Tanong
Paano ko malalaman ang nasa ng aking puso ay mula sa Diyos?
Sagot
Sinagot ni Hesus ang tanong na ito para sa atin: “Sapagkat sa puso nanggagaling ang masasamang kaisipan, pagpatay, pangangalunya, pakikiapid, pagnanakaw, pagiging saksi para sa kasinungalingan, at paninirang-puri” (Mateo15:19). Sinabi pa ni Hesus, “Ang lumalabas sa tao ang nagpaparumi sa kanya sa paningin ng Diyos. Sapagkat sa loob, sa puso ng tao, nagmumula ang masasamang isipang naguudyok sa kanya upang makiapid, magnakaw, pumatay, mangalunya, mag-imbot, gumawa ng kasamaan tulad ng pandaraya, kahalayan, pagkainggit, paninirang-puri, pagmamayabang, at kahangalan. Ang lahat ng ito ay nanggagaling sa puso at ang mga ito ang siyang nagpaparumi sa kanya” (Markos 7:20-23).
Sa mga talatang ito, ipinahayag ni Hesus ang pinagmumulan ng lahat ng ating kagustuhan. Ang ating kalikasang makalaman ay nanggaling sa kaloob-looban ng ating pagkatao. Hindi nagmula ang kasalanan mula sa labas na mga pwersa. Nagmula ito mula sa mga lihim na pagnanasa na tanging ang ating isip at puso lamang ang nakababatid. Ang ugat ng lahat ay ang ating masakalanang kalikasan kaya’t ang mga nasa ng ating puso ay hindi nanggaling sa Diyos. Kinumpirma ni Jeremias ang kalikasan ng puso ng tao: “Sino ang makakaunawa sa puso ng tao? Ito'y mandaraya at walang katulad; wala nang lunas ang kanyang kabulukan?” (Jeremias 17:9).
Matagal ng pinaniniwalaan na ang lahat ng tao ay likas na mabuti at ang mga nangyari sa kanyang buhay gaya ng kahirapan o hindi tamang pagpapalaki ang dahilan kung bakit siya naging magnanakaw o mamamatay tao. Ngunit itinuturo ng Bibliya na ang buong sangkatauhan ay nagtataglay ng parehong karamdaman – ang pagiging likas na makasalanan. Tinatawag ni apostol Pablo ang kalagayang ito na “makasalanang kalikasan.” “Alam kong walang mabuting bagay na nananatili sa aking katawang makalaman. Kaya kong naisin ang mabuti, ngunit hindi ko nga lamang magawa ang mabuting ninanais ko. Sapagkat hindi ko ginagawa ang mabuting gusto ko, ang masamang hindi ko gusto ang siya kong ginagawa. Kung ang ginagawa ko ay hindi ko nais, hindi na ako ang gumagawa nito kundi ang kasalanang nananatili sa akin” (Roma 7:18-20). Ang ating makasalanang puso ang nagtutulak sa atin upang magkasala.
Gayundin naman, ang puso ng tao ay sobrang masama at mapandaya na maging ang mga motibo nito ay hindi malinaw sa atin. Bilang mga makasalanang nilalang, gumagawa tayo at nagiisip ng masasamang bagay sa ating pusong mapagmataas at hindi nagpapasakop kaninuman kahit na sa Diyos (Kawikaan 16:30; Awit 35:20; Mikas 2:1; Roma 1:30). Ang katotohanan ay ang Diyos lamang ang may kakayahang malaman ang pinakamalalim na motibo at pagnanasa ng ating puso at tanging sa pamamagitan lamang ng Kanyang kapangyarihan tayo makakaasa na makakakawala sa kawalang katiyakan at kasamaan kung saan nakabilanggo ang ating mga puso. Siya lamang ang tanging nakakaalam ng lahat ng bagay patungkol sa ating sarili (Hebreo 4:11-13).
Sa kabutihang loob ng Diyos, hindi niya tayo iniwan sa pakikipagtunggali sa ating makasariling pagnanasa at makasalanang inklinasyon. Sa halip, binibigyan Niya tayo ng biyaya at lakas na ating kinakailangan upang mapaglabanan ang kasalanan sa tuwing nagtatangka itong pumasok at lumabas sa pintuan ng ating mga puso. Sinasabi sa Awit 37:4-6, “Kay Yahweh mo hanapin ang kaligayahan, at ang pangarap mo'y iyong makakamtan. Ang iyong sarili'y sa kanya italaga, tutulungang ganap kapag ika'y nagtiwala. Ang kabutihan mo ay magliliwanag, katulad ng araw kung tanghaling-tapat.”
Kayang itanim ng Diyos sa ating mga puso ang Kanyang sariling pagnanasa, ang ating puso na kung wala ang Diyos, ay ganap ang kasamaan at pagiging mapandaya. Maaaring palitan ng Diyos ang kasamaan ng ating puso ng kabutihan at ituon ang ating puso patungo sa Kanya, at palitan ang ating mga sariling pagnanasa ng Kanyang pagnanasa. Mangyayari lamang ito kung lalapit tayo Sa Kanya sa pagsisisi at tatanggap ng Kanyang kaloob na kaligtasan sa pamamagitan ng Panginoong Hesu Kristo. Sa sandaling iyon, “aalisin Niya ang ating pusong bato” at “papalitan iyon ng pusong laman” (Ezekiel 11:19). Ginagawa Niya ito sa pamamagitan ng himala ng paglalagay ng Kanyang Espiritu sa ating mga puso. Pagkatapos, ang ating mga nasa ay magiging Kanyang pagnanasa, at ang ating kalooban ay magiging Kanyang kalooban, at ang ating paglaban sa Kanya ay papalitan ng pagsunod ng may kagalakan.
English
Paano ko malalaman ang nasa ng aking puso ay mula sa Diyos?