Tanong
Ang muling pagaasawa ba pagkatapos ng diborsyo ay laging maituturing na pangangalunya?
Sagot
Bago namin sagutin ang katanungang ito, nais naming bigyang diin, “kinamumuhian ng Diyos ang diborsyo! (Malakias 2:16). Ang sakit, pagkalito at kabiguan na nararanasan ng mga tao pagkatapos ng diborsyo ay tiyak na isa sa mga dahilan kung bakit ito kinamumuhian ng Diyos. Higit na mahirap, sa Biblikal na aspeto ang isyu tungkol sa diborsyo kaysa sa isyu tungkol sa muling pagaasawa. Ang marami sa mga nakipagdiborsyo ay muling nagasawa kung hindi man pinagiisipan na muling magasawa. Ano ang sinasabi ng Bibliya patungkol dito?
Sinasabi sa Mateo 19:9, “Ito ang sinasabi ko sa inyo, sinumang lalaking magpalayas at humiwalay sa kanyang asawa, maliban kung ang asawa niya'y nangangalunya, a at mag-asawa ng iba, ay nagkakasala ng pangangalunya.” Tingnan din ang Mateo 5:32. Ang mga talatang ito sa Bibliya ay malinaw na nagsasaad na ang muling pagaasawa pagkatapos ng diborsyo ay pangangalunya maliban sa kaso ng “pagtataksil sa asawa.” Tungkol sa natatanging kasong ito ng pagtataksil at mga implikasyon nito, pakibasahin ang aming mga sumusunod na artikulo:
Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa diborsyo at muling pagaasawa?
Ako ay isang diborsyado, maaari bang magasawa akong muli?
Naniniwala kami na may ilang pagkakataon kung kailan ang diborsyo at muling pagaasawa ay pinahihintulutan at hindi maituturing na pangangalunya. Kasama sa mga ito ang patuloy na pangangalunya ng isa sa magasawa, pangaabusong pisikal sa asawa at mga anak, at kusang pagiwan ng hindi mananampalataya sa asawang mananampalataya. Hindi namin sinasabi na ang mga taong nakakaranas ng ganito ay dapat na muling magasawa. Hinihimok ng Bibliya na manatiling walang asawa ang isang hiwalay sa asawa o kaya naman ay makipagkasundong muli sa asawa ang nakipaghiwalay o hiniwalayan ng kanyang asawa (1 Corinto 7:11). Gayundin naman, naniniwala kami na iniaalok ng Diyos ang awa at kahabagan sa asawang diniborsyo at pinapayagan ang taong iyon na muling magasawa na hindi maituturing na isang pangangalunya.
Ang isang taong nakipagdiborsyo sa kadahilanan na hindi gaya ng mga nakalista sa itaas at pagkatapos ay magasawang muli ay nagkakasala ng pangangalunya (Lukas 16:18). Ang katanungan ngayon ay, ang pagaasawang muli ba ay isang “akto” ng pangangalunya o “kalagayan” ng pangangalunya? Ang pangkasalukuyang pandiwa ng salitang Griyego na ginamit sa Mateo 5:32; 19:9; at Lukas 16:18 ay nagpapahiwatig ng isang “nagpapatuloy na kalagayan ang pangangalunya.” Gayundin naman, ang pangkasalukuyang pandiwa sa salitang Griyego ay hindi laging nagpapahiwatig ng isang nagpapapatuloy na aksyon. Minsan nangangahulugan ito ng isang aksyong naganap na. Halimbawa, ang salitang “paghiwalay” sa Mateo 5:32 ay nasa pangkasalukuyan ngunit ang pakikipagdiborsyo ay hindi isang nagpapatuloy na aksyon. Naniniwala kami na ang pagaasawang muli anuman ang dahilan, ay hindi isang nagpapatuloy na “kalagayan” ng pangangalunya. Ang mismong “akto” lamang ng pagaasawang muli ang matatawag na pangangalunya.
Sa Lumang Tipan, ang kaparusahan para sa pangangalunya ay kamatayan (Levitico 20:10). Gayundin naman, binabanggit sa Deuteronomio 24:1-4 ang muling pagaasawa pagkatapos ng diborsyo at hindi ito tinawag na pangangalunya at hindi rin hiningi ang parusang kamatayan para sa muling nagasawa. Mariing sinasabi sa Bibliya na kinamumuhian ng Diyos ang diborsyo (Malakias 2:16), ngunit hindi mababasa saanman sa Bibliya na kinamumuhian Niya ang muling pagaasawa. Hindi iniuutos saanman sa Bibliya na makipagdiborsyo ang isang taong muling nagasawa. Hindi sinasabi sa Deuteronomio 24:1-4 na ang muling pagaasawa ay ilegal o imbalido. Ang pagaasawang muli dahil sa diborsyo ay katulad din ng pagtapos sa unang relasyon bilang magasawa sa pamamagitan ng diborsyo. Ang parehong aksyon ay kinapapalooban ng pagsira sa sumpaan sa harap ng Diyos sa pagitan ng magasawa sa harap ng maraming saksi.
Anuman ang dahilan sa likod ng diborsyo, kung magasawang muli ang magkabilang panig, nararapat silang magsikap na maging tapat sa kanilang bagong asawa at si Kristo t ang dapat na maging sentro ng kanilang pagsasama. Hindi tinitingnan ng Diyos ang bagong pagsasama na walang bisa o isang pangangalunya. Ang mga muling nagasawa ay nararapat na ihandog ang sarili sa Diyos at sa isa’t isa – at luwalhatiin Siya, ituring ang pagaasawa na panghabang buhay at si Kristo ang gawing sentro ng kanilang pagsasama (Efeso 5:22-33).
English
Ang muling pagaasawa ba pagkatapos ng diborsyo ay laging maituturing na pangangalunya?