Tanong
Totoo bang nakakalimutan ng Diyos ang ating mga kasalanan? Paanong makakalimutan ng Diyos na walang hanggan ang kaalaman ang anumang bagay?
Sagot
Maraming mga talata sa Biblia ang nagsasabing pinapatawad at nililimot ng Diyos ang ating mga kasalanan. Sinasabi sa Isaias 43:25, "Ako, ako nga ay siyang pumapawi ng iyong mga pagsalangsang alang-alang sa akin; at hindi ko aalalahanin ang iyong mga kasalanan." Ipinapaliwanag din ng Hebreo 10 kung paanong ang kamatayan ni Cristo sa krus ay naging isang minsan lang na paghahandog para sa kasalanan. Hindi kagaya ng sistema ng paghahandog sa Lumang Tipan, kung saan ang ang pag aalay para sa kasalanan ay paulit-ulit, binayaran ni Jesus ng minsan ang ating kasalanan. Ang Kanyang bayad ay kumpleto. Sinasabi sa Hebreo 10:14-18 na: "Sapagka't sa pamamagitan ng isang paghahandog ay kaniyang pinasakdal magpakailan man ang mga pinapagiging-banal. At ang Espiritu Santo ay nagbibigay patotoo rin naman sa atin; sapagka't pagkasabi niya na, Ito ang tipang gagawin ko sa kanila Pagkatapos ng mga araw na yaon, sabi ng Panginoon; Ilalagay ko ang aking mga kautusan sa kanilang puso, At isusulat ko rin naman sa kanilang pagiisip; At ang kanilang mga kasalanan at kanilang mga kasamaan ay hindi ko na aalalahanin pa. At dahil dito ay wala ng paghahandog pa patungkol sa kasalanan."
Pinatutunayan ng mga talatang iyan na hindi na inaalala ng Diyos ang ating mga kasalanan. Gayunman, ang hindi "pagalaala" ng Diyos sa ating mga kasalanan ay hindi nangangahulugan na nakakalimot Siya kagaya ng ating pagkaunawa sa salitang "pagkalimot" na para sa atin ay "kawalan ng kakayahang makaalala." Ang Diyos ay totoong omnisyente kaya't nalalaman Niya ang lahat ng bagay at wala Siyang nakakalimutan. Gayunman, maaari Niyang ipasya na huwag ng alalahanin o isipin ang isang bagay. Sa ugnayang pang tao ay maaari tayong magpasyang alalahanin ang masamang ginawa sa atin ng isang tao o kalimutan na lang ito. At upang mapatawad natin ang isang tao, kailangang iwaglit na natin sa ating isipan ang masasakit na alaalang dulot niya. Ngunit hindi dahil nilimot na natin ang kasalanan ay nangangahulugang hindi na natin ito naaalala kundi dahil pinipili nating kalimutan o hayaan na lamang ito. Ang pagpapatawad ay daan upang maiwasan natin ang pananatili sa mga nakaraang problema at gulo.
Kaya't ang ibig sabihin nito ay sa halip na ituring tayo ng Diyos ayon sa nararapat dahil sa ating mga kasalanan, inalis Niya ang mga ito sa atin, "Kung gaano kalayo ang silangan sa kanluran"---isang di masusukat na distansya (Awit 103:12). Isipin natin halimbawa na naglakbay tayo ng paikot sa globo, kailan ba tayo hihinto sa pagtungo sa silangan o sa kanluran? Mahirap itong sagutin. Gayundin naman, ang ating mga kasalanan ay ganap na pinatawad ng Diyos noong tayo ay Kanyang iniligtas. Ganito ang ibig sabihin ng sumulat ng Hebreo tungkol kay---Jesus na naging minsang paghahandog at ganap na nagalis ng ating mga kasalanan. Dahil kay Cristo, tayo ay pinawalang sala (itinuring na matuwid) sa harap ng Diyos. Ang Roma 8:31-39 ay magandang diskurso tungkol sa ating seguridad at katiyakan kay Cristo. Wala ng epekto ang kasalanan sa ating katayuan sa harapan ng Diyos dahil tayo ay ganap ng tinanggap at itinuring na matuwid dahil sa Kanya. Sa Kanyang pagtingin sa atin ay hindi na Niya inaalala ang ating mga kasalanan, sa halip ay itinururing na Niya tayong matuwid. Sinasabi sa Ikalawang Corinto 5:21, "Hindi nagkasala si Cristo, ngunit dahil sa atin, siya'y itinuring na makasalanan upang sa pamamagitan niya ay maging matuwid tayo sa harap ng Diyos." Sa ganitong paraan ay nilimot ng Diyos ang ating mga kasalanan.
Bilang mga Kristiyano, tayo ay nakagagawa pa rin ng kasalanan ngunit alam natin na ang Diyos ay tapat at nagpapatawad (1 Juan 1:9). Tayo ay Kanyang nililinis at pagkatapos ay kinakalimutan na Niya ito. Hindi Niya isinusumbat ang ating mga kasalanan. Sa halip ay pinalaya Niya tayo mula sa pagkaalipin dito upang magkaroon ng panibagong buhay. At dahil alam natin na tayo ay ganap ng pinatawad ng Diyos sa pamamagitan ni Cristo, maaari nating tularan si Ezekias sa kanyang pagpupuri sa ating Manunubos: "itinapon mo ang lahat ng aking kasalanan sa iyong likuran" (Isaias 38:17). Katulad din ni Pablo, magagawa nating kalimutan ang nakaraan at "magpatuloy sa hangganan upang makamtan ang gantimpala ng pagkatawag ng Diyos sa atin kay Cristo Jesus" (Filipos 3:13).
English
Totoo bang nakakalimutan ng Diyos ang ating mga kasalanan? Paanong makakalimutan ng Diyos na walang hanggan ang kaalaman ang anumang bagay?