settings icon
share icon
Tanong

Ano ang mga pangkaraniwang relihiyon sa mundo?

Sagot


Hindi na mabilang sa dami ang mga relihiyon sa mundo ngayon, at napakarami pa ng mga sekta sa ilalim ng mga relihiyong ito. Sa pangkalahatan, tinatangka ng relihiyon na tulungan ang tao na malaman ang layunin ng kanyang buhay sa mundo, ipaliwanag kung ano ang mangyayari pagkatapos ng kamatayan at ipaalam kung mayroong Diyos at kung sino Siya at kung paano makikipagugnayan sa Kanya. Ang pitong relihiyon sa listahan sa ibaba ang bumubuo sa mahigit na siyamnapu’t limang (95) porsyento ng populasyon ng mundo.

Romano Katolisismo at Kristiyanismo
May humigit kumulang na 1.2 bilyon sa mundo ang nagaangkin na sila ay Romano Katoliko. Bagamat laging ipinagkakamali ang Romano Katolisismo sa Kristiyanismo, may malaking pagkakaiba sa pagitan ng dalawang relihiyong ito. Sa pangkalahatan, ipinakikilala ng mga Romano Katoliko ang kanilang sarili bilang mga Kristiyano, ngunit, sa layunin na ipakita ang pagkakaiba sa dalawang dibisyon ng pananampalatayang Kristiyano, ang mga tagasunod ng Romano Katolisismo ay tinutukoy na mga Katoliko, habang ang mga hindi Katoliko Romano na tagasunod ng pananampalatayang Kristiyano ay tinutukoy bilang mga Kristiyano. May humigit kumulang sa 900 milyong katao sa buong mundo ang nagaangkin na sila ay Kristiyano ngunit hindi Romano Katoliko. Ang pangalang “Kristiyano” ay kinuha mula sa tala sa Aklat ng mga Gawa kung saan tinawag na mga Kristiyano ang mga sinaunang tagasunod ni Hesus ng Nazareth (Gawa 11:26). Ang salitang “Kristiyano” ay literal na nangangahulugang “maliliit na Kristo.” Ang “Kristo” ay salitang Griyego para sa salitang Hebreong Mesiyas, ang “pinahiran o hinirang ng Diyos.” Bagamat laging ipinakikilala ng mga Kristiyano ang kanilang sarili bilang kasapi ng isang partikular na denominasyon gaya ng Baptists, Methodists, Presbyterians, Lutherans, Pentecostals, at Nazarenes, inaangkin din nila sa kanilang sarili sa pangkalahatan ang pangalang “Kristiyano.” Bilang isang grupo, kadalasang ang Kristiyanismo ay tinatawag na “Iglesya.” Ito ay isang hindi gaanong malinaw na terminolohiya dahil ginagamit din ang salitang ito para sa isang lokal na kongregasyon o kaya naman ay sa isang gusali ng isang partikular na denominasyon.

Islam
Ang salitang “Islam” ay literal na nangangahulugang “pagpapasakop,” kaya, ang isang Muslim ay isang taong “nagpapasakop sa Diyos.” Ang katuruan ng Islam ay pangunahing nakabase sa mga sulat ni Muhamad na nakatala sa Koran. May humigit kumulang 1.3 bilyong Muslim sa buong mundo ngayon. Ang relihiyong Islam ay matatagpuan sa halos lahat ng bansa sa mundo. Bagamat karamihan ng mga Muslim ay nasa Gitnang Silangan, ang pinakamalaking populasyon ng mga Muslim ay nasa Asya. Napakaraming Muslim sa Indonesia, Malaysia, Pakistan, Bangladesh, at maging sa India.

Hinduismo
Ang Hinduismo ay isang salita na nilikha ng mga nasa Kanluran upang itawag sa isang dominanteng relihiyon at sistemang sosyal sa India. Sa tradisyon, tinutukoy ng mga mga tinatawag na Hindu ang kanilang relihiyon na “dharma,” na nangangahulugang “ang daan” o “ang relihiyon.” May humigit kumulang sa 900 milyong Hindu sa buong mundo. Ang kalakhang bilang ng mga Hindu ay matatagpuan sa India. Kumalat ang mga Indians sa buong mundo, kaya maraming komunidad ng mga Hindi sa iba’t ibang bansa sa mundo. Ang kabuuang bilang ng mga Hindu sa India ay isang paksa ng kontrobersya dahil kasama sa bilang na ito ang 300 milyong dalits na opisyal na ibinilang ang kanilang sarili bilang bahagi ng istrukturang sosyal ng mga Hindu ngunit hindi pinapahintulutang makibahagi sa relihiyong Hinduismo.

Budismo
Ang paniniwala ng Budismo ay base sa mga katuruan ng isang tao na tinatawag na Buddha, na nangangahulugan na “isang naliwanagan.” Maraming sangay ang relihiyong ito, ngunit ang Budismo ay isang naaangkop na termino at ang mga tagasunod nito, gaano man magkakaiba ang kanilang paniniwala ay masayang makilala bilang mga Buddhist. May humigit kumulang sa 360 milyong tagasunod ang Budismo, ikaapat sa pinakamaraming tagasunod sa likod ng Kristiyanismo, Islam, at Hinduismo. Nanggaling ito sa bansang India at ang tradisyonal na anyo nito ay matatagpuan sa Sri Lanka at sa karamihan ng mga bansa sa Timog Silangang Asya gaya ng Thailand, Myanmar, Laos at Cambodia. Bilang karagdagan, nagpanibagong anyo din ang relihiyong ito sa maraming bansa sa Asya gaya ng Tibet, Korea, China at Japan. Sa kasalukuyan, niyayakap ang Budismo ng mga nasa Kanluran at iinisip ng mga tradisyonal na Buddhist na pagtalikod sa tradisyonal na uri ng relihiyong ito.

Judaismo
Ang Judaismo ay ipinangalan sa tribo ni Judah, isa sa labindalawang anak ni Israel (Jacob). Kaya sa literal, ang relihiyong ito ay ang relihiyon ng mga kabilang sa tribo ni Judah, na tinatawag ding mga Hudyo. Gayunman, ang pagiging Hudyo ay hindi lamang tumutukoy sa isang pagkakakilanlang etniko kundi sa pananampalataya din naman at sa ngayon, maraming Hudyo ang hindi na nagsasanay ng mga gawain ng Judaismo kahit na masaya silang makilala bilang mga Hudyo sa lahi at kultura. Tinatayang may 15 milyong relihiyosong Hudyo sa mundo ngayon, bagamat maraming Hudyo ang hindi kasapi ng anumang relihiyon.

Baha’i
Ang salitang Baha'i ay literal na nangangahulugang “tagasunod ni Baha,” na tumutukoy sa kay Baha'ullah, ang tagapagtatag ng relihiyong ito. Ang Baha'i ay may mahigit sa 7 milyong miyembro sa buong mundo. Ang relihiyong ito ay nagmula sa Iran at may mga tagasunod sa mahigit na 200 bansa sa mundo sa likod ng Kristiyanismo (mahigit 250 bansa, ngunit higit na malayo sa Islam na nasa humigit kumulang sa 175 bansa lamang). English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang mga pangkaraniwang relihiyon sa mundo?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries