settings icon
share icon
Tanong

Ano ang ibig sabihin ni Jesus ng kanyang sabihin na, "nakatayo ako at kumakatok sa pintuan' (Pahayag 3:20)?

Sagot


Sa pamamagitan ni apostol Juan sa Pahayag 2-3 ay sumulat si Jesus sa pitong iglesya na nasa Asya Minor. Ang laman ng sulat ay pagtuturo, pagsaway at pagpapalakas ng loob sa bawat kongregasyon. Subalit sa huli at malahiningang iglesya ng Laodicea, ay sinabi ni Jesus ang mahalagang pagsamong ito, "Nakatayo ako at kumakatok sa pintuan. Kung diringgin ninuman ang aking tinig at bubuksan ang pinto, papasok ako sa kanyang tahanan at kakain kaming magkasalo" (Pahayag 3:20).

Kadalasan ay maririnig o mababasa natin na ang ideyang si Jesus ay nakatayo sa labas ng pintuan at kumakatok ay tumutukoy sa pag-alok ng kaligtasan sa isang indibidwal: kung "bubuksan mo ang pintuan ng iyong puso" at iyong papapasukin si Jesus magiging maayos ang iyong buhay. Ngunit batay sa konteksto ng Pahayag 3:20, hindi naman ipinapakita sa mga talata na si Jesus ay nakikiusap sa isang tao upang maligtas; kundi ito ay tumutukoy sa kanyang pagnanais na Siya ay tanggapin ng iglesya ng Laodicea! Nakababahalang isipin na si Jesus ay nakatayo sa labas ng iglesya at kumakatok, ngunit iyon ang kanyang katayuan. Sapagkat isinara ng iglesya ng Laodicea ang kanilang pintuan sa ulo nito. Naging palalo sila sa kanilang karangyaan, at si Jesus ay kinalimutan nila sa labas. Siya ay naging dayuhan sa puso ng buong kongregasyon.

Karamihan sa pitong sulat ay naglalaman ng papuri, sumbong, o puna at utos o pagtatalaga mula kay Jesus. Ngunit kagaya ng kanilang kapatid na iglesya ng Sardis na patay din sa espiritu, ang iglesya ng Laodicea ay hindi katanggap-tanggap kay Jesus. Sapagkat sila ay umaasa sa kanilang sarili, sa sariling katuwiran, at hayag ang kanilang espiritwal na panlalamig. Subalit ang higit na malala ay hindi nila batid ang kahabag-habag nilang kalagayan.

Kaya’t si Jesus ay nagbigay ng masakit na puna sa kanila: "Nalalaman ko ang mga ginawa mo. Alam kong hindi ka malamig ni mainit man! Higit na mabuti kung ikaw ay malamig o mainit. Ngunit dahil sa ikaw ay maligamgam, hindi mainit ni malamig, isusuka kita! Sinasabi mo, ‘Ako'y mayaman, sagana sa lahat ng bagay at wala nang kailangan pa,’ ngunit hindi mo nalalamang ikaw ay kawawa, kahabag-habag, mahirap, bulag at hubad"" (Pahayag 3:15-17).

Dahil sa kanilang pagiging palalo, pagiging kuntento sa sarili, at pagiging patay sa kalagayang espiritwal, ang iglesya ng Laodicea ay walang silbi sa kaharian ng Diyos. Kayat sa pamamagitan ng patalinghagang salita ay hinikayat sila ni Jesus na ang kanilang huwad na katuwiran ay palitan ng tunay na katuwiran (Pahayag 3:18). Inaanyayahan niya ang iglesya na maging masigasig at magsisi (talatang 19). Ang pagsamo ni Jesus ay taus-puso at mahalaga: "Makinig ka! Ako'y nakatayo sa may pintuan at tumutuktok; kung diringgin ng sinuman ang aking tinig at buksan ang pinto, ako'y papasok sa kanya, at kakaing kasalo niya, at siya'y kasalo ko" (Pahayag 3:20). Personal din ang panawagang ito ng Panginoon. Sapagkat Siya'y nangungusap gamit ang pang isahang salita tulad ng sinuman na kanya, siya. Nangangahulugan ito na inaanyayahan niya ang bawat isa sa iglesya upang kanilang maranasan ang malalim at matalik na pakikipag-ugnayan sa Kanya. Gayunman, kahit nais nya para sa kabuuan ng iglesya na buksan ang kanilang pintuan para sa Kanya. Ito ay paanyaya pa rin sa bawat indibidwal na sila ang magpapasya.

Alam ni Jesus na hindi lahat ay tutugon sa kanyang paanyaya na buksan ang pintuan ng kanilang puso para sa pakikipag-ugnayan sa Kanya dahil mas pipiliin ng marami katulad ng mga taga Laodicea na tanggihan ang kanyang panawagan. Dahil sa malahininga at matigas na puso ay nananatili silang bulag sa katotohanan na ang pinili at nais nila ay huwad na katuwiran (Hebreo 3:7-8). Kayat dahil diyan ay ganito ang sasabihin ni Jesus, "Mateo 7:23, "Hindi ko kayo kilala kailanman; lumayo kayo sa akin, kayong mga gumagawa ng kasamaan" (Mateo 7:21-23). Nakakalungkot iyon sapagkat hindi sila makakapasok sa kaharian ng langit.

Noong panahon ng kanyang ministeryo dito sa daigdig, ay matiyagang ipinakita ni Jesus na ang pagiging matuwid ay makakamtan natin sa pamamagitan lamang ng kaloob na pananampalataya. Ang pagkakaroon lamang ng katuwiran ni Cristo dahil sa kagandahang loob at sa pamamagitan ng pananampalataya ang tanging daan upang makapasok sa kaharian ng langit (Roma 3:24-25; 2 Corinto 5:21; Efeso 2:4-8).

Nang sabihin ni Jesus na, "Ako ay nakatayo sa labas ng pintuan at kumakatok," Inaanyayahan niya ang bawat miyembro ng iglesya sa Laodicea na tingnan at pagukulan ng pansin ang kanilang kalunus-lunos na kalagayang espiritwal at tanggapin ang tunay at wagas na regalo ng kaligtasan. Tulad ni apostol Pablo, kinakailangang mapagtanto ng iglesya ng Laodicea ang kanilang pangangailangan ng lubos na pagtitiwala kay Cristo: "Oo, itinuturing kong walang kabuluhan ang lahat ng bagay bilang kapalit ng lalong mahalaga, ang pagkakilala kay Cristo Jesus na aking Panginoon. Ang lahat ng bagay ay ipinalagay kong walang kabuluhan, makamtan ko lamang si Cristo at lubusang makasama niya. Ang aking pagiging matuwid ay hindi sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan, kundi sa pananalig kay Cristo. Ang pagiging matuwid ko ngayo'y buhat sa Diyos, sa pamamagitan ng pananampalataya" (Filipos 3:8-9).

Kaya’t sa sinumang magbubukas ng pintuan ng kanyang puso kay Jesus, Siya ay nangangako sa kanila ng matalik na pakikipagugnayan na inilalarawan ng masayang pagsasalo sa hapag kainan. Kaugnay pa nito ay may nakalaan Siyang dakilang gantimpala: "Ang magtatagumpay ay uupong katabi ko sa aking trono, tulad ko na nagtagumpay at nakaupo ngayon katabi ng aking Ama sa kanyang trono" (Pahayag 3:21). Ang mga pangungusap na ito ay pangako ni Cristo sa iglesya ng Laodicea. At kahit hanggang ngayon si Jesus ay patuloy na nagsasabi na, "nakatayo Ako sa labas ng pintuan at kumakatok!" Sa mga iglesyang puno ng mga naturingang Kristiyano, Siya ay nagpapaabot ng marubdob na paanyaya ng lubos na pakikipag-ugnayan sa Kanya. Ang may hawak ng susi ng kaharian ng langit (Mateo 16:19; Pahayag 1:18; 3:7) ay nananawagan sa atin upang pakinggan ang Kanyang tinig at buksan ang pintuan upang Siya ay makapasok at maibahagi ang Kanyang matalik na pakikipag isa sa atin. At sa mga tutugon ay tinitiyak din ni Jesu-Cristo ang bukas na pinto ng buhay na walang hanggan at ang gantimpala ng pamamahala sa langit na kasama Siya.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang ibig sabihin ni Jesus ng kanyang sabihin na, "nakatayo ako at kumakatok sa pintuan' (Pahayag 3:20)?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries