settings icon
share icon
Tanong

Ano ang doktrina ng nawawalang kaligtasan o conditional security?

Sagot


Ang may kundisyong kaligtasan o conditional security ay isang termino sa teolohiya na may kaugnayan sa kaligtasan ng mga nananampalataya kay Hesu Kristo. Inilalarawan nito ang mga kundisyon sa pagpapanatili ng kaligtasan ng isang Kristiyano. Sa ibang salita, ang kaligtasan ng isang Kristiyano ay tiyak ngunit may mga kundisyon. Naguudyok ito ng isang katanungan: Ano ang mga kundisyon upang mapanatili ng isang Kristiyano ang kanyang kaligtasan? Ipinahahayag ng mga nanghahawak sa katuruang ito na ang kaligtasan ay nakasalalay sa “pananatiling tapat hanggang wakas” ng isang Kristiyano. Kung gagamitin ang isang paglalarawan sa Bibliya, dapat diumanong tapusin ng isang atleta ang karera upang makatanggap siya ng gantimpala. Ginagamit ng mga naniniwala sa doktrinang ito ang mga sumusunod na talata upang suportahan ang kanilang paniniwala:

“Marami ang magpapanggap na propeta at ililigaw ang mga tao. Ang kasamaa'y lalaganap, kaya't manlalamig ang pag-ibig ng marami. Ngunit ang mananatiling tapat hanggang wakas ang siyang maliligtas” (Mateo 24:11-13)

“Mga kapatid, hindi na tayo alipin ng likas na hilig ng laman kaya hindi na tayo dapat mamuhay ayon sa katawang makalaman. Sapagkat mamamatay kayo kung namumuhay kayo sa katawang makalaman, ngunit kung pinapatay ninyo sa pamamagitan ng Espiritu ang mga gawa ng katawang makalaman, mabubuhay kayo. Ang lahat ng pinapatnubayan ng Espiritu ng Diyos ay mga anak ng Diyos” (Romans 8:12-14)

“Mga kapatid, ngayo'y ipinapaalala ko sa inyo ang Magandang Balitang ipinangaral ko sa inyo. Iyan ang Magandang Balitang inyong tinanggap at naging saligan ng inyong pananampalataya. Naligtas kayo sa pamamagitan nito, kung matatag ninyong pinanghahawakan ang salitang ipinangaral ko sa inyo; dahil kung hindi, walang kabuluhan ang inyong pananampalataya” (1 Corinto 15:1-2)

“Huwag ninyong akalaing madadaya ninyo ang Diyos. Kung ano ang itinanim ng tao, iyon din ang kanyang aanihin. Ang sumusunod sa nasa ng kanyang laman ay mag-aani ng kapahamakan. Ngunit ang sumusunod naman sa Espiritu ay mag-aani ng buhay na walang hanggan. Kaya't huwag tayong magsawa sa paggawa ng mabuti; pagdating ng takdang panahon tayo ay aani kung hindi tayo magsasawa” (Galatians 6:7-9).

Ang mga talatang ito at iba pang mga talata ay tila nagtuturo na may kundisyon ang kaligtasan ng mga mananampalataya. Sa bawat isa sa mga talatang ito, gumagamit ang manunulat sa inspirasyon ng Banal na Espiritu, ng mga salitang naglalarawan ng kundisyon (halimbawa: Sapagkat mamamatay kayo kung namumuhay kayo sa laman) upang bigyang diin ang kalikasan ng katiyakan ng kaligtasan ng mananampalataya. Ayon sa pananaw na ito, upang matiyak ang kaligtasan, ang mga mananampalataya ay dapat na, 1) manatiling tapat hanggang wakas; 2) mamuhay sa Espiritu; 3) manghawak sa Salita ng Diyos; at 4) mamunga sa Espiritu. Hindi nangangahulugan na kulang ang kaloob na kaligtasan, ngunit nararapat na ang indibidwal na mananampalataya ay magsikap na maging tapat hanggang wakas. Sa ibang salita ni Apostol Pablo, “Kaya nga, mga minamahal, tulad ng inyong buong-pusong pagsunod noong ako'y kasama pa ninyo, lalo kayong maging masunurin ngayong ako'y malayo sa inyo. Pagsumikapan ninyong maging ganap ang inyong kaligtasan nang may lubusang paggalang at pag-ibig sa Diyos” (Filipos 2:12).

Kung titimbangin ang mga ebidiensya sa Bibliya, tila ang pananaw tungkol sa pagkawala ng kaligtasan ay hindi kayang pabulaanan. Paano makikipagtalo ang isang Kristiyano sa pangangatwiran na kailangang manatiling tapat ang isang mananampalataya upang matiyak ang kanyang kaligtasan? Ngunit may isa pang pananaw sa debateng ito. Ito ang napakatagal ng debate sa pagitan ng mga Arminians (mga naniniwala na maaring mawala ang kaligtasan ng mananampalataya) at ng mga Calvinists (mga naniniwala na hindi kailanman mawawala ang kaligtasan ng mga mananampalataya). Kung makakapagbigay ang mga Arminians ng mga talata sa Bibliya na sumusuporta sa pagkawala ng kaligtasan, makakapagbigay din ang mga Calvinists ng mga talata na magpapatunay na hindi nawawala ang kaligtasan gaya ng mga sumusunod:

“Sapagka't may magsisilitaw na mga bulaang Cristo, at mga bulaang propeta, at mangagpapakita ng mga dakilang tanda at mga kababalaghan; ano pa't ililigaw, kung maaari, pati ng mga hirang” (Mateo 24:24)

“Sapagka't ako'y naniniwalang lubos, na kahit ang kamatayan man, kahit ang buhay, kahit ang mga anghel, kahit ang mga pamunuan, kahit ang mga bagay na kasalukuyan, kahit ang mga bagay na darating, kahit ang mga kapangyarihan, Kahit ang kataasan, kahit ang kababaan, kahit ang alin mang ibang nilalang, ay hindi makapaghihiwalay sa atin sa pagibig ng Dios, na nasa kay Cristo Jesus na Panginoon natin” (Roma 8:38-39).

“At sila'y binibigyan ko ng walang hanggang buhay; at kailan ma'y hindi sila malilipol, at hindi sila aagawin ng sinoman sa aking kamay. Ang aking Ama, na sa kanila ay nagbigay sa akin, ay lalong dakila kay sa lahat; at hindi sila maaagaw ninoman sa kamay ng Ama” (Juan 10:28-29).

“Na sa kaniya'y kayo rin naman, pagkarinig ng aral ng katotohanan, ng evangelio ng inyong kaligtasan, na sa kaniya rin naman, mula nang kayo'y magsisampalataya, ay kayo'y tinatakan ng Espiritu Santo, na ipinangako, Na siyang patotoo sa ating mana, hanggang sa ikatutubos ng sariling pag-aari ng Dios, sa ikapupuri ng kaniyang kaluwalhatian” (Efeso 1:13-14).

Marami pang mga talata na nagbibigay ng detalye sa hindi pagkawala ng kaligtasan ng mga tunay na mananampalataya ang maaaring banggitin. Para sa bawat talata sa itaas, isa ang katangi tangi – ang walang hanggang katiyakan ng kaligtasan ng mananampalataya ay walang kinalaman at hindi nakasalalay sa pagsisikap ng mananampalataya kundi sa mabiyayang pagiingat ng Diyos, samantalang ang mga naniniwala naman na nawawala ang kaligtasan ay tila nakatuon sa kakayahan ng mananampalataya na manatiling tapat hanggang wakas.

Ano ang ating sasabihin sa bagay na ito? Pareho bang itinuturo ng Bibliya na ang kaligtasan ay nawawala at hindi nawawala? Ang sagot ay “hindi.” Ngunit kailangan nating pagkasunduin ang mga talata na nagtuturo ng pananatiling tapat ng mga mananampalataya sa mga talata na nagtuturo na iniingatan ng Diyos ang mga mananampalataya hanggang wakas. Malalaman ang sagot sa katanungang ito sa pagunawa sa mga tinatawag ng mga teologo na “mga Doktrina ng Biyaya” (Doctrines of Grace). Ang mga doktrinang ito ay tinatawag din na Limang Puntos ng Calvinism o Five Points of Calvinism (na isang maling tawag dahil hindi itinuro ni Calvin ang lima lamang puntos). Narito ang maiksing pagpapaliwanag tungkol sa mga Doktrina ng Biyaya:

Total Depravity o radikal na kawalan ng kakayahan ng tao na iligtas ang sarili – Dahil sa orihinal na kasalanan, ang tao ay sinilang na lubos na makasalanan, hindi humahanap sa Diyos, at walang anumang kakayahan na bigyang kasiyahan ang Diyos.

Unconditional Election o walang kundisyong pagpili ng Diyos. Dahil sa pagiging lubos na makasalanan ng tao, gumawa ng paraan ang Diyos upang tiyakin ang kaligtasan ng mga mananampalataya. Ginawa Niya ito sa pamamagitan ng walang kundisyong pagpili sa kanila (walang kahit anong ambag ang tao) para sa kaligtasan.

Limited Atonement o limitadong pagtubos. Upang matanggap ng Diyos ang kanyang mga hinirang para sa kaligtasan, kailangang isagawa ang pagtubos upang mapawi ang poot ng Diyos sa kanilang mga kasalanan. Ginawa ito ng Diyos sa pamamagitan ng paghahandog ng buhay ng Kanyang Anak na si Hesu Kristo.

Irresistible Grace o hindi natatanggihang biyaya ng Diyos: Inilalapat ng Diyos ang merito ng kaligtasang ito sa “takdang panahon” sa pamamagitan ng hindi natatanggihang paglalapit sa Kanyang mga hinirang kay Kristo sa pamamagitan ng kapanganakang muli sa kapangyarihan ng Banal na Espiritu. Isinasakatuparan ito ng Diyos sa pamamagitan ng pangangaral ng Ebanghelyo.

Perseverance of the Saints o pagpapatuloy ng mga tunay na ligtas hanggang wakas: Magaganap ang pagliligtas ng Diyos sa mga mananampalataya dahil iingatan Niya sila at pababanalin hanggang wakas.

Upang masuri kung nawawala ba o hindi ang kaligtasan ng Kristiyano, kailangang munawaan ang bawat puntos ng Doktrina ng Biyaya. Ang Perseverance of the Saints o pagpapatuloy ng mga tunay na ligtas hanggang wakas ay hindi nagiisang doktrina kundi nakasalalay sa iba pang mga puntos. Ang pundasyon ng Doktrina ng Biyaya ay ang unang puntos, ang Total Depravity o radikal na kawalan ng kakayahan ng tao na iligtas ang sarili, na kung totoo, ang iba pang puntos ay natural na susunod. Maliwanag na itinuturo ng Bibliya na ang tao, sa kanyang sarili, ay walang kahit anumang kakayahan na lumapit sa Diyos para sa kanyang kaligtasan (Mateo 19:25-26; Juan 6:44; Roma 3:10-18).

Sinasabi ng mga kritiko ng Calvinism at ng mga Doktrina ng Biyaya na kung ituturo natin ang doktrinang ito, hindi na magsisikap ang tao na gumawa ng mabubuting gawa. Sa ibang salita, kung ang kaligtasan ay hindi nawawala kailanman, ano pa ang pipigil sa mananampalataya upang hindi sadyaing magkasala? Itinanong din kay Pablo ang parehong tanong sa Roma 6:1. Sumagot si Pablo na walang lugar ang kasalanan sa sa bagong buhay kay Kristo (Roma 6:2-4). Sa halip na maging lisensya sa pagkakasala, ang Doktrina ng Biyaya ay lalo pang naghihikayat sa paggawa ng mabuti kaysa sa doktrina na nawawala ang kaligtasan. Kilala ang mga Puritans na karamihan ay mga Calvinists sa kanilang paggawa ng mabuti at istriktong debosyon sa banal na pamumuhay. Sa Calvinism, ang paggawa ng mabuti ay isang tugon ng mananampalataya bilang pasasalamat para sa kahanga-hangang biyaya ng pagliligtas ng Diyos (Roma 12:1-2). Kung ituturo ng tama at paniniwalaan ang mga doktrinang ito, ang mabubuting gawa ay tugon lamang ng mananampalataya at pagpapakita ng kanyang tunay na pag-ibig sa ating mabiyayang Diyos na umibig sa atin ng gayon na lamang at nagligtas sa atin mula sa ating mga kasalanan. Ang Heidelberg Catechism (ang isa sa pinakaunang dokumento ng kapahayagan ng pananampalataya ng Repormasyong Protestante at isang manwal sa pagtuturo sa mga bata at bagong mananampalataya) ay nahahati sa tatlong bahagi: Ang Paghihirap ng Tao (ang ating makasalanang kalagayan); Ang pagliligtas sa Tao (Ang mabiyayang gawa ng pagliligtas ng Diyos sa tao sa pamamagitan ni Hesu Kristo); at ang Pasasalamat ng Tao (ang ating tugon sa biyaya ng Diyos, kung saan nakalista ang mga tungkulin bilang mga Kristiyano).

Kaya kung ating tatanggapin ang katotohanan ng mga Doktrina ng Biyaya, paano natin ipapaliwanag ang mga talata na tila nagtuturo na nawawala ang kaligtasan? Ito ang isang maiksing sagot: Tayo (mga mananampalataya) ay nagtitiyaga (nanatiling tapat hanggang wakas) dahil iniingatan tayo ng Diyos. Kung ilalarawan sa ibang paraan, kung wala tayong nagawang anuman upang makamit ang ating kaligtasan (dahil ang kaligtasan ay libreng kaloob ng Diyos), paano natin maiwawala ang ating kaligtasan sa pamamagitan ng gawa? Ang doktrina na nawawala ang kaligtasan ay katanggap-tanggap para lamang sa mga naniniwala na may naiambag din sila sa kanilang kaligtasan (na lohikal na ipinagpapalagay ng mga Arminians). Ngunit salungat ito sa mga talata sa Bibliya gaya ng Efeso 2:8-9: “Sapagkat dahil sa kagandahang-loob ng Diyos kayo ay naligtas sa pamamagitan ng pananampalataya; at ang kaligtasang ito'y kaloob ng Diyos at hindi sa pamamagitan ng inyong sarili; hindi ito bunga ng inyong mga gawa kaya't walang dapat ipagmalaki ang sinuman.” Ang talatang ito ay malinaw na nagpapahayag na wala tayong ambag ni katiting man sa ating kaligtasan; at kahit na ang pananampalataya na kinakailangan sa pagtanggap ng biyaya mg kaligtasan ay mismong kaloob din ng Diyos.

Binibigyan ng Arminianism ang tao ng dahilan upang magmalaki. Kung sa pamamagitan ng aking kooperasyon sa Banal na Espiritu ay nanatili akong tapat hanggang wakas, makapagmamalaki ako (ng kahit kaunti) kung paano ako nanatili sa aking takbuhin at nakatapos sa karera. Gayunman, wala ng pagmamalaki sa langit maliban sa pagmamalaki sa Panginoon (1 Corinto 1:31). Ang doktrina na nawawala ang kaligtasan ay hindi ayon sa Bibliya. Malinaw ang itinuturo ng Bibliya na mananatili tayong tapat hanggang wakas dahil iingatan tayo ng Diyos hanggang wakas.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang doktrina ng nawawalang kaligtasan o conditional security?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries