settings icon
share icon
Tanong

Ano ang natural na teolohiya?

Sagot


Ang natural na teolohiya ay ang pagaaral tungkol sa Diyos base sa obserbasyon sa kalikasan. Naiiba ito sa supernatural o ipinahayag na teolohiya, na base sa espesyal na kapahayagan ng Diyos. Dahil ang pagoobserba sa kalikasan ay isang intelektwal na gawain, kinapapalooban ang natural na teolohiya ng pilosopiya bilang kasangkapan sa pagkilala sa Diyos.

Sa pamamagitan ng pagsusuri sa istruktura at pagbukadkad ng isang bulaklak, maaari kung sabihin ng naaayon sa tamang pangangatwiran na ang Diyos na lumikha ng bulaklak ay maalam at makapangyarihan - ito ang natural na teolohiya. Sa pamamagitan ng pagsusuri sa konteksto at kahulugan ng Juan 3:16, maaari kung sabihin ng naaayon sa tamang pangangatwiran na ang Diyos ay mapagbiyaya at mapagmahal - ito naman ang ipinahayag o supernatural na teolohiya.

Ang dibisyon ng teolohiya sa “natural” at “supernatural” ay nagugat sa panulat ng isang Romano Katolikong teologo na si Thomas Aquinas (AD 1224—1274). Sa pagtatangka na ilapat ang lohika ni Aristotle sa pananampalatayang Kristiyano, binigyang diin ni Aquinas ang kakayahan ng tao na maunawaan ang ilang katotohanan tungkol sa Diyos sa pamamagitan ng pagaaral sa kalikasan. Gayunman, ikinakatwiran ni Aquinas na pangalawa lamang ang katalinuhan ng tao sa kapahayagan ng Diyos na itinuturo ng Simbahan. Maingat si Aquinas sa pagbubukod sa maaaring matutuhan sa pamamagitan ng “natural na pangangatwiran” mula sa kapahayagan ng pananampalataya at tinawag ang mga katotohanang nakukuha mula sa kalikasan bilang “panimula sa mga artikulo ng pananampalataya” (Summa Theologica, Unang bahagi, Katanungan 2, Artikulo 2). Sinasabi niya na ang katwiran ay maaaring magtulak sa tao sa pananampalataya, ngunit hindi nito mapapalitan ang pananampalataya.

Hindi naglaon, ginamit at pinalawak ng ibang teologo ang mga ideya ni Aquinas. Ang iba pang mga manunulat na binibigyang diin ang natural na teolohiya ay sina Samuel Clarke, William Paley, at Immanuel Kant. Sa pagdaan ng panahon, dahil sa natural na teolohiya, hindi na gaanong pinahalagahan ang mga himala habang naging tulad na lamang sa rasyonal na pilosopiya ang Kristiyanismo.

May mga naniniwala sa Diyos na umaasa lamang sa natural na teolohiya para sa kanilang kaalaman tungkol sa Diyos at lubusang isinasantabi ang espesyal na kapahayagan ng Diyos. Ang tawag sa grupong ito ay Deists. Para sa kanila, hindi kaya ng tao na makilala ang Diyos maliban lamang sa pamamagitan ng kalikasan at hindi na kinakailangan pa ang Bibliya. Ito ang dahilan kung bakit literal na hindi pinaniniwalaan ni Thomas Jefferson, isang deist, ang lahat ng mga himala sa Bibliya – nais ni Jefferson na ang natural na teolohiya lamang ang kanyang paniniwalaan.

Ang mga manunulang Romatiko sa kabuuan ay tagapagtaguyod din ng natural na teolohiya. Bagama’t binibigyang diin nila na ang emosyon ng tao ng higit sa kanyang isipan, patuloy nilang itinataas ang kahalagahan at ang kataasan ng kalikasan. Ang isang napakalinaw na presentasyon ng natural na teolohiya ay ang pamosong tula ni William Wordsworth na may pamagat na “The Rainbow,” na nagtapos sa mga linyang ito: “At aking hinihiling na ang aking mga araw/ay matali sa natural na kabanalan.” Hinihiling ni Wordsworth ang isang natural na kabanalan laban sa supernatural. Nakatali ang kanyang espiritwalidad sa natural na mundo; para sa kanya, ang nararamdaman niyang kagalakan dahil sa pagkakita sa bahaghari ay tunay na pagsamba sa Diyos. Para sa mga tao ngayon na nagsasabing, “nararamdaman ko na napapalapit ako sa Diyos kung lumalakad ako sa gitna ng kagubatan sa halip na kung sumasamba ako sa Diyos sa loob ng simbahan” ay nagpapahayag ng kaparehong uri ng natural na teolohiya ni Wordsworth.

Ang hindi tamang pagbibigay diin sa natural na teolohiya ay yumayakap din sa panteismo (o paniniwala na ang lahat ng bagay ay “Diyos”). May ilan na dahil sa pagkakaroon ng ideya na ang kalikasan ang kapahayagan ng Diyos ay humantong sa ideya na ang kalikasan ang ekstensyon ng Diyos. Dahil ang lohika ay bahagi ng kalikasan ang tao, lalabas na ang tao ay maliit na bahagi ng kalikasan, at dahil dito kaya nating maunawaan ang Diyos.

Sa makabagong panahon, maikukumpara din ang natural na teolohiya sa pagtatangka na palaguin ang karunungan ng tao sa pamamagitan ng iba’t ibang larangan tulad ng siyensya, relihiyon, kasaysayan, at sining. Ang bagong natural na teolohiya ay nagpipilit na maunawaan ang isang pangkalahatang realidad kung saan umiiral ang sangkatauhan, ngunit ang pinagtutuunan ng pansin ay ang tao hindi ang Diyos. Kaya nga, matatawag ang teolohiyang ito na isang panibagong anyo ng humanismo.

Narito ang ilang mga puntos mula sa Bibliya patungkol sa natural na teolohiya:

1) Itinuturo ng Bibliya na ang paunang kaalaman sa pagkakaroon ng Diyos ay maaaring makamtan mula sa natural na mundo; partikular na makikita natin ang kanyang kapangyarihang walang hanggan at ang kanyang pagka-Diyos na “maliwanag na inihahayag ng kanyang mga ginawa. Kaya't wala na silang maidadahilan pa" (Roma 1:20). Tinatawag natin itong “pangkalahatang kapahayagan” (tingnan din ang Awit 19:1-3).

2) Itinuturo sa Roma 1 na hindi sapat ang paunang kaalaman tungkol sa pagiral ng Diyos at sa Kanyang kapangyarihan upang maligtas ang tao. Sa katotohanan, ang likas ng kaalaman ng mga pagano tungkol sa Diyos (sa pamamagitan ng kalikasan) ay napilipit at nagresulta sa hatol ng Diyos sa halip na magresulta sa kanilang kaligtasan.

3) Maaaring maging dahilan ang natural na teolohiya upang maunawaan ng tao na ang Diyos ay hindi nakikita, walang hanggan ang kapangyarihan, at marunong. Ngunit ang lahat ng ito ay mga hindi nakikitang katangian lamang ng isang walang pangalang “Mataas sa lahat.” Hindi maituturo ng natural na teolohiya ang pag-ibig, kahabagan, o paghuhukom ng Diyos, at wala itong kakayahan na akayin ang tao sa isang nagliligtas na pananampalataya kay Hesu Kristo. “Paano naman sila tatawag sa kanya kung hindi sila sumasampalataya? Paano sila sasampalataya kung wala pa silang napakinggan tungkol sa kanya? Paano naman sila makakapakinig kung walang mangangaral sa kanila?" (Roma 10:14).

4) Naapektuhan ng pagbagsak ng tao sa kasalanan ang kanyang buong pagkatao, maging ang kanyang karunungan. Ipinagpapalagay ng paniniwala sa natural na teolohiya na hindi naapektuhan ng kasalanan ang pangangatwiran ng tao, maging ang kanyang karunungan. Ngunit sinasabi sa Bibliya na ang tao ay may “masamang pag-iisip" (Roma 1:28), may “isipang nakikipag-alitan sa Diyos” (Roma 8:7), may “maruming pagiisip” (1 Timoteo 6:5), may “matigas na pagiisip” (2 Corinto 3:14), may “bulag na pagiisip” (2 Corinto 4:4), at “nangangailangan ng pagbabago ng pagiisip” (Roma 12:2).

Magagamit ang natural na teolohiya kung ang paguusapan ay ang paglikha ng Diyos sa lahat ng bagay dahil itinuturo din ng sangnilikha ang tao pabalik sa Kanya na Manlilikha. Gayunman, dahil sa natural na pagiging makasalanan ng ating pagiisip, hindi natin kayang maunawaan sa tamang paraan ang sangnilikha kung walang espesyal na kapahayagan ng Diyos sa pamamagitan ng Banal na Espiritu. Kailangan natin ang mabiyayang pagkilos ng Diyos sa atin upang magkaroon tayo ng relasyon sa Kanya at ng tamang kaalaman tungkol sa Kanya. Ang ating kailangan, higit sa anumang bagay ay pananampalataya sa Bibliya at sa kay Hesu Kristo (2 Pedro 1:19). English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang natural na teolohiya?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries