Tanong
Ano ang kahulugan ng pagkabuhay na mag-uli ng mga patay noong mamatay si Jesus (Mateo 27:52-53)?
Sagot
Itinala sa Mateo 27:50-53, "Muling sumigaw si Jesus nang malakas at siya'y nalagutan ng hininga. Biglang nahati ang tabing ng Templo, mula sa itaas hanggang sa ibaba. Nayanig ang lupa at nabiyak ang mga bato. Nabuksan ang mga libingan at muling nabuhay ang maraming banal na namatay. Lumabas sila ng libingan, at pagkatapos na muling mabuhay si Jesus, sila'y pumasok sa banal na lungsod at doo'y marami ang nakakita sa kanila."
Ang pangyayaring ito ay naganap bilang isang patotoo sa walang hanggang kapangyarihan na tanging si Jesu Cristo lamang ang nagtataglay (1 Timoteo 6:14-16). Tanging ang Diyos lamang ang may kapangyarihan sa buhay at kamatayan (1 Samuel 2:6; Deuteronomio 32:29). Kaya nga ang pagkabuhay na mag-uli ang pundasyon ng Kristiyanismo. Ang lahat ng ibang relihiyon sa mundo at ang kanilang mga lider ay hindi naglilingkod sa isang nabuhay na mag-uling Panginoon. Sa pagtatagumpay laban sa kamatayan, agad na nakita kay Jesus ang pinakamataas na awtoridad dahil Siya lamang ang nabuhay na mag-uli sa lahat ng lider ng relihiyon habang ang lahat ay nanatiling patay. Binibigyan tayo ng pagkabuhay na mag-uli ni Cristo ng dahilan upang ipangaral sa iba ang tungkol sa Kanya at upang ilagak nila ang kanilang pagtitiwala sa Diyos (1 Corinto 15:14). Ang pagkabuhay na mag-uli ang nagbibigay sa atin ng katiyakan na pinatawad na ang ating mga kasalanan. Malinaw na sinasabi ni Pablo sa talatang ito na walang kapatawaran ng mga kasalanan kung walang pagkabuhay na mag-uli. At sa huli, ang pagkabuhay na mag-uli ang nagbibigay sa atin ng pag-asa sa kasalukuyan (1 Corinto 15:20-28). Kung hindi nabuhay na mag-uli si Jesus mula sa mga patay, walang magagawang pagkakaiba ang pagiging espiritwal ng mga Kristiyano sa mga hindi Kristiyano. Ngunit ang katotohanan ay muling binuhay ng Diyos si Jesus at dahil dito, "Ituturing din tayong matuwid dahil sumasampalataya tayo sa Diyos na muling bumuhay kay Jesus na ating Panginoon. Siya'y ipinapatay dahil sa ating mga kasalanan at muling binuhay upang tayo'y mapawalang-sala" (Roma 4:24-25).
Ang pagbuhay na mag-uli sa mga banal ay umaayon sa pangkalahatang paraan ng pangangatwiran at estratehiya ni Mateo sa kanyang Ebanghelyo. Ang koneksyon ng pagkabuhay ng mga buto sa Ezekiel 37 sa salaysay ni Mateo ay nagpapakita na naganap ang hula sa Lumang Tipan tungkol sa pagbuhay sa mga banal na ito. Bilang karagdagan, direktang nakaugnay ang pagbuhay na ito sa mga banal sa paparating na kaharian. Ang pagbuhay sa ilan at hindi sa lahat ng mga banal ay hindi lamang nagpapakita ng kapangyarihan ni Jesus na muling bumuhay ngunit binibigyang-diin din nito ang paparating na paghatol ni Jesu Cristo sa mga kaaway ng Diyos kung saan makakasama Niya bilang hukom ang mga taong nakasulat ang pangalan sa Aklat ng Buhay dahil sa biyaya ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya. Ang kaalaman na si Jesus ay namatay at pinagtagumpayan ang kamatayan sa pamamagitan ng Kanyang pagkabuhay na mag-uli ang dapat na maging dahilan upang magnais tayong magsisi at magtiwala tanging sa Kanya lamang para sa ating kaligtasan upang tayo man ay mabuhay na mag-uli isang araw sa "isang kisap mata" (1 Corinto 15:52).
English
Ano ang kahulugan ng pagkabuhay na mag-uli ng mga patay noong mamatay si Jesus (Mateo 27:52-53)?