Tanong
Kulto ba ang Mormonismo? Ano ang pinaniniwalaan ng mga Mormons?
Sagot
Ang relihiyong Mormon (mormonismo) na ang mga tagasunod ay kilala sa tawag na Mormons o Latter Day Saints (LDS) ay itinatag kulang-kulang dalawandaang taon ang nakalilipas ng isang tao na nagngangalang Joseph Smith. Inaangkin ni Joseph Smith na binisita siya diumano ng Diyos Ama at ni Hesu Kristo na siyang nagsabi sa kanya na ang lahat ng mga relihiyon at katuruan ay kasuklam suklam sa Diyos. Pagkatapos noon, inumpisahan ni Joseph Smith ang isang bagong relihiyon na nag-aangkin na siyang "nagiisang totoong iglesia sa buong mundo". Ang problema sa Mormonismo ay ang pagsalungat nito, pagbago at pagda-dagdag sa katuruan ng Bibliya. Walang dahilan upang hindi paniwalaan ng mga Kristiyano na ang Bibliya ay totoo at sapat at ang tunay na maniwala at magtiwala sa Diyos ay ang maniwala sa Kanyang Salita, at ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos kaya't ito'y nanggaling sa Kanya (2 Timoteo 3:16).
Naniniwala ang mga Mormons sa apat na pinagkukunan ng katuruan na itinuturing nilang Salita ng Diyos hindi lamang sa iisa. 1) Ang Bibliya, "hanggat isinalin ng tama". 2) Ang aklat ng Mormon na isinalin diumano ni Smith na inilathala noong 1830. Inaangkin ni Joseph Smith na ito ang pinakatamang aklat sa mundo at ang bawat tao ay mapapalapit diumano sa Diyos kung susundin ang mga katuruan dito higit sa alinmang libro. 3) Ang mga Doktrina at mga Tipan, na naglalaman ng koleksyon ng mga makabagong kapahayagan patungkol sa pagkakakatatag ng Iglesia ni Hesu Kristo at 4) Ang Perlas na walang kasinghalaga, na itinututring ng mga Mormons na nagbibigay liwanag sa mga doktrina at katuruan na nawala sa Bibliya at idinagdag dito ang sariling impromasyon tungkol sa paglikha sa mundo.
Ito ang paniniwala ng mga Mormons tungkol sa Diyos: Ang Diyos ay hindi dating pinakamakapangyarihan sa buong sangkalawakan. Nakamit lamang niya ang kalagayang ito sa pamamagitan ng matuwid na pamumuhay at sariling pagsisikap. Naniniwala sila na ang Diyos Ama ay mayroong katawan at buto na gaya ng sa tao. Kahit na inabandona na ang katuruang ito ng mga lider ng Mormons sa panahong ito, itinuturo ni Brigham Young na si Adan ay siya mismong Diyos at Ama ng Panginoong Hesu Kristo. Kabalintunaan ng paniniwalang ito ng mga Mormons ay ang paniniwala ang mga Kristiyano na mayroong iisang Diyos lamang (Deuteronomio 6:4; Isaias 43;10; 44:6-8) at Siya ay ay naroon na sa pasimula pa at walang hanggan (Deuteronomio 33:27; Mga Awit 90:2; 1 Timoteo 1:17), at hindi Siya nilikha kundi Siya ang lumikha (Genesis 1; Mga Awit 24:1; Isaias 37;16). Ang Diyos ay perpekto at walang sinuman ang kagaya Niya (Mga Awit 86:8; Isaias 40:25). Ang Diyos Ama ay hindi tao, o naging tao kailanman (Mga bilang 23:19; 1 samuel 15:29; Oseas 11:9). Siya ay Espiritu (Juan 4:24) at ang Espiritu ay walang laman at walang buto (Lukas 24:39).
Ang mga Mormons ay naniniwala na may iba-ibang antas sa buhay sa kabila pagkatapos ng kamatayan. Ito ay ang celestial kingdom, terrestrial kingdom at kadiliman sa labas ng kaharian kung saan ang mga tao ay pupunta depende sa kung ano ang kanilang pinaniwalaan at ginawa dito sa lupa. Salungat ang mga katuruang ito sa itinuturo ng Bibliya. Sinasabi sa Bibliya na mayroon lamang dalawang destinasyon ang tao pagkatapos ng kamatayan at ito ay ang langit at impiyerno at ang pagpunta sa mga lugar na ito ay base sa pananampalataya o hindi pananampalataya sa ginawa ni Kristo na Siyang Panginoon at tanging Tagapagligtas. Para sa mga mananampalataya, ang mawalay sa katawang lupa ay nangangahulugan ng pag-uwi sa piling ng Panginoon (2 Corinto 5:6-8). Ang mga hindi mananampalataya ay dadalhin sa impiyerno o sa lugar ng mga patay (Lukas 16:22-23). Sa muling pagbabalik ng Panginoong Hesu Kristo, magkakaroon ang mga mananampalatya ng bagong katawan na hindi mamamatay (1 Corinto 15:50-54). Gagawa ang Diyos ng bagong langit at bagong lupa para maging permanenteng tirahan ng mga mananampalataya (Pahayag 21:1). Ang mga hindi mananampalataya naman ay itatapon sa kaparusahang walang hanggan sa lawang apoy (Pahayag 20:11-15). Wala ng pangalawang pagkakataon upang maligtas pagkatapos ng kamatayan (Hebreo 9:27).
Itinuturo ng mga lider ng Mormons na ang pagkakatawang tao ni Hesus ay bunga ng pisikal na relasyon ng Diyos Ama at ni Maria. Naniniwala sila na si Hesus ay isang diyos na gaya rin naman ng mga tao na pwedeng maging diyos. Pinaniniwalaan din ng mga Mormons na ang kaligtasan ay makakamit sa pamamagitan ng pananampalataya at mabubuting gawa. Salungat sa mga ito ang itinuturo ng Bibliya. Sa buong kasaysayan ng totoong Kristiyanismo, hindi kailanman itinuro na maaaring maging diyos ang sinumang tao - at ang Diyos lamang ang banal (1 Samuel 2:2). Tayo ay pinabanal lamang ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya sa Kanya (1 corinto 1:2). Si Hesus lamang ang bugtong na Anak ng Diyos (Juan 3:16) at Siya lamang at wala ng iba pa ang maaaring mabuhay ng may perpektong kabanalan at Siya lamang din ang tanging may karangalan at pinakamataas na katayuan sa kalangitan (Hebreo 7:26). Si Hesus at ang Ama ay iisa at si Hesus ay kasama ng Diyos Ama bago siya ipanganak (Juan 1:1-8; 8:56). Ibinigay ni Hesus ang Kanyang sarili bilang handog sa kasalanan at Siya'y binuhay ng Diyos mula sa mga patay at isang araw lahat ng labi ay magsasabi na si Hesus ang Panginoon (Filipos 2:6-11). Sinabi ni Hesus na imposbile na makapunta ang isang tao sa langit sa pamamagitan ng mabubuting gawa kundi sa pamamagitan lamang ng pananampalataya sa Kanya (Mateo 19:26). Lahat ng tao ay karapat dapat sa walang hanggang kaparusahan dahil sa kanilang mga kasalanan ngunit dahil sa walang hanggang pag-ibig at biyaya ng Diyos, binigyan Niya tayo ng pag-asang maligtas sa Kanyang poot. "Sapagka't ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan; datapuwa't ang kaloob na walang bayad ng Dios ay buhay na walang hanggan kay Cristo Jesus na Panginoon natin" (Roma 6:23).
Malinaw na mayroon lamang isang paraan upang maligtas ang tao at iyon ay ang kilalanin ang Diyos Ama ang kanyang Anak na si Hesu Kristo (Juan 17:3). Hindi ito sa pamamagitan ng gawa kundi sa pamamagitan ng pananampalataya (Roma 1:17; 3:28). Maaring makamit ng tao ang kaloob na kaligtasan sa kabila ng kanyang makasalanang kalagayan at ng kanyang mga nagawa (Roma 3:22). "At sa kanino mang iba ay walang kaligtasan: sapagka't walang ibang pangalan sa silong ng langit, na ibinigay sa mga tao, na sukat nating ikaligtas" (Gawa 4:12).
Kahit na ang mga Mormons ay mapagkaibigan sa tuwina, mapagmalasakit at mabait sa mga tao, sila ay nadaya ng isang bulaang relihiyon na binabaluktot ang katototohanan patungkol sa kalikasan ng Diyos, ng Kanyang Anak na Si Hesu Kristo at ng kaparaanan sa kaligtasan.
English
Kulto ba ang Mormonismo? Ano ang pinaniniwalaan ng mga Mormons?