settings icon
share icon
Tanong

Napopoot ba ang Diyos? Kung ang Diyos ay pag-ibig, paanong Siya ay napopoot?

Sagot


Tila isang pagsasalungatan o kontradiksyon na ang Diyos ng pag-ibig ay napopoot. Ngunit iyan ang sinasabi ng Biblia: Ang Diyos ay pag-ibig (1 Juan 4:8), at Siya ay napopoot (Oseas 9:15). Ang pag-ibig ay likas sa Diyos---Ang ginagawa ay laging para sa ikabubuti ng iba--Subalit kinapopootan niya ang anumang salungat sa kanyang kalikasan--kinapopootan niya ang mga bagay na salungat sa pag-ibig.

Hindi tayo dapat magtaka na may kinapopootan pala ang Diyos. Dahil nilikha Niya tayo na may kakayahang umibig at mapoot, at alam natin na ang pagkagalit minsan lalo't higit kung may tamang dahilan ay makatarungan--sadyang kinapopootan natin ang mga bagay na sumisira sa ating minamahal. Iyan ay dahil sa nilalang tayo ng Diyos ayon sa kanyang wangis. At dahil ang ating buong pagkatao ay nabahiran ng kasalanan, ang ating pag-ibig at poot at madalas na nagmumula sa maling motibo, ngunit ang kakayahang umibig na mula sa Diyos ay hindi naman nawala kahit na tayo ay nagkasala. Hindi kontradiksyon na ang isang tao ay umibig at mapoot at lalong hindi isang salungatan o kontradiksyon sa katangian ng Diyos na Siya ay umiibig at napopoot.

Dapat nating maunawaan na sa tuwing ang Biblia ay nagpapahayag ng poot ng Diyos, ang ibig sabihin nito ay kinapopootan niya ang kasamaan at isa sa kanyang kinapopootan ay ang pagsamba sa diyus-diyusan (Deuteronomio 12:31; 16:22), pag-aalay ng sanggol, kasalanang sekswal (Levitico 20:1-23), at ang mga taong gumagawa ng kasamaan (Mga Awit 5:4-6; 11:5). May pitong bagay na kinamumuhian ang Diyos at ito'y nakatala sa Kawikaan 6:16-19, "Ang kinamumuhian ni Yahweh ay pitong bagay, mga bagay na kanyang kinasusuklaman: kapalaluan, kasinungalingan, at mga pumapatay sa walang kasalanan, pusong sa kapwa'y walang mabuting isipan, mga paang ubod tulin sa landas ng kasamaan, saksing sinungaling, mapaglubid ng buhangin, pag-awayin ang kapwa, laging gusto niyang gawin." Mapapansin natin sa mga talatang ito na hindi lang mga bagay ang kinamumuhian ng Diyos kundi pati na rin ang tao. Simple lang ang dahilan: Ang kasalanan ay hindi maaaring ihiwalay sa makasalanan maliban sa kapatawarang kaloob ni Cristo. Totoong namumuhi ang Diyos sa kasinungalingan, ngunit ang pagsisinungaling ay gawain ng taong Ipinasyang magsinungaling. Kaya't hindi maaaring hatulan ng Diyos ang kasinungalingan ng hindi hinahatulan ang taong sinungaling.

Malinaw na itinuturo ng Biblia na mahal ng Diyos ang mga tao (Juan 3:16) katunayan ay hindi Niya winasak ang Nineveh nang magsisi ito (Jonas 3). Hindi rin Siya natutuwa na maparusahan ang masama (Ezekiel 18:32). Napakahaba ng kanyang pagtitimpi, "Sapagkat hindi niya nais na may mapahamak, kundi ang lahat ay makapagsisi at tumalikod sa kasalanan" (2 Pedro 3:9). Ang lahat ng ito ay katibayan ng kanyang pagmamahal--Ang nais ng Diyos ay para sa ikabubuti ng kanyang nilikha. Gayon din naman, sinasabi ng Mga Awit 5:5 na ang Diyos ay "napopoot sa mga gumagawa ng masama". mababasa rin sa Mga Awit 11:5 na "..sa taong suwail siya'y lubos na namumuhi."

Kaaway ng Diyos ang taong hindi pa nagsisisi sa kanyang kasalanan at hindi pa sumasampalataya sa Panginoong Jesu Cristo (Colosas 1:21). Gayon pa man, minahal na siya ng Diyos kahit na hindi pa siya ligtas (Roma 5:8)--sa katunayan ay inihandog ng Diyos ang kanyang Bugtong na Anak para sa atin. Ngunit ang tanong ngayon ay, ano ang mangyayari sa mga taong tinanggihan ang kanyang pag-ibig, ayaw magsisi, at mas pinili ang kasalanang ginagawa? Ang sagot ay: hahatulan siya ng Diyos dahil ang kasalanan ay kailangan niyang hatulan. Sila yaong masasamang kinamumuhian ng Diyos--yaong mga taong nagpapatuloy sa paggawa ng kasamaan at ng paghihimagsik sa Diyos, kahit na nasaksihan na nila ang kagandahang loob at habag ng Diyos sa pamamagitan ni Cristo.

Ang sabi ni David sa kanyang sinulat, "Ikaw ay Diyos na di nalulugod sa kasamaan, mga maling gawain, di mo pinapayagan" (Mga Awit 5:4). Sa kabilang banda naman ay sinabi niya na "Yaong mga humihingi ng tulong sa Diyos ay masisiyahan at lagi silang aawit nang may kagalakan" (Mga Awit 5:11). Sa totoo lang, ang ika-5 at ika-11 kabanata ng Mga Awit ay nagpapakita ng malaking pagkakaiba sa pagitan ng matuwid (mga taong nagtitiwala sa Diyos) at masama (mga taong mapaghimagsik laban sa Diyos) sapagkat magkaiba ang pagpapasya ng matuwid at masama at magkaiba rin ang kanilang patutunguhan--mararanasan ng isa ang lubos na pag-ibig ng Diyos at ang isa naman ay ang lubos na pagkapoot ng Diyos.

Hindi natin kayang magmahal ng ganap at mapoot ng ganap, ngunit kaya itong gawin ng Diyos. Kaya niyang umibig ng ganap at mapoot ng ganap dahil Siya ay Diyos. Siya ay may kakayahang mapoot ng hindi nagkalasala. Maaari niyang kapootan ang makasalanan ayon sa kanyang ganap at banal na paraan at kaya rin niyang patawarin ang makasalanan ng may buong pagmamahal sa oras na ito ay magsisi at sumampalataya (Pahayag 2:6; 2 Pedro 3:9).

Dahil sa kanyang pag-ibig sa lahat, isinugo ng Diyos ang kanyang Anak upang maging Tagapagligtas. Ang masasama ay kinamumuhian ng Diyos at hindi Niya mapapatawad "sa kanilang kasalanan, dahil sila'y naghimagsik at lumaban sa Diyos" (Mga Awit 5:10). Ngunit--mahalagang maunawaan na--Ang hangad ng Diyos ay magsisi sa kanilang kasalanan ang masasama at makasumpong ng kanlungan sa biyaya ni Cristo. Kapag siya ay magsisisi ay aalisin siya ng Diyos sa kaharian ng kadiliman at ililipat sa kaharian ng pag-ibig (Colosas1:13). Lahat ng kasamaan ay mawawala, aalisin ang lahat ng kasalanan at magiging bago ang lahat (2 Corinto 5:17).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Napopoot ba ang Diyos? Kung ang Diyos ay pag-ibig, paanong Siya ay napopoot?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries