Tanong
Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa muling pagaasawa pagkatapos na mamatay ang asawa?
Sagot
Maaari na bang magasawa ang isang tao pagkatapos na siya ay mabalo? Hindi lamang tinatalakay sa Bibliya ang muling pagaasawa pagkatapos na mabalo kundi sa ilang pagkakataon ay aktwal na hinihimok pa ang muling pagaasawa (1 Corinto 7:8-9; 1 Timoteo 5:14). Sa panahon ng Bibliya, hinihimok ito sa kulturang Hudyo dahil sa iba't ibang kadahilanan. Sa maraming pagkakataon, tinatalakay ng Bibliya ang isyu tungkol sa mga babaeng balo hindi ang mga lalaking balo. Gayunman, wala alinman sa mga konteksto ng mga talatang ito ang pumapabor sa kasarian.
Ang pagtalakay sa isyu ng mga balong babae ay may tatlong posibleng dahilan. Ang una ay dahil laging nagtatrabaho sa labas ng tahanan ang mga padre de pamilya, at kalimitan ay mapanganib ang kanilang trabaho. Sa panahon ng Bibliya, mas maiksi ang buhay ng mga lalaki kaysa sa kanilang mga asawang babae gaya ngayon. Kaya nga karaniwang higit na marami ang babaeng balo kaysa sa mga lalaking balo.
Ang ikalawang dahilan ay kalimitang walang pinagkakakitaan ang mga babae sa panahon ng Bibliya upang suportahan ang kanilang sarili at ang kanilang mga anak. Ang muling pagaasawa ay isang pangunahing paraan upang magkaroon muli ng proteksyon at probisyon ang mga babaeng balo para sa ikabubuhay nila at ng kanilang mga anak. Nang maitatag na ang iglesya, naging responsable ang iglesya sa pangangalaga sa mga babaeng balo (1 Timoteo 5:3-10).
Ang ikatlong dahilan ay ang pagpapatuloy ng lahi at pangalan ng namatay na asawang lalaki, isang tradisyon na isinasaalang-alang sa kulturang hudyo. Dahil dito, kung mamatay ang asawang lalaki na hindi nagkaanak sa kanyang asawa, hinihimok ang kapatid na lalaki ng namatay na kunin ang asawa ng kapatid na namatay at bigyan ng anak ang kanyang kapatid. Mayroon ding pagpipilian ang ibang lalaki sa pamilya na gawing asawa ang asawa ng yumao ngunit may sinusunod na proseso kung saan bibinigyan ang bawat lalaki ng pagkakataon na gampanan ang responsibilidad ng yumao o palampasin ang pagkakataong iyon (tingnan ang aklat ni Ruth para sa halimbawa ng kaugaliang ito). Maging sa mga saserdote (na kailangang sumunod sa isang mas mataas na pamantayan), ang muling pagaasawa pagkatapos na mabalo ay pinahihintulutan. Sa kaso ng mga saserdote, ang kanila lamang dapat na maging asawa ay dating asawa ng isang namatay na saserdote (Ezekiel 44:22). Kaya, ayon sa katuruan ng Bibliya tungkol sa paksang ito, ang muling pagaasawa pagkatapos na mabalo ay pinahihintulutan ng Diyos.
Sinasabi sa atin sa Roma7:2-3, "Sapagka't ang babae na may asawa ay itinali ng kautusan sa asawa samantalang ito ay nabubuhay; datapuwa't kung ang asawa'y mamatay, ay kalag na sa kautusan ng asawa. Kaya nga kung samantalang nabubuhay ang asawa, siya'y makikisama sa ibang lalake, siya'y tatawaging mangangalunya: datapuwa't kung mamatay ang asawa, ay laya na siya sa kautusan, ano pa't siya'y hindi na mangangalunya, bagaman siya'y makisama sa ibang lalake." Maging sa kaso ng diborsyo na nagaganap sa 50 porsyento ng mga magasawa sa panahong ito, naglalaman ang panata ng ikinakasal ng pariralang, "hanggang sa paghiwalayin tayo ng Diyos…" Ang pariralang ito ay maaaring hindi nagmula sa Bibliya, ngunit ito ay isang prinsipyo na naaayon sa Bibliya.
Sa oras na ikasal ang isang lalaki at isang babae, pinagisa sila ng Diyos bilang isang laman (Genesis 2:24; Mateo 19:5-6). Ang tanging makapuputol sa kanilang pagsasama bilang magasawa sa mata ng Diyos ay kamatayan. Kung mamatay ang isa sa magasawa, ang balo ay malaya ng makapagasawang muli. Pinayagan ni Pablo ang mga balo na muling magasawa sa 1 Corinto 7:8-9 at hinimok ang mga nakababatang balong babae na muling magasawa sa 1 Timoteo5:14. Ang muling pagaasawa pagkatapos na mabalo ay ganap na pinahihintulutan ng Diyos.
English
Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa muling pagaasawa pagkatapos na mamatay ang asawa?