settings icon
share icon
Tanong

Ano ang nangyari sa nawawalang tribo ng Israel?

Sagot


Kung tinutukoy ng mga tao ang mga “nawawalang tribo ng Israel,” karaniwang iniisip nila ang sampung tribo sa kaharian sa hilaga na bumagsak sa Asiria noong mga 722 BC. Ang mga tribong ito ay ang tribo ni Ruben, Simeon, Levi, Dan, Neftali, Gad, Aser, Isacar, Zabulon at Jose (na ang tribo ay hinati sa dalawang tribo, ang tribo ni Manases at Efraim). Karamihan ng mga Israelita sa hilaga ay itinapon sa sinaunang Asiria (2 Hari 17:6). Marami sa mga Judio na nanatili sa bansang iyon ay nakipag-asawahan sa mga taga Cutha, Ava, Hamath, at Sepharvaim na ipinadala ng hari ng Asiria para manirahan sa Samaria (2 Hari 17:24; Ezra 4:2–11). Kaya, ayon sa kwento, ang sampung tribo ng Israel ay “nawala” diumano sa kasaysayan kundi man ay humalo na sa ibang grupo ng mga tao. Gayunman, ang kwentong ito ay ayon lang sa haka-haka sa halip na ayon sa direktang pangunawa sa katuruan ng Bibliya.

Maraming misteryo, alamat, at mga tradisyon patungkol sa nangyari sa nawawalang sampung tribo ng Israel. Ang isa sa mga alamat ay nagsasaad na nagtungo diumano sa Europa ang sampung tribo (sa ilog ng Danube na sinasabing nagmula umano ang pangalan sa tribo ni Dan). Ang isa pang alamat ay nagsasabi na naglakbay daw ang sampung tribo hanggang sa makaabot sila sa England at ang mga Anglo-Saxons daw ngayon ay mga Hudyo— ito ang turo ng heretikong Israelism ng Britanya. May ilang grupo din ng tao sa buong mundo na nagaangking sila diumano ay nagmula sa lahi ng nawawalang tribo: may mga tao sa India, Nigeria, Etiopia, Pakistan, Afganistan, at North America na nagaangkin na nagmula sila sa nawawalang tribo ng Israel. May ibang mga teorya din na ang mga hapon daw diumano at ang mga American Indians ang nawawalang sampung tribo ng Israel.

Ang katotohanan ay hindi talaga nawala ang sampung tribo ng Israel. Marami sa mga Judio na nanatili sa kanilang lupain pagkatapos na sakupin ng Asiria ang Kaharian ng Israel sa Hilaga ay sumama sa kaharian ng Juda sa Timog (2 Cronica 34:6–9). Kalaunan, sinakop ng Babilonia ang Asiria na sumakop naman sa kaharian ng Juda sa Timog at ipinatapon ang dalawang natitirang tribo: ang Judah at Benjamin (2 Hari 25:21). Ang mga natira sa kaharian ng Israel sa Hilaga ay kasamang ipinatapon sa Babilonia. Pitumpung taon ang nakalipas, nang payagan ni Haring Ciro ng Persia na bumalik ang mga Israelita sa Israel (Ezra 1), marami (mula sa labindalawang tribo) ang bumalik sa Israel at muling itinayo ang kanilang sariling bayan.

Ang ideya na nawala ang sampung tribo ng Israel ay mali. Alam ng Diyos kung nasaan ang lahat ng kabilang sa labindalawang tribo at gaya ng pinatutunayan ng Kasulatan mismo, lahat sila ay binanggit sa Bibliya. Sa mga huling panahon, tatawag ang Diyos ng mga saksi mula sa bawat tribo ng Israel (Pahayag 7:4–8). Kaya, malinaw na iniingatan at nalalaman ng Diyos kung sino ang kabilang sa bawat tribo ng Israel.

Sa mga Ebanghelyo, sinasabing si Propetisa Ana (Lukas 2:36) ay nanggaling sa tribo ni Aser (isa sa mga tribo na inaakalang nawawala). Hindi nawala si Ana. Si Zacarias at si Elizabeth – at maging si Juan Bautista – ay nanggaling sa tribo ni Levi (Lukas 1:5). Ipinangako ni Jesus sa Kanyang mga alagad na “uupo sila sa mga trono at huhukuman ang labindalawang tribo ng Israel” (Lukas 22:30). Alam ni Pablo na nanggaling siya sa tribo ni Benjamin (Roma 11:1), at sinabing “ang pangako na inaasahang maganap ng ating labindalawang tribo ay makapaglingkod sa Diyos araw at gabi” (Gawa 26:7)—pansinin ang salitang “inaasahan.” Isinulat ni Santiago ang kanyang sulat sa “labindalawang tribo ng Israel na nakakalat sa lahat ng mga bansa” (Santiago 1:1). Sa madaling salita, may sapat na ebidensya na ang lahat ng labindalawang tribo ng Israel ay umiiral pa rin at titira sa kaharian ng Mesiyas. Wala ni isa man sa kanila ang nawawala.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang nangyari sa nawawalang tribo ng Israel?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries