settings icon
share icon
Tanong

Ano ang contemporary theology o napapanahong teolohiya?

Sagot


Ang karaniwang kahulugan ng contemporary theology ay ‘isang pagaaral sa mga nauuso o napapanahong uri ng teolohiya pagkatapos ng Unang Digmaang Pandaigdig hanggang sa kasalukuyan.’ Halos sinasaklaw ang panahon mula sa ika-dalawampung siglo hanggang sa panahong ito, tipikal na tinatalakay sa pamamagitan ng contemporary theology o napapanahong teolohiya ang mga pangunahing paksa gaya ng fundamentalismo, mga bagong paniniwala, paniniwalang Pentecostal, Ebanghelikalismo, bagong liberalismo, Katolisismo pagkatapos ng Vatican II, teolohiya ng Simbahang Orthodox sa Silangan sa ikadalawampung siglo, at kilusang Karismatiko.

Bilang karagdagan sa mas malalaking kategoryang ito ng napapanahong teolohiya, tumatalakay din ang contemporary theology sa mga partikular na uri ng teolohiya gaya ng teolohiya ng pagpapalaya sa pagkaalipin (liberation theology), teolohiyang pumapabor sa mga kababaihan (feminist theology), at iba’t ibang uri ng teolohiya ng iba’t ibang grupong etniko. Dahil sa nakapaloob na maraming iba’t ibang uri ng teolohiya, kakaunting iskolar ng Bibliya ang nagaangkin bilang mga “eksperto” sa napapanahong teolohiya. Sa halip, ang nagiging kalakaran ay nagpapakadalubhasa ang iba sa pagsusuri sa isa o higit pang kategorya ng napapanahong teolohiya.

Ang isa sa pinakabagong sangay ng napapanahong teolohiya ay ang dayalogo sa pagitan ng maraming grupo ng pananampalataya. Ang historikal na teolohiyang Kristiyano ay maihahalintulad sa pananaw ng mga hindi maka-kristiyanong sistema ng paniniwala na siyang basehan ng iba’t ibang grupo ng pananampalataya. Ang mga bagong pagtatangka sa napapanahong teolohiya ay nakatuon sa mga magkakaparehong pagpapahalaga sa pagitan ng dalawa o higit pang grupo ng pananampalataya gaya ng “pananampalatayang nag-ugat kay Abraham” (Judaismo, Kristiyanismo, at Islam) o sa mga relihiyon sa silangan (gaya ng Hinduismo, Budismo, at mga Kilusan sa loob ng Kristiyanismo gaya ng mga iglesya sa China na nagtatago sa kanilang pamahalaan).

Ang contemporary theology o napapanahong teolohiya ay isang pangunahing sangay ng pagaaral ng mga iskolar sa akademya. Dahil dito, tinatalakay nito ang mga intelektwal na hamon na kinakaharap ng teolohiya, kabilang ang siyensya, mga isyung sosyal, at mga gawaing panrelihiyon. Habang karamihan sa mga teologo ng napapanahong teolohiya ang nagmula sa Kristiyanismo, hindi lahat ay nanggaling sa Kristiyanismo. Sa katotohanan, maraming agnostiko (nagdududa sa pagkakaroon ng Diyos) o maging mga iskolar na hindi naniniwala sa Diyos (ateista) ang pumasok sa larangang ito at nagtuturo ng kanilang pananaw tungkol sa pananampalataya sa makabagong panahon.

Para sa mga Kristiyanong naniniwala sa Bibliya, mahalaga ang napapanahong teolohiya dahil inuugat nito ang pagunlad ng pananampalataya mula sa malapit na nakalipas. Gayunman, mahalagang maunawaan na sa tuwina, lumalayo ang napapanahong teolohiya sa tradisyonal na teolohiyang Kristiyano sa tuwing tinitimbang ang pananampalataya sa konteksto ng iba’t ibang kilusang sosyal at sa pagkukumpara sa iba’t ibang sistema ng pananampalataya. Hindi laging pagbalik at pagyakap sa Biblikal na pananaw ang layunin ng contemporary theology o napapanahong teolohiya.

Makakatagpo ng mahahalagang impormasyon sa mawalak na materyales ng contemporary theology ang mga nagnanais na maunawaan ang sinasabi ng Salita ng Diyos tungkol sa mga mahahahalagang paksa sa kasalukuyan. Gayunman, hindi nagbabago ang Salita ng Diyos. Ito ang pinakamataas na pamantayan ng katotohanan para sa mga mananampalataya noon, ngayon, at magpakailanman (1 Timoteo 3:16-17). English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang contemporary theology o napapanahong teolohiya?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries