- Nasaan ang impiyerno? Saan ang lokasyon ng impiyerno?
settings icon
share icon
Tanong

Nasaan ang impiyerno? Saan ang lokasyon ng impiyerno?

Sagot


Maraming isinusulong na teorya tungkol sa lokasyon ng impiyerno. Ang isang tradisyonal na pananaw ay nasa ilalim ito ng mundo. May ibang nagsasabi na ang impiyerno ay nasa labas ng kalawakan sa isang “black hole.” Sa Lumang Tipan, ang salitang “impiyerno” ay “sheol;” sa Bagong Tipan naman, tinatawag itong Hades (nangangahulugan na “hindi nakikita”) at Gehenna, (“ang Lambak ng Hinom). Ang Sheol ay isinalin din sa salitang “hukay” o “libingan.” Ang Sheol at Hades ay tinutukoy na pansamantalang lugar para sa mga namatay bago ang huling paghuhukom (Awit 9:17; Pahayag 1:18). Ang Gehenna naman ay tumutukoy sa walang hanggang kalagayan ng kaparusahan para sa mga namatay na makasalanan (Markos 9:43).

Ang teorya na ang impiyerno ay nasa ilalim ng lupa at maaaring nasa gitna ng mundo ay nagmula sa mga talatang gaya ng Lukas 10:15: “At ikaw, Capernaum, magpapakataas ka hanggang sa langit? ikaw ay ibababa hanggang sa Hades.” Gayundin sa 1 Samuel 28:13-15, ng makita ng mangkukulam sa Endor ang espiritu ni Samuel na “lumalabas mula sa lupa.” Gayunman, dapat nating pansinin na wala sa alinman sa mga talatang ito ang may kinalaman sa heograpiya o lokasyon ng impiyerno. Ang pagbababa sa Capernaum ay maaaring tumutukoy sa paghatol sa halip na sa pisikal na direksyon at ang pangitain ng mangkukulam sa Endor naman ay isa lamang talagang pangitain.

Sa saling King James, sinasabi sa Efeso 4:9 na bago umakyat sa langit si Hesus, “Siya'y bumaba rin naman sa mga dakong kalaliman ng lupa.” May mga Kristiyano na ipinagpapalagay na ang “mga dakong kalaliman ng lupa” ay pagtukoy sa impiyerno kung saan ginugol ni Hesus ang panahon sa pagitan ng Kanyang kamatayan at pagkabuhay na mag-uli. Gayunman, may mas magandang salin ang Magandang Balita Bibliya: “Bumaba muna siya sa mga kailalimang bahagi ng lupa.” Ang talatang ito ay simpleng nagsasabi na si Hesus ay nagpunta sa lupa. Ito ay talata tungkol sa Kanyang pagkakatawang tao, hindi sa isang lokasyon.

Ang teorya na nasa labas ng kalawakan ang impiyerno at posibleng nasa isang “black hole” ay ayon sa kaalaman na ang “black hole” ay mga lugar sa kalawakan na sobrang init at walang anumang bagay kahit na liwanag ang makakatakas doon. Ang isa pang haka-haka ay ang mundo mismo ang magiging dagat dagatang apoy na tinutukoy sa Pahayag 21:10-15. Sa paggunaw sa mundo sa pamamagitan ng apoy, gagamitin ng Diyos ang apoy na ipinanggunaw Niya sa mundo upang maging lugar ng kaparusahan para sa mga makasalanan. Muli, ito ay isa lamang haka-haka.

Sa pagbubuod, hindi sinabi sa atin ng Kasulatan ang eksaktong lokasyon ng impiyerno. Ang impiyerno ay isang literal na lugar ng literal na pagdurusa, ngunit hindi natin alam kung nasaan ito. Maaaring ang impiyerno ay nasa isang lugar sa loob o labas ng ating kalawakan, o maaaring ito ay nasa ibang “dimension.” Nasaan man ang impiyerno, hindi mahalaga ang lokasyon nito. Ang mahalaga ay maiwasan sa anumang paraan ang pagpunta doon.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Nasaan ang impiyerno? Saan ang lokasyon ng impiyerno?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries