settings icon
share icon
Tanong

Itinuturo ba sa Bibliya ang mortal at benyal na kasalanan?

Sagot


Ayon sa Simbahang Romano Katoliko may dalawang kategorya ng kasalanan ang mortal na kasalanan at benyal na kasalanan. Ang usapin tungkol sa kasalanan na tinuturo sa Bibliya ay isa sa mga pinakapangunahing aspeto sa pag-unawa ng buhay kasama ang Diyos at ang kahulugan ng pagkakilala sa Kaniya. Sa paglakad natin sa buhay na ito, dapat nating malaman kung paano tayo tutugon sa ating mga kasalanan ayon sa Bibliya at sa mga kapahayagan ng mga kinakaharap nating mga kasalanan sa sanlibutan sa bawat sandali o sa bawat araw. Ang resulta ng hindi pagkakaroon ng tamang pangunawa sa kasalanan ayon sa Bibliya, at ang hindi tamang pagtugon sa kasalanan ay lubhang nakasasama sa atin. Ang maling pagkaunawa sa kasalanan ay maaaring magdulot sa atin ng walang hanggang pagkahiwalay sa Diyos at walang hanggang pagdurusa sa impiyerno. Ngunit purihin ang ating Diyos at Tagapagligtas na si HesuKristo! Sa Kanyang Banal na Salita, ipinakita ng Diyos ng malinaw kung ano ang kasalanan, paano ito nakakaapekto sa ating buhay, at ano ang wastong pagtugon natin dito. Kung kaya, kung ating uunawain ang konsepto tungkol sa mortal at benyal na kasalanan, marapat lamang na hanapin ang katotohanan sa tunay ngang sapat na Salita ng Diyos.

Upang ating malaman kung itinuturo sa Bibliya ang konsepto ng mortal at benyal na kasalanan, makatutulong kung ating pagbabatayan ang ilan sa mga pangunahing paglalarawan. Ang konsepto ng mortal at benyal na kasalanan ay mula sa Romano Katoliko. Ang ilan sa mga Kristiyano at mga Protestante ay maaaring alam ang mga terminong ito at ang iba naman ay maaaring hindi. Ang kilalang kahulugan ng mortal at benyal na kasalanan ay maaaring: Mortal na kasalanan ay “kasalanan na nagdudulot ng kamatayang espiritwal,” at ang Benyal na kasalanan ay "kasalanang napapatawad.” Ang benyal na kasalanan ay direktang kabaliktaran ng mortal na kasalanan. Ang mga mortal na kasalanan ang naghihiwalay sa tao sa kaharian ng Diyos ngunit hindi inihihiwalay ang tao sa Diyos ng mga benyal na kasalanan. Nagkakaiba ang mortal na kasalanan at benyal na kasalanan batay sa karampatang parusa para sa mga ito. Ang mga benyal na kasalanan ay may temporal na kaparusahan sa pamamagitan ng pangungumpisal at apoy sa purgatoryo, habang ang kaparusahan sa mortal na kasalanan ay walang hanggang kamatayan.

Sa “Catechism of the Catholic Church,” matatagpuan ang kahulugan ng mortal na kasalanan. Para masabing mortal ang kasalanan, mayroong tatlong batayan: Masasabing mortal ang kasalanan kung ito ay “lubhang mabigat na kasalanan at ginawa ng buong kaalaman at sinadya.” Ayon sa Katekismo, "Ang lubhang mabigat na kasalanan ay tinukoy sa Sampung Utos." Ayon din sa kanila, ang mortal na kasalanan ay “nagbubunga ng kawalan ng pag-ibig sa Diyos at kasalatan sa biyayang nagpapabanal.” Ito ay hindi matutubos sa pagsisisi at kapatawaran ng Diyos, nagdudulot ito ng pagkahiwalay sa kaharian ni Kristo at walang hanggang kamatayan sa impiyerno.

Tungkol naman sa benyal na kasalanan, ayon sa Katesismo, nagkakasala ng benyal ang isang tao kung ito ay magaan lamang o maliit na bagay, gaya ng hindi pagsunod sa mga karaniwang moralidad na umiiral, o kung kanyang nilabag ang batas ng moralidad ngunit walang ganap na kaalaman o kapahintulutan dito. Ang benyal na kasalanan ay nagpapahina sa pag-ibig ng tao sa Diyos; nagpapakita ito ng walang kaayusang pagsinta ng isang nilalang; ito ay pumipigil sa pag-unlad ng kaluluwa sa paglago sa pagiging matuwid at mabuti; at nadadagdagan ang temporal na kaparusahan. Ang sinasadya at di pinagsisisihang benyal na kasalanan ay unti unting nagtuturo sa atin na gumawa ng mortal na kasalanan. Gayunman, ang benyal na kasalanan ay hindi nagdadala sa atin palayo sa kalooban at pakikipagkaibigan sa Diyos; hindi nito nababali ang pangako na makasama ang Diyos. Dahil sa biyaya ng Diyos, ito ay maaaring ayusin ng tao. "Ang mga benyal na kasalanan ay hindi mag-aalis sa tao ng biyayang nagpapabanal, sa pakikipagkaibigan sa Diyos, ng pag-ibig sa Diyos, at ng walang hanggang kagalakan."

Sa kabuuan, ang mortal na kasalanan ay ang sadyang paglabag sa Sampung Utos ng Diyos (sa isip, salita o gawa) na ginawa na nalalamang lubos ang bigat ng kasalanan at ang resulta nito ay pagkawala ng kaligtasan. Maibabalik lamang ang kaligtasan kung magsisisi at hihingi ng kapatawaran sa Diyos. Ang kasalanang benyal ay maaaring paglabag din sa Sampung Utos ng Diyos o mas magaang na kasalanan, ngunit hindi sinasadya o walang ganap na kapahintulutan ng tao. Bagamat nakasisira ito sa relasyon sa Diyos, ang benyal na kasalanan ay hindi nagreresulta ng pagkawala ng buhay na walang hanggan.

Sa Bibliya, ang konsepto ng mortal at benyal na kasalanan ay may ilang problema: Una sa lahat, ang mga konseptong ito ay sumasalungat sa Bibliya kung paano tinitingnan ng Diyos ang kasalanan. Sinasabi sa Bibliya na ang Diyos ay makatarungan at matuwid sa Kanyang pagpaparusa sa kasalanan at sa araw ng paghuhukom, ang ilang kasalanan ay may mas mabigat na kaparusahan kumpara sa iba (Mateo 11:22, 24; Lukas 10:12, 14). Ngunit dapat nating alalahanin na lahat ng kasalanan ay parurusahan ng Diyos. Itinuturo sa Bibliya na ang lahat ay nagkasala (Roma 3:23) at ang kabayaran sa kasalanan ay walang hanggang kamatayan (Roma 6:23). Malayo at salungat ito sa ideya ng mortal at benyal na kasalanan. Walang sinasabi ang Bibliya na ang ilan ay karapatdapat sa walang hanggang kamatayan at ang ilan ay hindi. Ang lahat ng kasalanan ay mortal na kasalanan kung kaya’t ang lahat ng nagkasala ay karapat-dapat sa walang hanggang pagkahiwalay sa Diyos.

Ipinaliwanag ito ni Santiago sa kanyang sulat (Santiago 2:10), "Sapagkat kung sinomang gumaganap sa buong kautusan, at gayon may natitisod sa isa, ay nagiging makasalanan sa lahat". Pansinin ang salitang "natitisod". Nangangahulugan ito ng pagkakamali o pagkahulog sa mali. Nais ipakita ni Santiago ang larawan ng isang tao na nagpipilit gumawa ng mabuti, gayunman, kahit hindi niya sinasadya ay nagkakasala. Ano ang konsekwensya nito? Ang Diyos, sa pamamagitan ng kanyang lingkod na si Santiago ay sinasabing kahit hindi sinasadya ng isang tao ang magkasala, nilabag niya na ang buong kautusan. Isang magandang paglalarawan sa katotohanang ito isang malaking bintanang salamin at isipin na ang bintanang iyon ay ang Kautusan ng Diyos. Hindi mahalaga kung ang isang tao ay maghagis ng napakaliit na bato o malalaking bato sa salamin. Pareho lamang ang resulta: ang bintana ay mababasag. Sa parehong paraan, hindi mahalaga kung ang tao ay nakagawa ng isang maliit na kasalanan o ilang malalaki. Ang resulta ay pareho lamang, ang tao ay lumabag sa kautusan ng Diyos. Sinabi ng Panginoon na sa anumang paraan ay hindi aariing walang sala ang salarin (Nahum 1:3).

Ikalawa, ang konseptong ito ay nagpapahayag ng pagsalungat sa Bibliya kung ano ang kabayaran ng kasalanan para sa Diyos. Parehong ang kapatawaran sa mortal at benyal na kasalanan ay nakadepende sa pagbabayad ng nagkasala sa ilang kaparaanan. Sa Romano Katoliko, ang pagbabayad sa kasalanan ay sa pamamagitan ng pangungumpisal, pagdadasal ng isang partikular na panalangin, Komunyon, o iba pang ritwal. Ang pangunahing kaisipan na upang mapatawad ni Kristo ang isang nagkasala, siya ay dapat na may gagawin. Ang kabayaran at kapatawaran sa pagkakasala ay nakadepende sa gawa ng nagkasala.

Ito ba ang itinuturo ng Bibliya tungkol sa pagbabayad ng kasalanan? Malinaw na isinasaad sa Bibliya na ang kabayaran ng kasalanan ay hindi makikita o nakabatay sa gawa ng nagkasala. Pansinin natin ang 1 Pedro 3:18, "Sapagka't si Kristo man ay nagbata ring minsan dahil sa mga kasalanan, ang matuwid dahil sa mga di matuwid, upang tayo'y madala niya sa Diyos; Siyang pinatay sa laman, nguni't binuhay sa Espiritu." Pansinin ang mga salitang "Si Kristo man ay nagbata ring minsan dahil sa mga kasalanan." Ipinapahayag dito na ang lahat ng mga kasalanang nagawa ng isang taong naniniwala kay Hesu Kristo ay nabayaran na sa krus. Namatay si Kristo para sa lahat ng sumasampalataya sa kanya. Kasama rito ang lahat ng kanyang mga kasalanan bago siya nanampalataya at lahat ng kanyang mga pagkakasala matapos ang kaligtasan.

Kinukumpirma ito sa Colosas 2:13 at 14, "At nang kayo'y mga patay dahil sa inyong mga kasalanan, at sa di pagtutuli ng inyong laman ay kaniyang binuhay kayo na kalakip Niya, na ipinatawad sa atin ang ating lahat na mga kasalanan; Na pinawi ang usapang nasusulat sa mga palatuntunan laban sa atin, na hindi naayon sa atin: at ito'y kaniyang inalis, na ipinako sa krus; Ang Diyos ay "pinatawad ang lahat ng ating mga kasalanan" hindi lamang ang mga kasalanan sa nakaraan, kundi pati ang lahat ng kasalanan sa hinaharap. Sinabi ng Panginoong Hesus na "Naganap na" (Juan 19:30), sinabi Niya na natapos na ang mga kinakailangang kundisyon at ang kapatawaran at walang hanggang buhay ay para sa lahat ng sumasampalataya sa Kanya. Kung kaya sinabi ni Hesus sa Juan 3:18 , "Ang sumasampalataya sa Kaniya ay hindi hinahatulan." Ayon sa Roma 8:1, "Ngayon nga'y wala nang anomang hatol sa mga na kay Kristo Hesus." Bakit hindi hahatulan ang mga mananampalataya? Bakit wala ng hatol sa mga na kay Kristo Hesus? Ito ay dahil ang kamatayan ni Kristo ay sapat na pambayad sa lahat ng ating mga kasalanan sa Diyos (1 Juan 4) at ngayon ang mga nagtitiwala kay Kristo ay hindi na parurusahan sa kanilang mga kasalanan.

Samantalang ang konsepto ng mortal at benyal na kasalanan ay naglalagay ng responsibilidad na makamit ang kapatawaran ng Diyos laban sa kanilang kasalanan sa kamay ng nagkasala, itinuturo ng Bibliya na ang lahat ng kasalanan ng mga mananampalataya ay napatawad na sa krus ni Hesus. Ang Bibliya ay nagtuturo sa pamamagitan ng salita (Galacia 6:7 and 8) at halimbawa (2 Samuel 11-20) na kung ang isang Kristiyano ay magkasala, siya ay maaaring mag-ani ng temporal, pisikal, emosyonal, mental, o espiritwal na konsekwensya. Ngunit hindi mawawala ang kaligtasan ng tunay na mananampalataya dahil ayon sa Salita ng Diyos. ang poot ng Diyos sa kasalanan ng mga mananampalataya ay ganap nang napawi sa krus.

Ikatlo, ang konseptong ito ay salungat sa inilalarawan ng Bibliya tungkol sa pakikitungo ng Diyos sa Kanyang mga anak. Maliwanag na ayon sa Romano Katoliko, isa sa mga resulta ng pagkakaroon ng mortal na kasalanan ay ang pagkawala ng walang hanggang buhay ng nagkasala. Bukod dito, ayon sa kanila, muling ipinagkakaloob ng Diyos ang buhay na walang hanggan sa pamamagitan ng pagsisisi at mabubuting gawa.

Itinuturo ba sa Bibliya na ang tao na tunay na iniligtas ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo ay nawawala ang kaligtasan at mababawing muli ito? Malinaw na hindi ito itinuturo sa Bibliya. Sa oras na maglagak ng buong tiwala ang isang tao kay Kristo para sa kapatawaran ng kanyang kasalanan, ayon sa Bibliya, ang taong iyon ay tiyak na ang kaligtasan at hindi niya ito maiwawala kailanman. Tingnan ang mga sinabi ni Hesus sa Juan 10:27-28, "Dinirinig ng Aking mga tupa ang Aking tinig, at sila'y Aking nakikilala, at sila'y nagsisisunod sa Akin; At sila'y binibigyan Ko ng walang hanggang buhay; at kailan ma'y hindi sila malilipol, at hindi sila aagawin ng sinoman sa Aking kamay". Gayun din ayon kay Apostol Pablo sa Mga Taga- Roma 8:38-39, "Sapagka't ako'y naniniwalang lubos, na kahit ang kamatayan man, kahit ang buhay, kahit ang mga anghel, kahit ang mga pamunuan, kahit ang mga bagay na kasalukuyan, kahit ang mga bagay na darating, kahit ang mga kapangyarihan, kahit ang kataasan, kahit ang kababaan, kahit ang alin mang ibang nilalang, ay hindi makapaghihiwalay sa atin sa pagibig ng Diyos, na nasa kay Kristo Hesus na Panginoon natin."

Kung ating iisipin ang katotohanan na ang lubos na makakapawi lamang sa poot ng Diyos laban sa ating mga kasalanan ay ang kamatayan ni Kristo, ang ating mga kasalanan ay hindi makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos. Sa Kanyang dakilang pag-ibig, pinili Niya ang kamatayan ni Kristo bilang kabayaran sa kasalanan ng mga mananampalataya. Kung gayon, sa tuwing magkakasala ang isang mananampalataya, ang kapatawaran ng Diyos na nasa Kay Kristo ay naroon bagaman maaaring makaranas siya ng mga masamang resulta dulot ng kasalanan, ang pag-ibig at kapatawaran ng Diyos ay hindi kailanman mawawala. Sa Roma 7:14-25, malinaw na ipinahayag ni Apostol Pablo, na ang mga mananampalataya ay magpapagal sa kanyang buong buhay sa mundo, ngunit tayo ay ililigtas ni Kristo sa kamandag ng kamatayan. At "Ngayon nga'y wala nang anumang hatol sa mga na Kay Kristo Hesus" (Roma 8:1). Datapuwa't ang konsepto ng mortal na kasalanan ay nagtuturo na nawawala ang kaligtasan, itinuturo ng Bibliya na ang pag-ibig ng Diyos ay hindi Niya binabawi kailanman sa Kanyang mga anak.

Ang biyaya ng Diyos ay hindi lamang pagtubos sa mga mananampalataya sa bawat masamang gawa, ngunit pati na rin sa paggabay sa mga mananampalataya sa banal na pamumuhay at gawing masigasig ang mga mananampalataya para sa mabubuting gawa. Hindi ito nangangahulugan na hindi na kailanman nagkakasala ang isang mananampalataya, bagkus ang kanyang puso ay nasa nagbibigay karangalan sa Diyos dahil sa pagkilos ng biyaya ng Diyos sa kanyang buhay. Ang kapatawaran at kabanalan ay dalawang bahagi na magkasama sa biyaya ng Diyos. Bagamat ang mananampalataya ay maaaring matisod at mahulog sa kasalanan kung minsan at marahil sa “malaking kasalanan,” ang landas ng kanyang buhay ay patungo pa rin sa kabanalan at pagsunod sa Diyos at sa Kanyang kaluwalhatian. Kung susundin ang konsepto ng mortal at benyal na kasalanan, maaari syang malinlang sa pagtingin sa kasalanan ng may kalapastanganan, sapagkat iniisip niyang pangkaraniwan lamang ang magkasala dahil madali din lang namang humingi ng kapatawaran sa Diyos para sa pansariling kapakinabangan. Itinuturo ng Bibliya na ang tunay na mananampalataya ay hindi titinganan ang kasalanan ng walang paggalang at magsusumikap siya sa lakas at biyayang kaloob ng Diyos na mabuhay na banal.

Batay sa mga katotohanang naihayag sa itaas, ang konsepto ng mortal at benyal na kasalanan ay hindi biblikal at nararapat lamang na tanggihan bilang pananaw sa pakikitungo ng Diyos sa kasalanan at sa Kanyang tugon dito. Sa pagkamatay, pagkalibing at pagkabuhay na muli ni Kristo, ang ating mga kasalanan ay ganap ng inako ng Panginoong Hesus at dapat natin itong tingnan bilang pagpapamalas ng pag-ibig ng Diyos para sa atin. Ang pagpapatawad sa ating mga kasalanan at ang ating katayuan sa harapan ng Diyos ay hindi nakabatay sa ating sarili, sa ating pagkabigo, o katapatan. Ang tunay na mananampalataya ay nakatuon ang paningin kay Hesus at namumuhay sa liwanag ng lahat ng Kanyang mga ginawa para sa atin. Ang pag-ibig at biyaya ng Diyos ay tunay ngang kamangha-mangha! Nawa mamuhay tayo sa liwanag ng buhay na mayroon tayo Kay Kristo! Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, nawa mapagtagumpayan natin ang lahat ng ating kasalanan, maging "mortal," "benyal," sinadya man o hindi sinadya.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Itinuturo ba sa Bibliya ang mortal at benyal na kasalanan?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries