Tanong
Ano ang dapat kong hanapin para sa isang Iglesya?
Sagot
Upang malaman kung ano ang dapat hanapin sa isang lokal na Iglesya, dapat muna nating maunawaan ang layunin ng Diyos para sa Iglesya — ang katawan ni Kristo — sa pangkalahatan. May dalawang natatanging katotohanan patungkol sa Iglesya. Una, ito ang “Iglesia ng Dios na buhay, ang haligi at saligan ng katotohanan” (1 Timoteo 3:15). Ikalawa, si Kristo lamang ang ulo ng Iglesya (Efeso 1:22; 4:15; Colosas 1:18).
Patungkol sa katotohanan, ang lokal na Iglesya ang lugar kung saan ang Bibliya (Ang tanging katotohanan ng Diyos) ang tanging pinanggagalingan ng awtoridad. Ang Bibliya ang tanging hindi nagkakamaling batayan ng pananampalataya at mga gawaing panrelihiyon (2 Timoteo 3:15-17). Kaya nga, kung maghahanap ng isang dadaluhang Iglesya, dapat tayong maghanap ng isang Iglesya kung saan tapat na ipinangangaral ang Ebanghelyo, kinokondena ang kasalanan, sinasamba ang Diyos mula sa puso, galing lamang sa Bibliya ang itinuturo at nagbibigay ng oportunidad sa paglilingkod sa iba. Maaari ding isaalang-alang ang modelo ng unang Iglesya na makikita sa Gawa 2:42-47, “At sila'y nagsipanatiling matibay sa turo ng mga apostol at sa pagsasamasama, sa pagpuputolputol ng tinapay at sa mga pananalangin. At ang takot ay dumating sa bawa't kaluluwa: at ginawa ang maraming kababalaghan at tanda sa pamamagitan ng mga apostol. At ang lahat ng mga nagsisampalataya ay nangagkakatipon, at lahat nilang pag-aari ay sa kalahatan; At ipinagbili nila ang kanilang mga pag-aari at kayamanan, at ipinamahagi sa lahat, ayon sa pangangailangan ng bawa't isa. At araw-araw sila'y nagsisipanatiling matibay sa pagkakaisa sa templo, at sa pagpuputolputol ng tinapay sa bahay-bahay, at nagsisikain sila ng kanilang pagkain na may galak at may katapatan ng puso. Na nangagpupuri sa Dios, at nangagtatamo ng paglingap ng buong bayan. At idinaragdag sa kanila ng Panginoon araw-araw yaong nangaliligtas.”
Patungkol sa ikalawang katotohanan tungkol sa Iglesya, dapat na dumalo ang mga Kristiyano sa isang lokal na grupo ng mananampalataya na idinideklara ang pagiging pangulo ni Kristo sa lahat ng bagay, sa doktrina at sa gawa. Walang sinumang tao, pastor man o pari o papa ang pangulo ng Iglesya. Ang lahat ay mamamatay. Paanong magkakaroon ang Iglesya ng buhay na Diyos ng isang patay na pangulo? Hindi maaari. Si Kristo ang pinakamataas na awtoridad ng Iglesya at ang lahat ng namiminuno sa Iglesya, mga kaloob, kaayusan, disiplina at pagsamba ay itinalaga sa pamamagitan ng Kanyang kapamahalaan na matatagpuan sa Kasulatan.
Matapos na maitatag ang dalawang pangunahing katotohahang ito tungkol sa Iglesya, ang iba pang mga bagay na isasaalang-alang (gusali, istilo ng pagsamba, mga gawain, programa, lokasyon at iba pa) ay ayon na lamang sa personal na preperensya. Bago dumalo sa isang Iglesya, kinakailangan muna ang mga pagsusuri. Dapat na siyasatin ang kapahayagan ng pananampalataya, layunin, kapahayagan ng misyon o anupamang bagay na nagpapakita ng pinaniniwalaan ng Iglesya. Maraming mga Iglesya ang may sariling website kung saan makikita kung ano ang kanilang pinaniniwalaan tungkol sa Bibliya, sa Diyos, sa Trinidad, kay Hesu Kristo, sa kasalanan, at sa kaligtasan.
Ang susunod ay ang pagbisita sa Iglesya na nakapasa sa mga naunang pamantayan. Makakatulong ang pagdalo ng dalawa hanggang tatlong beses sa pagdedesisyon. Anumang babasahin na ipinamimigay para sa mga bisita ay dapat na suriin at dapat na bigyang pansin ang mga pinaniniwalaan ng Iglesya. Ang pagsusuri sa Iglesyang nais daluhan ay dapat na nakabase sa mga prinsipyong nabanggit sa itaas. Ang Bibliya ba ang pinakamataas na pamantayan ng katuruan? Si Kristo ba ang kinikilalang pangulo ng Iglesya? Binibigyang pansin ba ng Iglesya ang paggawa ng mga alagad? Itinutulak ka ba sa pagsamba sa Diyos? Anong uri ng ministeryo ang nais mong lahukan? Ang mensahe ba ng pastor ay naaayon sa Bibliya at sa paniniwalang Ebangheliko at hindi binabaluktot ang Bibliya upang bigyang kasiyahan ang mga dumadalo? Kailangan din na maramdaman mo na komportable ka sa iyong pagdalo. Nararamdaman mo ba na interesado sa iyong presensya ang mga mananampalataya doon? Binubuo ba ang kongregasyon ng mga tunay na mananamba?
Panghuli, tandaan na walang perpektong Iglesya sa mundong ito. Ito ay puno ng mga taong makasalanan na iniligtas at kinahabagan lamang ng Diyos na patuloy na nakikipagtunggali sa kasalanan at sa laman. Hindi rin dapat kalimutan ang kahalagahan ng pananalangin. Ang pananalangin para sa Iglesya na nais ng Diyos na iyong daluhan ay mahalaga sa proseso ng pagpapasya.
English
Ano ang dapat kong hanapin para sa isang Iglesya?