settings icon
share icon
Tanong

Paano kung hindi ko nararamdaman na ako ay ligtas?

Sagot


Ito ay isang napakakaraniwang tanong ng mga Kristiyano. Maraming tao ang nagdududa sa kanilang kaligtasan dahil wala silang nararamdaman o kulang ang kanilang nararamdaman patungkol dito. Napakaraming sinasabi ang Bibliya patungkol sa katiyakan ng kaligtasan, ngunit wala itong sinasabi tungkol sa "pakiramdam ng kaligtasan." Ang katiyakan ng kaligtasan ay isang proseso kung saan ang makasalanan ay iniligtas mula sa poot ng Diyos na siyang hatol ng Diyos laban sa kasalanan (Roma 5:9; 1 Tesalonica 5:9). Ang kamatayan ni Hesus sa krus at ang kanyang pagkabuhay na mag-uli ang tumitiyak ng ating kaligtasan (Roma 5:10; Efeso 1:7).

Ang ating bahagi sa proseso ng pagkakaroon ng katiyakan ng kaligtasan ay ang ating pananampalataya. Una, kailangan nating marinig ang Ebanghelyo - ang mabuting Balita tungkol sa kamatayan at pagkabuhay ni Hesus (Efeso 1:13). Pagkatapos, kailangan nating manampalataya - ang paglalagak ng ating pananampalataya sa Panginoong Hesus (Roma 1:16) at sa kanyang paghahandog ng Kanyang sarili sa krus at wala ng iba. Hindi tayo nagtitiwala sa mga gawa ng ating laman upang magtamo ng kaligtasan. Ang pananampalatayang ito - na isang regalo o kaloob na mula sa Diyos ay hindi nanggaling sa ating sarili - (Ephesians 2:8-9)" at ito'y kinapapalooban ng pagsisisi, pagbabago ng isip tungkol sa kasalanan at tungkol kay Kristo (Gawa3:19), at ng pagtawag sa pangalan ng Panginoon (Roma 10:9-10, 13). Ang kaligtasan ay nagbubunga ng isang binagong buhay habang nagsisimula tayong mamuhay bilang mga bagong nilalang (2 Corinto 5:17).

Namumuhay tayo sa isang sosyedad na umaasa sa pakiramdam at nakalulungkot na ang pamantayang ito ay nakapasok sa Iglesya. Hindi mapagkakatiwalaan ang emosyon. Ang emosyon ay lumalabas at pumapasok gaya ng alon sa dagat na nagdadala ng lahat ng damong dagat at mga dumi na inilalagak sa dalampasigan pagkatapos ay ibabalik ang mga duming ito muli at kakainin ang lupang ating tinutuntungan at dadalhin ito sa dagat. Sa ganito mailalarawan ang ating kalagayan kung hahayaan nating kontrolin ng emosyon ang ating buhay. Ang mga simpleng pangyayari gaya ng - sakit ng ulo, isang maulap na araw, o isang salita ng isang kaibigan na hindi pinagisipan - ay maaaring sumira ng ating araw at dalhin tayo sa "dagat" ng kawalang pag-asa. Ang pagdududa at kawalan ng pag-asa, lalo"t higit sa ating pamumuhay Kristiyano ang hindi maiiwasang resulta ng pagsisikap na bigyan ng kahulugan ang ating mga nararamdaman na gaya sa katotohanan. Ngunit ang pakiramdam ay hindi katotohanan.

Ngunit ang isang matibay at matatag na Kristiyano ay isang taong hindi napapamahalaan ng emosyon kundi ng katotohanan na kanyang nalalaman. Hindi siya nagtitiwala sa kanyang emosyon at pakiramdam upang patunayan ang anumang bagay. Ang pagtitiwala sa pakiramdam ay ang karaniwang pagkakamali na nagagawa ng tao sa kanyang buhay. Masyado silang nadadala ng mga pangyayari habang palaging binibigyang kahulugan ang kanilang mga nararamdaman. Ito ang mga taong laging nagdududa sa kanilang relasyon sa Diyos. "Iniibig ko ba ang Diyos?" "Iniibig ba talaga ako ng Diyos?" "Ako ba ay totoong isa ng mabuting tao?" Ang ating dapat gawin ay tumigil ng pagiisip tungkol sa ating sarili at sa pagpapaliwanag sa ating pakiramdam at sa halip ituon natin ang ating emosyon at atensyon sa Diyos at sa mga katotohanan ng Kanyang mga Salita, ang Bibliya.

Kung hahayan natin na makontrol tayo ng ating pakiramdam sa halip ng katotohanan na nakasentro sa Diyos, mamumuhay taong lagi sa kabiguan. Ang katotohanan ay nakasentro sa mga doktrina ng pananampalataya at ang paglalapat ng mga iyon sa ating mga buhay gaya ng kapamahalaan ng Diyos, ng pagiging Tagapamagitan ni Kristo, ng pangakong Banal na Espiritu at ng pag-asa sa walang hanggang kaluwalhatian sa langit. Ang pangunawa sa mga dakilang katotohanang ito, ang pagtuon ng ating pansin sa mga ito at ang pagsasanay na isapamuhay ang mga ito sa tuwina ang magbibigay sa atin ng kakayahang ipaliwanag ang mga nangyayari sa ating buhay sa liwanag ng katotohanan at mananatiling matibay ang ating pananampalataya. Ang pagpapakahulugan sa mga bagay-bagay ayon sa nararamdaman sa halip na sa pamamagitan ng mga katotohanan tungkol sa Diyos ang tiyak na magdadala sa tao sa espiritwal na kabiguan.

Ang pamumuhay Kristiyano ay "pagkamatay sa sarili"at paglakad sa "bagong pamumuhay" (Roma 6:4), at ang bagong buhay na ito ay kinakikitaan ng pagninilay sa mga Salita ng Diyos na nagligtas sa atin hindi ng pagiisip tungkol sa mga nararamdaman ng ating patay na pagkatao na ipinakong kasama ni Kristo. Kung patuloy tayong aasa sa ating pakiramdam, sa esensya, patuloy tayong nagtitiwala sa isang bangkay na puno ng kabulukan. Ipinangako ng Diyos na ililigtas Niya ang mga lumalapit sa Kanya sa pananampalataya. Hindi Niya ipinangako na mararamdaman natin ang kaligtasan kung totoo tayong naligtas.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Paano kung hindi ko nararamdaman na ako ay ligtas?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries