settings icon
share icon
Tanong

Paano ako magkakaroon ng kaaliwan at kapayapaan sa pagkamatay ng isang mahal sa buhay?

Sagot


Kung ikaw ay namatayan ng isang mahal sa buhay, alam mo na ito ay isang napakasakit na karanasan. Naunawaan ni Jesus ang sakit ng pagkawala ng isang malapit sa Kanyang puso. Sa Aklat ni Juan (Juan 11:1-44), makikita natin na namatayan si Jesus ng isang malapit na kaibigan na nagngangalang Lazaro. Labis na nagdalamhati si Jesus at nanangis Siya sa harap ng puntod nito. Gayunman, ang kuwentong ito ay hindi nagtapos sa pagluha. Taglay ni Jesus ang kapangyarihan upang buhaying muli si Lazaro mula sa mga patay. Sinabi ni Jesus, "Ako ang pagkabuhay na maguli, at ang kabuhayan: ang sumasampalataya sa akin, bagama't siya'y mamatay, gayon ma'y mabubuhay siya; At ang sinomang nabubuhay at sumasampalataya sa akin ay hindi mamamatay magpakailan man" (Juan 11:25). Pinagtagumpayan ni Jesus ang kamatayan sa pamamagitan ng Kanyang muling pagkabuhay. Isang kaaliwan na malaman na hindi wakas ng buhay ang kamatayang pisikal para sa mga sumasampalataya. Sa mga tumanggap at kumilala kay Jesus bilang Tagapagligats, sila ay may buhay na walang hanggan (Juan 10:28). Naghanda ang Diyos ng bagong tahanan para sa atin kung saan wala ng kamatayan, luha at sakit (Pahayag 21:1-4).

Kahit na nakatitiyak tayo na ang ating namatay na mahal sa buhay ay nasa isang mas magandang lugar na, nararanasan pa rin natin ang sakit ng kanilang paglisan sa atin dito sa mundo. Hindi masama na magdalamhati sa pagkawala ng isang mahal sa buhay. Nanangis si Jesus sa pagkamatay ni Lazaro, kahit na alam Niya na muli Niya itong bubuhayin. Nauunawaan ng Diyos ang ating emosyon at mga katanungan sa buhay. Maaari nating ibuhos sa Kanya ang ating emosyon at ibigay sa Kanya ang ating mga kabigatan at maaari tayong magtiwala sa Kanya na pagkakalooban Niya tayo ng kaaliwan at katiyakan (1 Pedro 5:7). Maaari nating alalahanin ang maraming magagandang bagay tungkol sa ating mga yumaong mahal sa buhay at magalak sa katotohanan na naging bahagi tayo ng kanilang mga buhay. Maaari nating ibahagi sa iba ang mga kuwento kung paanong napagpala tayo ng kanilang mga buhay. Maaari din tayong makatagpo ng kaaliwan sa paggawa ng mga bagay na nais ng ating mga namatay na mahal sa buhay o maggugol ng panahon sa pagalaala sa kanilang mga ginawa kasama ang ating mga malapit na kamaganak at mga kaibigan. Maaari din nating parangalan ang kanilang mga alaala sa pamamagitan ng pamumuhay na nagbibigay ng karangalan at kaluwalhatian sa Diyos.

Mahalagang tandaaan na ang Diyos ang pinagmumulan ng lubos na kaaliwan (2 Corinto 7:6). Habang using magandang bagay ang pagalaala sa ating mga mahal sa buhay at ang pagpaparangal sa kanilang impluwensya sa ating mga buhay, malinaw na itinuturo ng Bibliya na hindi tayo dapat manalangin para sa ating mga namatay na mahal sa buhay o sambahin sila sa anumang paraan. Sa halip, manalangin tayo sa Diyos para sa ating sarili na bigyan Niya tayo ng kaaliwan at kagalingan. Sinasabi sa atin ng Bibliya na ang Diyos ang Ama ng kaaliwan at aaliwin Niya tayo sa lahat ng ating mga kapighatian (2 Corinto 1:3-4). May katiyakan tayo sa pag-ibig ng Diyos at lubos Niyang nauunawaan ang ating mga pinagdadaanan. Lumapit tayo sa Kataastaasan kung kanino natin matatagpuan ang matamis na kapahingahan (Awit 91:1-2).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Paano ako magkakaroon ng kaaliwan at kapayapaan sa pagkamatay ng isang mahal sa buhay?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries