Tanong
Ano ang ibig sabihin na naging tao ang Salita (Juan 1:14)?
Sagot
Ang salitang Tagalog na “Salita” ay ginagamit sa iba’t ibang kaparaanan sa Bibliya. Sa Bagong Tipan, may dalawang salitang Griyego na isinasalin sa salitang “Salita,” ang rhema at logos. May kaunting pagkakaiba sa pagitan ng dalawang salitang ito. Ang karaniwang kahulugan ng salitang rhema ay “isang salitang binibigkas ng bibig.” Halimbawa ay ang Lukas 1:38, kung saan sinabi ng isang anghel kay Maria na siya ang magiging ina ng anak ng Diyos. Sumagot si Maria pagkarinig sa balita ng anghel, “Narito, ang alipin ng Panginoon; mangyari sa akin ang ayon sa iyong salita [rhema]. At iniwan siya ng anghel.”
Sa kabilang banda, ang salitang Logos naman ay may mas malawak at pilosopikal na kahulugan. Ang salitang ito ang ginamit sa Juan 1. Karaniwan itong nagpapahiwatig ng isang buong mensahe at karaniwang ginagamit sa pagtukoy sa mensahe ng Diyos sa sangkatauhan. Halimbawa, inilalarawan sa Lukas 4:32 ang tungkol sa paraan ng pagtuturo ni Hesus sa mga tao, “At nangagtaka sila sa kaniyang aral, sapagka't may kapamahalaan ang kaniyang salita [logos].” Namangha ang mga tao hindi lamang sa paraan ng pagamit ni Hesus ng mga salita kundi sa kabuuan ng Kanyang mensahe.
Ang salitang “Salita” (Logos) sa Juan 1 ay tumutukoy kay Hesus. Si Hesus ang kabuuang mensahe – ang lahat na nais ipahayag ng Diyos sa tao. Binibigyan tayo ng Juan 1 ng isang sulyap sa relasyon sa pagitan ng Ama at ng Anak bago si Hesus pumunta dito sa lupa sa anyong tao. “Kasama na Siya ng Diyos sa pasimula pa” (Juan 1:1), “kamanlilikha Siya ng Diyos ng lahat ng mga bagay” (talata 3), at Siya ang “ilaw ng buong sanlibutan” (talata 4). Si Hesus (ang Salita) ang perpektong representasyon ng Diyos na hindi nakikita (Colosas 1:19; 2:9; Juan 14:9). Ngunit hindi nakikita ang Diyos at hindi Siya maaaring makita ng mata ng tao. Ang mensahe ng pag-ibig at katubusan na ipinahayag ng Diyos sa pamamagitan ng mga propeta ay hindi naunawaan ng tao sa loob ng maraming siglo (Ezekiel 22:26; Mateo 23:37). Madaling tinanggihan ng mga tao ang mensahe ng isang hindi nakikitang Diyos at nagpatuloy sila sa kanilang rebelyon at mga kasalanan. Kaya’t naging tao ang Salita, kinuha ang anyo ng isang alipin at nanahan sa piling ng mga tao (Mateo 1:23; Roma 8:3; Filipos 2:5–11).
Ginagamit ng mga Griyego ang salitang logos kung tinutukoy nila ang “isip” o “karunugan” ng isang tao. Ginamit ni Juan ang konseptong ito upang ipahayag ang katotohanan na si Hesus, ang Ikalawang Persona ng Trinidad, ang kapahayagan ng Diyos ng Kanyang sarili sa sangkatauhan. Sa Lumang Tipan, ang Kanyang Salita ang ginamit ng Diyos upang likhain ang buong sangnilikha (Awit 33:6) at nagligtas sa mga nangangailangan (Awit 107:20). Sa unang kabanata ng kanyang Ebanghelyo, umapela si Juan sa mga Hudyo at Hentil na tanggapin ang walang hanggang Kristo.
Ikinuwento ni Lukas ang isang talinghaga sa Lukas 20:9-16. “At siya'y nagpasimulang magsabi sa bayan ng talinghagang ito: Nagtanim ang isang tao ng isang ubasan, at ipinagkatiwala sa mga magsasaka, at napasa ibang lupain na mahabang panahon. At sa kapanahunan ay nagsugo siya ng isang alipin sa mga magsasaka, upang siya'y bigyan ng bunga ng ubas: datapuwa't hinampas siya ng mga magsasaka, at pinauwing walang dala. At nagsugo pa siya ng ibang alipin: at ito nama'y kanilang hinampas, at inalimura, at pinauwing walang dala. At nagsugo pa siya ng ikatlo: at kanila ring sinugatan ito, at pinalayas. At sinabi ng panginoon ng ubasan, Anong gagawin ko? aking susuguin ang minamahal kong anak; marahil siya'y igagalang nila.”
“Datapuwa't nang makita siya ng mga magsasaka, ay nangagsangusapan sila, na sinasabi, Ito ang tagapagmana; atin siyang patayin upang ang mana ay maging atin. At itinaboy nila siya sa ubasan, at pinatay siya. Ano nga kaya ang gagawin sa kanila ng panginoon ng ubasan? Paroroon siya at pupuksain niya ang mga magsasakang ito, at ibibigay ang ubasan sa mga iba. At nang marinig nila ito, ay sinabi nila, Huwag nawang mangyari. ”
Sa talinghagang ito, ipinapaalala ni Hesus sa mga pinuno ng mga Hudyo na tinanggihan nila ang mga propeta at ngayon ay tinatanggihan din nila ang Anak. Ang logos, ang Salita ng Diyos, ay ihahandog para sa lahat hindi lamang para sa mga Hudyo (Juan 10:16; Galacia 2:28; Colosas 3:11). Dahil naging tao ang Salita, mayroon tayong isang Dakilang Saserdote na nakakaunawa sa ating mga kahinaan dahil Siya’y “tinukso sa lahat ng mga paraan gaya rin naman natin gayon ma'y walang kasalanan” (Hebreo 4:15).
English
Ano ang ibig sabihin na naging tao ang Salita (Juan 1:14)?