settings icon
share icon
Tanong

Nagagalit ba ang Diyos?

Sagot


Isang kahangalan kung babalewalain ang mga nakasaad sa Kasulatan tungkol sa galit ng Diyos. Oo, ang Diyos ay nagagalit; at maraming patunay at halimbawa niyan sa Biblia. Siya ay "nagpaparusa sa masama bawat araw" (Mga Awit 7:11).

Ganun pa man, hindi natin maaaring ihalintulad ang galit ng Diyos sa galit na ating nararamdaman. Tingnan nating muli ang Biblia. Sinasabi sa Efeso 4:26-27 na maaaring magalit ngunit dapat iwasan ang magkasala, Dahil ang Diyos ay hindi nagkakasala, alam natin na ang kanyang galit ay matuwid, hindi tulad ng ating pagkagalit. Katulad ng sinasabi sa Santiago 1:20, "Ang galit ng tao ay hindi nakakatulong upang magawa kung ano ang ayon sa kalooban ng Diyos."

Ang diwa ng mga talatang tumutukoy sa galit ng Diyos ay naghahayag kung bakit Siya nagagalit. Nagagalit ang Diyos kapag nalalabag ang kanyang katangian. Siya ay matuwid, banal, at makatarungan, at ang mga katangiang ito ay hindi maaaring balewalain (Exodo 20:4-6; Isaias 42:8). Nagagalit ang Diyos sa bansang Israel at sa kanilang mga hari tuwing sila ay sumusuway (Halimbawa: 1 Hari 11:9-10; 2 Hari 17:18). Ang kasamaan ng Canaan, katulad ng pag aalay ng sanggol at kasamaang sekswal ang nagpasidhi sa poot ng Diyos dahilan upang ipag utos Niya sa Israel na puksain sila, lahat ng lalaki, mga babae, mga bata, at pati na rin ang mga hayop--upang mawala ang kasamaan sa lupain (Deuteronomio 7:1-6). Katulad ng isang magulang na nagagalit sa anumang bagay na maaaring makasakit sa kanyang anak, ang galit ng Diyos ay nakatuon sa bagay na maaaring ikapahamak ng kanyang bayan at ng kanilang kaugnayan sa Kanya. "Sabihin mong ipinapasabi ko na akong si Yahweh, ang buhay na Diyos, ay hindi nasisiyahan na ang sinuman ay mamatay dahil sa kanyang kasamaan; nais kong sila'y magbagong-buhay" (Ezekiel 33:11).

Sa Bagong Tipan ay makikita natin na nagalit si Jesus sa mga tagapagturo at lider ng relihiyon nang panahong iyon sapagkat ginagamit nila ang relihiyon para sa kanilang pansariling kapakinabangan habang hinahayaan ang mga tao sa pagkakagapos ng kasalanan (Juan 2:13-16; Marcos 3:4-5). Sinasabi sa atin ng Roma 1:18 na ang galit at poot ng Diyos ay nahahayag laban sa "kalapastanganan ng mga tao na hinahadlangan ang katotohanan sa pamamagitan ng kanilang kasamaan." Napopoot ang Diyos sa kasamaan ng mga tao, kaya't tinututulan Niya ito sa pamamagitan ng paggawa ng paraan upang ang mga tao ay lumayo sa kasamaan, nang sa ganun ay masumpungan nila ang buhay at kalayaan sa Kanya. Ang naguudyok sa Diyos upang magalit ay ang kanyang pag-ibig sa mga tao; dahil nais Niyang muling maibalik ang ugnayang winasak ng kasalanan.

Habang kailangang bigyan ng Diyos ng katarungan at parusa ang kasalanan, yaong mga tumanggap kay Jesus ay inalis na sa ilalim ng poot ng Diyos. Bakit? dahil si Jesus na ang nagdanas ng kasukdulan ng poot ng Diyos doon sa krus sa halip na tayo ang magdusa. Ito ang ibig sabihin ng kamatayan ni Jesus na nagpahupa sa poot ng Diyos. "Kaya nga wala nang kahatulang parusa sa mga taong nakipag-isa na kay Cristo Jesus. Sa pamamagitan ng Espiritung nagbibigay buhay dahil sa pakikipagisa natin kay Cristo-Jesus, pinalaya na ako mula sa kautusan ng kasalanan at kamatayan. Ginawa ng Diyos ang hindi kayang gawin ng kautusan dahil sa kahinaan ng tao. Isinugo niya ang kanyang sariling Anak sa anyo ng taong makasalanan. Sa gayon hinatulan na Niya ang kasalanang umaalipin sa tao. Ginawa ito ng Diyos upang ang itinakda ng kautusan ay matupad sa atin na namumuhay ayon sa Espiritu at hindi ayon sa hilig ng laman." (Roma 8:1-4).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Nagagalit ba ang Diyos?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries