na mabubuhay tayo na magkakaiba dahil sa ating pananampalataya, hindi ang ating mga gawa ang magliligtas sa atin kundi ang biyaya ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya na ibinibigay Niya sa atin bilang isang kaloob na walang bayad (Efeso 2:4–10). Ito ay dahil ang Kanyang perpektong katuwiran lamang ang tinatanggap ng Diyos. Namatay si Kristo doon sa krus upang palitan ng Kanyang katuwiran ang ating mga kasalanan (2 Corinto 5:21). Maaari lamang tayong maging banal sa paningin ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya kay Kristo (1 Corinto 1:2).
Sa huli ang pananampalataya sa isang huwad na Kristo ay magbubunga sa huwad na kaligtasan. Ang anumang kaligtasan na “pinagpaguran” ay huwad na kaligtasan (Roma 3:20–28). Simpleng hindi tayo maaaring maging karapatdapat sa kaligtasan dahil sa ating sariling mga gawa. Kung hindi natin kayang pagtiwalaan ang Salita ng Diyos, wala tayong anumang basehan ng pagtitiwalaan. Kung hindi natin kayang pagtiwalaan ang Salita ng Diyos, kinikilala natin na ang Kanyang Salita ay nagkakamali at hindi mapagkakatiwalaan. Kung hindi kayang ingatan o hindi iningatan ng Diyos ang Kanyang Salita, hindi Siya Diyos. Ang pagkakaiba sa pagitan ng Mormonismo at Kristiyanismo ay ang deklarasyon ng Kristiyanismo na may isang Diyos na walang hanggang umiiral sa Kanyang sarili, na nagtatag ng isang perpekto at banal na pamantayan na hindi natin kayang maabot, ngunit dahil sa Kanyang dakilang pag-ibig ay binayaran ang ating mga kasalanan sa pamamagitan ng pagpapadala ng Kanyang Anak upang mamatay sa krus para sa atin.
Kung handa ka ng ilagak ang iyong pagtitiwala sa kasapatan ng paghahandog ni Hesu Kristo, maaari kang manalangin ng ganito: “Ama, kinikilala ko na ako ay isang makasalanan at kaparapatdapat sa iyong parusa. Kinikilala ko si Hesus at naniniwala ako na Siya lamang ang tanging Tagapagligtas, at dahil Siya ay Diyos, maaari ko Siyang maging Tagapagligtas. Inilalagak ko ang aking pagtitiwala kay Hesus lamang na Siyang tanging makakapagligtas sa akin. Diyos Ama, patawarin Mo po ako sa lahat ng aking mga kasalanan, linisin Mo ako at baguhin Mo ako. Salamat po sa Iyong kahanga hangang biyaya at kahabagan!” English
Ako ay isang Mormon, bakit ko ikukonsidera na maging isang Kristiyano?