Tanong
Ang bawat tao ba ay may "puwang sa kanyang puso" na Diyos lamang ang makapupuno?
Sagot
Inilalarawan ng konseptong ito na may puwang sa puso ng bawat tao na Diyos lamang ang makapupuno. Ang puwang na ito ay ang natural na paghahanap ng puso ng tao sa isang makapagbibigay sa kanya ng kasiyahan na labas sa kanyang sarili, isang bagay na lagpas sa kanyang kakayahan at bukod sa lahat ng ‘bagay.’ Tinutukoy sa Mangangaral 3:11 ang paglalagay ng Diyos ng walang hanggan sa puso ng tao. Ginawa ng Diyos ang sangkatauhan para sa Kanyang walang hanggang layunin at tanging ang Diyos lamang ang makapagbibigay sa atin ng walang hanggang kasiyahan. Ang lahat ng relihiyon ay nagugat sa natural na pagnanais ng tao na “komonekta” sa Diyos. Ang pagnanais na ito ay mapupunan lamang ng Diyos, kaya nga inihahambing ang puwang na ito sa puso ng tao na “puwang na gawa ng Diyos.”
Ang problema, hindi pinapansin ng tao ang pangangailangang ito o kaya naman ay tinatangka na punuan ang puwang na ito sa kanyang puso ng ibang mga bagay sa halip na ang Diyos. Inilalarawan sa Jeremias 17:9 ang kundisyon ng ating mga puso, “Ang puso ay magdaraya ng higit kay sa lahat na bagay, at totoong masama: sinong makaaalam?” Inulit ni Solomon ang konseptong ito: “Ito'y isang kasamaan sa lahat na nalikha sa ilalim ng araw, na may isang pangyayari sa lahat: oo, gayon din, ang puso ng mga anak ng mga tao ay puspos ng kasamaan, at kaululan ang nasa kanilang puso habang sila'y nangabubuhay, at pagkatapos niyaon ay napatutungo sa pagkamatay.” (Mangangaral 9:3). Itinuturo din sa Bagong Tipan ang konseptong ito: “Sapagka't ang kaisipan ng laman ay pakikipagalit laban sa Dios; sapagka't hindi napasasaklaw sa kautusan ng Dios, ni hindi nga maaari” (Roma 8:7). Inilalarawan sa Roma 1:18-22 ang pagtanggi ng sangkatauhan sa mga bagay na maaaring malaman tungkol sa Diyos kasama ang “puwang ng Diyos sa kanyang puso,” at sa halip ay sinamba ang mga bagay maliban sa Diyos.
Nakalulungkot na napakaraming tao ang ginugugol ang kanilang buhay sa paghahanap ng kasiyahan sa ibang bagay maliban sa Diyos upang matagpuan ang kasiyahan gaya ng negosyo, pamilya, palakasan, at iba pa. Ngunit sa kanilang paghahabol sa mga bagay na may hangganan, nananatili silang walang kasiyahan at nagtatanong kung bakit ang kanilang buhay ay puno ng kahungkagan. Walang duda na ang mga taong hinahanap ang kasiyahan sa ibang bagay maliban sa Diyos ay maaaring makaranas ng kaunting kasiyahan sa panandaliang panahon. Ngunit kung ating isasaalang alang ang sinabi ni Solomon na nagkaroon ng lahat na kayamanan, tagumpay, kasikatan at kapangyarihan sa mundo – ng lahat ng hinahangad ng lahat ng tao sa buhay na ito - makikita natin na wala sa mga bagay na ito ang makapagbibigay sa atin ng ating hinahanap. Idineklara ni Solomon na walang kabuluhan ang lahat ng bagay na nangangahulugan na walang kabuluhan ang mga bagay na kanyang hinangad dahil hindi ito nakapagbigay sa kanya ng kasiyahan. Sa huli sinabi ni Solomon, “Ito ang wakas ng bagay; lahat ay narinig: ikaw ay matakot sa Dios, at sundin mo ang kaniyang mga utos; sapagka't ito ang buong katungkulan ng tao” (Mangangaral 12:13).
Gaya ng isang parisukat na hindi angkop sa isang bilog, gayundin naman, hindi mapupunuan ang puwang na ginawa ng Diyos sa ating mga puso ng anumang bagay maliban sa Kanya. Sa pamamagitan lamang ng isang personal na relasyon sa Diyos sa pananampalataya kay Kristo mapupunan ang puwang ng Diyos sa ating mga puso na siyang mahbibigay sa atin ng walang hanggang kasiyahan na hindi maglalaho kailanman.
English
Ang bawat tao ba ay may "puwang sa kanyang puso" na Diyos lamang ang makapupuno?