Tanong
Totoo bang nabuhay si Hesus? Mayroon bang katibayan sa kasaysayan patungkol kay Hesu Kristo?
Sagot
Karaniwan kung itinatanong ang katanungang ito, ang taong nagtatanong ay naghahamon na “huwag isali ang Bibliya” sa mga katibayan ng pagkabuhay na mag-uli at sa pagkakaroon ng isang Hesu Kristo sa kasaysayan ng mundo. Hindi tayo pumapayag sa ganitong argumento na hindi pwedeng pagkunan ng ebidensiya ang Bibliya sa pagkabuhay na mag-uli ni Hesus. Ang Bagong Tipan ay naglalaman ng daan-daang mga talata na tumutukoy kay Hesu Kristo. Mayroon pang petsa ang pagkasulat sa mga Ebanghelyo noong ikalawang siglo A.D., isandaang (100) taon matapos ang kamatayan ni Hesus. Pagdating sa mga lumang ebidensiya, (kasama ang Bibliya sa aming ipinaglalaban na makapagpapatunay kay Hesus at sa Kanyang muling pagkabuhay) ang mga isinulat na aklat na mas mababa sa dalawandaang taon matapos maganap ang isang pangyayari ay itinuturing na matibay at mapagkakatiwalaang ebidensiya. Nakararaming mga iskolar (Kristiyano at hindi Kristiyano) ang sinasang-ayunan na ang mga sulat ni Pablo ay totoong isinulat ni Pablo sa pagitan ng unang siglo A.D., mas mababa sa apatnapung taon matapos ang kamatayan ni Hesus. Pagdating naman sa nasulat na mga ebidensiya bukod sa Bibliya, may mga matibay na katibayan na may isang tao na nagngangalang Hesus na nabuhay sa bansang Israel noong unang siglo A.D.
Mahalaga ring malaman na noong 70 A.D., sinakop at sinira ng mga Romano ang Jerusalem at halos ang buong Israel at pinatay ang mga naninirahan doon. Ang buong lungsod ay literal na sinunog! Hindi tayo dapat magulat, kung, ang marami sa mga ebidensiya sa pagkabuhay ni Hesus ay kasamang nasira. Marami sa mga nakasaksi o nakakita kay Hesus ay namatay na rin. Ang ganitong senaryo marahil ang naglimita sa bilang ng mga nakasaksi at handang magbigay ng patotoo tungkol kay Hesus at sa Kanyang pagkabuhay na mag-uli.
Dapat ding isaalang-alang ang katotohanan na ang ministeryo ni Hesus ay halos nakatuon lamang sa hindi gaanong importanteng lugar sa maliit na bahagi ng imperyo ng mga Romano, subalit kamangha-manghang malaking bilang ng impormasyon tungkol kay Hesus ang maaaring makuha mula sa kasaysayan ng mga Romano. Ang ilan sa mga napaka-importanteng historikal na ebidensiya tungkol kay Hesus ay ang mga sumusunod:
Ang Romanong si Tacitus na nabuhay noong unang siglo at itinuturing na isa sa pinakatamang nag-aaral ng kasaysayan noong panahong iyon ay nagbanggit ng salitang “mapamahiing mga Kristiyano (na ipinangalan mula sa salitang Christus, salitang latin ng pangalang Kristo”), na nagdusa sa ilalim ni Pontio Pilato sa panahong ng pamumuno ni Tiberius. Isinulat din ni Suetonius, ang pinunong kalihim ni Emperor Hadrian, na may isang taong nagngangalang Chrestus (o Kristo) na nabuhay noong panahon ng unang siglo (Annals 15:44).
Si Flavius Josephus ay isa sa pinakatanyag na Hudyong nag-aral ng kasaysayan. Sa kanyang mga isinulat tinutukoy niya si Santiago, “ang kapatid ni Hesus, na tinatawag na Kristo.” Mayroong kontrobersiyal na talata (18: 3) na nagsasabing, “Ngayon mayroong isang taong nagngangalang Hesus, isang matalinong tao, kung naayon ba sa batas na tawagin Siyang tao. Dahil Siya ay gumawa ng mga kahanga-hangang kabutihan. Siya ay [ang] Kristo.” Siya ay nagpakita sa kanila pagkatapos Niyang mabuhay na mag-uli pagkaraan ng tatlong araw, tulad ng sinabi na noon pa ng mga Banal na Propeta at ng libu-libo pang mga hula na may kinalaman sa Kanya.” Mababasa ang isang bersiyon na, “Sa panahong yaon ay may isang matalinong tao na nagngangalang Hesus. Maganda ang Kanyang asal at Siya ay kilala bilang banal na tao o malinis. Maraming tao mula sa mga hudyo at iba pang mga bansa ang naging Kanyang mga disipulo. Hinatulan Siya ni Pilato ng kamatayan sa pamamagitan ng pagpako sa krus. Ngunit hindi Siya iniwan ng kanyang mga naging Disipulo. Inihayag din nila na nagpakita Siya sa kanila tatlong araw matapos ang kanyang pagkakapako sa krus, at Siya ay buhay; marahil Siya ang Mesias, ang tinutukoy ng mga Propeta na gumawa ng mga kahanga-hangang bagay.”
Inulit din ni Julius Africanus ang sinasabi ng mananalaysay na si Thallus sa isang diskusyon sa pagdilim ng paligid matapos ipako si Kristo sa krus (Extant Writings, 18).
Sa mga sulat 10:96 ni Pliny the Younger, nabanggit sa naturang kalatas ang nakaugaliang pagsamba ng mga Kristiyano kasama na ang katotohanang sinamba ng mga Kristiyano si Hesus bilang Diyos at ito ay katanggap-tanggap para sa kanila.
Kinumpirma rin ng Babilonian Talmud (Sanhedrin 43a) ang pagkakapako ni Hesus sa krus noong gabi ng Paskuwa, at ang mga akusasyon laban kay Kristo na Siya ay nagsasagawa ng mahika at nanghihikayat sa mga Hudyo na talikuran ang kanilang paniniwala sa Judaismo.
Si Lucian ng Samosata ay nabuhay noong pangalawang siglo. Siya ay isang Griyegong manunulat na umaming si Hesus ay sinasamba ng mga Kristiyano, nagpakilala ng mga bagong katuruan, at ipinako sa krus para sa kanila. Sinabi din niya na itinuturo ni Hesus ang pagiging magkakapatid ng mga mananampalataya, ang kahalagahan ng pagsisisi, at ang kahalagahan ng hindi pagsamba sa mga diyus-diyosan. Ang mga Kristiyano ay namuhay ng naaayon sa mga batas ni Hesus, naniniwala sila na sila ay imortal, sila ay nakilala sa paghamak sa kamatayan, at sa pagtanggi sa mga materyal na bagay.
Kinumpirma din ni Mara Bar-Serapion na si Hesus ay itinuturo bilang isang banal at matalinong tao, na itinuturing ng marami na Hari ng Israel, pinatay ng mga hudyo, at nanatiling buhay ayon sa itinuturo ng Kanyang mga tagasunod.
Mayroon din tayong mga Gnostic writings (Ang Ebanghelyo ng Katotohanan, Ang Apocryphon ni Juan, Ang Ebanghelyo ni Tomas, The Treatise on Resurrection, at iba pa). Ang lahat ng ito at bumabanggit kay Hesus.
Sa katunayan, halos puwede nating buuin ang Ebanghelyo mula sa mga naunang ebidensya mula sa mga hindi Kristiyano: Si Hesus ay tinawag na Kristo (Josephus), gumawa ng “kababalaghan,” pinangunahan ang Israel sa isang bagong katuruan, at ipinako sa krus para sa kanila (Babilonian Talmud) sa Judea (Tacitus), inangkin na Siya ay Diyos at muling magbabalik (Eliezar), pinaniniwalaan ng Kanyang mga tagasunod at sinasamba bilang Diyos (Pliny the Younger).
Napakaraming ebidensiya tungkol sa pagkabuhay ni Hesu Kristo, mula sa makamundo at Biblikal na kasaysayan. Marahil ang pinakamatibay na ebidensya na nabuhay nga si Hesus ay ang katotohanan na libu-libong mga Kristiyano mula noong unang siglo A. D., kasama na ang labindalawang alagad, ang handang ibigay ang kanilang mga buhay para kay Hesu Kristo. Ang tao ay handang mamatay dahil sa katotohanang kanyang pinaniniwalaan, subalit walang sinuman ang handang mamatay para isang bagay na alam niyang isa lamang kasinungalingan.
English
Totoo bang nabuhay si Hesus? Mayroon bang katibayan sa kasaysayan patungkol kay Hesu Kristo?