settings icon
share icon
Tanong

Kung si Hesus ay Diyos, bakit Siya nananalangin sa Diyos? Nananalangin ba Siya sa Kanyang sarili

video
Sagot


Upang maunawaan kung bakit nananalangin si Hesus sa Kanyang Ama sa langit, sa kabila ng Kanyang pagiging Diyos, kailangan nating maunawaan na ang walang hanggang Ama at walang hanggang Anak ay may walang hanggang relasyon bago Si Hesus nagkatawang tao. Pakibasa ang Juan 5: 1-27, partikular ang talatang 23 kung saan itinuturo ni Hesus na sinugo Siya ng Ama (tingnan din ang Juan 15:10). Hindi si Hesus naging Anak ng Diyos ng isilang Siya sa Bethlehem. Siya ay Diyos na mula pa sa walang hanggan at Siya ay mananatiling Diyos at Anak ng Diyos magpakailanman.


Sinasabi sa Isaias 9:6 na ang isang Anak ay ibibigay at isang bata ang isisilang. Si Hesus ay kabilang sa Trinidad, kasama ang Banal na Espiritu. Ang Trinidad ay naroon na sa simula pa, ang Diyos Ama, Diyos Anak at Diyos Espiritu Santo ay hindi tatlong diyos kundi isang Diyos sa tatlong persona. Itinuro ni Hesus na Siya at ang Ama ay iisa (Juan 10:30). Ito'y nangangahulugan na Siya at ang Ama ay iisa sa substansya at esensya. Ang Ama, Anak at Espiritu ay tatlong magkakapantay na persona sa iisang Diyos. Ang tatlong ito ay may walang hanggang relasyon sa bawat isa magpakailanman.

Nang magkatawang tao ang banal at walang hanggang Anak ng Diyos na si Hesus, kinuha niya ang anyo ng isang alipin at hindi ipinilit na maging kapantay ng Diyos Ama sa walang hanggang kaluwalhatian (Filipos 2:5-11). Bilang Diyos na Tao, nagpasakop Siya sa Ama (Hebreo 5:8) nang tuksuhin Siya ng Diyablo, paratangan ng mali ng mga tao, itakwil, at sa katapusan ay ipako sa krus. Ang Kanyang pananalangin sa kanyang Ama sa langit ay upang humingi ng kapangyarihan (Juan 11:41 - 42), at karunungan (Markos 1:35, 6:46). Ang Kanyang pananalangin ay nagpapakita ng kanyang pagdepende sa Kanyang Ama bilang Tao upang kanyang maisakatuparan ang plano ng Diyos Ama na pagliligtas sa makasalanan na pinatunayan ng panalangin ni Hesus na gaya sa punong saserdote sa Juan 17. Ang Kanyang pananalangin ay nagpapakita na lubusan siyang nagpapasakop sa kalooban ng Ama, at nakahandang mamatay upang bayaran ang parusa ng kasalanan dahil sa ating pagsuway sa utos ng Diyos (Mateo 26:31-46). Gayundin naman, Siya rin ay nabuhay na mag-uli mula sa mga patay at ipinagkaloob ang kapatawaran at buhay na walang hanggan sa sinumang magsisisi at mananampalataya sa Kanya bilang Tagapagligtas.

Walang problema sa pananalangin ng Anak sa Ama o pakikipag-usap Niya sa Kanyang Ama. Dati na silang may walang hanggang relasyon bago pa nagkatawang tao si Hesus. Ang relasyong ito ay inilarawan sa mga Ebanghelyo upang makita natin kung paanong ang Anak ng Diyos bilang tao ay sinunod ang kalooban ng Diyos Ama at dahil doon natubos Niya mula sa kasalanan ang mga hinirang (Juan 6:38). Ang patuloy na pagpapailalim ni Hesus sa Ama sa langit ay ipinakita Niya sa Kanyang pananalangin. Ang halimbawa ni Hesus sa pananalangin ay isang modelo para sa ating buhay panalangin din naman.

Hindi nabawasan ang pagiging Diyos ni Hesus sa lupa habang Siya ay nananalangin sa Ama. Ipinakikita Niya na kahit sa kanyang Banal na pagkatao ay kailangan pa rin Niya ang pagkakaroon ng maningas na buhay panalangin upang magampanan ang kalooban ng Ama. Ang pananalangin ni Hesus sa Ama ay demonstrasyon ng Kanyang relasyon sa Trinidad at isang halimbawa na nararapat tayong magtiwala sa Diyos sa pamamagitan ng pananalangin upang humingi ng kalakasan at karunungan na ating kinakailangan. Dahil kahit na Si Kristo, na tunay na Diyos at tunay na Tao ay kinailangan din ang maningas na buhay panalangin, kailangan din natin bilang mga Kristiyano ang maningas na buhay panalangin bilang Kanyang mga tagasunod.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Kung si Hesus ay Diyos, bakit Siya nananalangin sa Diyos? Nananalangin ba Siya sa Kanyang sarili
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries