settings icon
share icon
Tanong

Ano ang natupad na eskatolohiya (realized eschatology)?

Sagot


Ang natupad na eskatolohiya (realized eschatology) ay isang teorya na ang lahat ng mga hula sa Bagong Tipan ay hindi tumutukoy sa hinaharap; sa halip, tumutukoy sila sa ministeryo ni Jesus at sa pangmatagalang “pamana” ng iglesya. Ayon sa eskatolohiyang ito, ang lahat ng mga hula sa Bibliya tungkol sa kaharian ay natupad na sa panahon ng buhay ni Jesus sa lupa. Nang sabihin ni Jesus “Dumating na ang takdang panahon. Malapit nang maghari ang Diyos!” (Markos 1:15), sinasabi Niya na dapat nating unawain ang kaharian bilang isang pangkasalukuyan at nararanasang realidad sa halip na isang malayong pangyayari sa hinaharap. Ang natupad na eskatolohiya ay ipinakilala ng liberal na teologo na si C. H. Dodd sa kanyang aklat na The Parables of the Kingdom noong 1935 at sumikat sa pamamagitan ng kanyang iba pang mga isinulat kalaunan.

Sinasabi ng natupad na eskatolohiya na ang mga pangyayari sa “hinaharap” na inihula sa Bibliya ay hindi panghinaharap; ginanap silang lahat ni Jesus o sila ay nagaganap na sa iglesya. Itinuturo ng Bibliya na ang Mesiyas ay darating—at Siya nga ay dumating ng isilang Siya sa Bethlehem. Itinuturo ng Bibliya na hahatulan ng Diyos ang mga kasalanan ng mundo—at hinatulan nga Niya ito ng namatay si Jesus sa krus. Itinuturo ng Bibliya na mabubuhay ang mga patay—at nabuhay nga sila ng buhayin ni Jesus si Lazaro at ang iba pa mula sa libingan. Paano naman ang mga hula sa Bibliya tungkol sa Kanyang muling pagparito, paghahari at pagluwalhati? Naganap na rin ito ayon sa natupad na eskatolohiya (realized eschatology)—ang lahat ng mga iyon ay tinupad ni Jesus ng Siya ay magkatawang tao at umakyat sa langit. Natupad na ang eskatolohiya.

Ayon sa natupad na eskatolohiya, ang pagaaral ng eskatolohiya ay hindi kinapapalooban ng wakas ng mundo kundi ng muling pagsilang ng mundo ng ibigay ni Jesus ang Kanyang pamantayan at ipinagpatuloy ng Kanyang mga tagasunod ang pamumuhay sa Kanyang mga prinsipyo. Ang mga nagsusulong ng pananaw na ito ay hindi naghihintay sa pagdagit o rapture, sa muling pagparito, at sa hatol na pang-buong mundo. Sa halip, sinusubukan nilang ituon ang pansin sa mga sinabi at ginawa ni Jesus; ang iba pa ay hindi mahalaga at hindi napapanahon.

Sa ilang kaparaanan, ang natupad na eskatolohiya ay may kaugnayan sa ganap na preterismo (full preterism), ang katuruan na ang lahat ng mga hula tungkol sa mga wakas ng panahon ay naganap ng lahat; at maging sa teolohiya ng Kaharian Ngayon (o “Kingdom Now” theology), na nagtuturo na tayo ay nabubuhay na sa Kaharian ng Diyos at maaari nating angkinin ang mga pangakong may kaugnayan sa kaharian ng Diyos anumang oras natin gustuhin.

Ang katotohanan na ang natupad na eskatolohiya ay ipinanukala ng isang liberal na teologo—at patuloy na nagiging paboritong doktrina ng mga liberal na grupo—ay sapat na para tayo magingat. Pero higit na mahalaga kaysa dito ay dapat nating ikumpara ang doktrina ng natupad na eskatolohiya sa sinasabi ng Bibliya at sa kung ano ang alam nating totoo sa mga nagaganap sa mundo. Siyempre, may ilang aspeto ng natupad na eskatolohiya na naganap na. Tinalakay mismo ni Jesus ang “panahong ito… at ang “panahong darating” (Lukas 18:30), habang binibigyan ang mga alagad ng pag-asa para sa isang panahon sa hinaharap na kakaiba sa kasalukuyan. Nang umakyat si Jesus sa langit, sinabi ng mga anghel sa mga alagad, “Itong si Jesus na umakyat sa langit ay magbabalik gaya ng nakita ninyong pag-akyat niya” (Gawa 1:11). Ang mga salita ng mga anghel ay malinaw na nagtuturo tungkol sa isang hindi pa nagaganap na pangyayari sa eskatolohiya at bibinigyan nila ang mga alagad ng isang pangako na kanilang inaasahan (tingnan ang Tito 2:13).

Nang sabihin ni Jesus na, “Malapit na ang Kaharian ng Diyos” (Markos 1:15), Hindi Niya sinasabi na ginaganap na Niya ang lahat ng mga hula. Sa halip, binibigyang diin Niya ang mga ebidensya na Siya ang Mesiyas. Sa tuwing nagsasalita at kumikilos si Jesus sa kapangyarihan ng Diyos, sa ilang aspeto, ang kaharian ng Diyos ay nagaganap na ng panahong iyon; sa bawat pagkakataon na nagpapalakad si Jesus ng isang lumpo o nagpapalayas ng demonyo, hinihipo ng langit ang mundo. Nagpapatikim si Jesus ng mga kahanga-hangang bagay na darating sa kaharian ng Diyos. Tunay na dumating ang Diyos (Emmanuel) para palayain ang Israel sa pagkaalipin.

May ilang mga pangako na may kaugnayan sa pagdating ni Jesus na hindi pa natupad sa Kanyang unang pagparito. Ang Panginoon mismo ang nagkumpirma nito sa Lukas 4. Nang tumayo si Jesus para basahin ang aklat ni Isaias sa sinagoga sa Nazareth, inangkin Niya na Siya ang kaganapan ng ilang mga hula tungkol sa Mesiyas: ipinroklama Niya ang Mabuting Balita sa mahihirap, nag-alok Siya ng kalayaan sa mga bilanggo at nagpadilat ng mata ng mga bulag, pinalaya ang mga naaapi, at ipinahayag ang taon ng kabutihan ng Panginoon (Lukas 4:18–19; Isaias 61:1–2). Ngunit pagkatapos, tumigil si Jesus ng pagbabasa sa kalagitnaan at muling tinupi at ibinigay ang Kasulatan sa tagapaglingkod sa sinagoga. “At sinabi niya sa kanila, “Ang kasulatang ito na inyong narinig ay natupad ngayon” (Lukas 4:21). Hindi binasa ni Jesus ang kabuuan ng kasulatang iyon. May ibang bahagi ng eskatolohiya ni Isaias na hindi pa natupad ng araw na iyon at iyon ay ang “paghihiganti ng Diyos laban sa kanyang mga kaaway” (Isaias 61:2). Marami pa ang ipinangako ng Diyos, mga bagay na tutuparin ni Jesus sa ibang araw. Sa ibang salita, nagturo din si Jesus ng hindi pa natutupad na eskatolohiya (“unrealized” eschatology).

Maraming hula sa Bibliya ang hindi pa nagaganap. Hinihintay natin ang kanilang katuparan na may tiyak na pag-asa na ang Diyos ay tapat at hindi maaaring magsinungaling. Ang pagtatangka na unawain ang mga hula sa Bibliya sa hindi literal na paraan na siyang ginagawa ng natupad na eskatolohiya ay labag sa mga prinsipyo ng isang tamang interpretasyon ng Bibliya.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang natupad na eskatolohiya (realized eschatology)?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries