settings icon
share icon
Tanong

Anong mga aklat ang nawala sa Bibliya?

Sagot


Walang aklat ang nawala sa Bibliya o inalis sa Bibliya. Maraming mga alamat at sabi sabi na may mga aklat daw na nawala sa Bibliya ngunit ang mga kuwentong ito'y pawang walang katotohanan. Ang bawat aklat na ipinasulat at hiningahan ng Diyos na dapat na nasa Bibliya ay nasa Bibliya. Literal na may daan-daang mga aklat na pangrelihiyon ang isinulat kasabay ng pagkasulat sa Bibliya. Ang ilan sa mga aklat na ito ay naglalaman ng mga pangyayari na aktwal na naganap (1 Macabeo, halimbawa). Ang ilan ay naglalaman ng mga mabubuting espiritwal na katuruan (halimbawa ay ang Karunungan ni Solomon). Gayunman, ang mga aklat na ito ay hindi kinasihan ng Diyos. Kung babasahin natin ang alinman sa mga aklat na ito, gaya ng Apocrypha, kailangan natin silang ituring na mga karaniwang aklat lamang at hindi kapantay ng mga kinasihan at hindi nagkakamaling Salita ng Diyos (2 Timoteo 3:16-17).

Ang Ebanghelyo ni Tomas, halimbawa ay isang huwad na aklat na isinulat noong ikatlo at ikaapat na siglo A.D. na isinulat diumano ni Tomas. Tinanggihan ng halos lahat ng mga lider ng unang Iglesya ang aklat na ito ni Tomas at itinuring na maling katuruan. Naglalaman ito ng mga palso at mga maling katuruan na diumano ay ginawa at sinabi ni Hesus. Wala (o napakonti) sa nilalaman ng mga ito ang totoo. Ang sulat ni Barnabas naman ay isinulat diumano ni Barnabas ngunit napatunayang nagpapanggap lamang. Pareho din ang sitwasyon ng Ebanghelyo ni Felipe at ang Pahayag ni Pedro at iba pa.

Mayroon lamang iisang Diyos. Mayroon lamang iisang gumawa sa Bibliya. Ang Bibliya ay isang Aklat. Mayroon lamang itong isang plano ng biyaya sa pasimula sa pagpapatuloy at sa pagwawakas. Mula sa pagtatalaga hanggang sa pagluwalhati, ang Bibliya ay ang salaysay ng pagtubos ng Diyos sa Kanyang mga hinirang para sa ikararangal ng Kanyang kaluwalhatian. Habang ang plano ng pagtubos ay unti- unting nahahayag sa mga pahina ng Bibliya, patuloy na binibigyang diin ang paksa tungkol sa karakter ng Diyos, ang paghatol sa kasalanan at ang pagsuway, ang pagpapala ng pananampalataya at pagsunod, ang Panginoong Hesu Kristo at ang Kanyang paghahandog para sa kasalanan at ang paparating na kaharian at kaluwalhatian. Intensyon ng Diyos na malaman natin at maunawaan ang limang temang ito dahil ang ating buhay at ang ating walang hanggang destinasyon ay nakasalalay sa mga ito. Kaya nga hindi kayang isipin na hahayaan ng Diyos na mawala sa Bibliya ang anumang mahalagang impormasyon sa anumang kaparaanan. Ang Bibliya ay isang kumpletong Aklat upang tayo na makababasa at makakaunawa nito, ay maging “kumpleto at handa sa anumang mabubuting gawa” (2 Timoteo 3:16-17).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Anong mga aklat ang nawala sa Bibliya?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries