settings icon
share icon
Tanong

Ano ang ating matututunan sa buhay ni Nehemias?

Sagot


Magkasabayan sina Ezra at Nehemias at pareho silang sumulat tungkol sa muling pagtatayo ng Jerusalem na naganap humigit kumulang 70 taon pagkatapos na iyon ay wasakin ng mga Babilonians sa pamumuno ni Nabucodonosor. Sumulat si Ezra tungkol sa muling pagtatayo ng templo sa ilalim ni Zorobabel, habang sumulat naman si Nehemias tungkol sa muling pagtatayo ng pader ng Jerusalem. Mula noong unang panahon, ang mga siyudad ay matatagpuan sa Gitnang Silangan na napapaligiran ng mga batong pader na may pasukan na binabantayan para sa proteksyon ng mga mamamayan. Nagtitipon-tipon ang mga importanteng tao ng bawat siyudad sa pasukan kung saan nila pinaguusapan ang kanilang mga negosyo sa siyudad, nagbabahaginan ng mahahalagang impormasyon, o nagpapalipas ng oras.

Nagsimula ang tala ni Nehemias noong 445 BC, at mahalaga ang petsang ito dahil isinulat ni Propeta Daniel, kasabayan din nina Ezra at Nehemias, ang tungkol sa hula ng "70 linggo ng mga taon" (Daniel 9:24-27) base sa isang napaka-partikular na petsa—Marso 15, 445 BC. Napakahalaga ng petsang ito sa paguumpisa ng hula dahil sinisimulan nito ang panahon ng kaganapan ng hula, na nagwawakas sa ikalawang pagparito ni Jesu Cristo. Isinulat ang hulang ito napakatagal pa bago dumating si Cristo sa lupa sa unang pagkakataon, ngunit nagpapatuloy ito sa mga taon hanggang sa Siya ay "putulin." Nagbibigay ito ng mga detalye tungkol sa anticristo, kung papaano siya lalabas sa eksena ng kasaysayan ng mundo, at kung papano siya kikilos laban sa Israel sa kanyang huling pagatake sa Diyos at sa Kanyang bayan. Kasalukuyan tayong nabubuhay sa ika-69 linggo ng 70 linggo.

Mababasa ang hula ni Daniel sa Daniel 9:25: " Unawain mo ito: Mula sa pagbibigay ng utos na muling itayo ang Jerusalem hanggang sa pagdating ng pinunong hinirang ng Diyos ay lilipas ang pitong lingo. Muling itatayo ang Jerusalem, ang mga lansangan at pader nito ay aayusin sa loob ng animnapu't dalawang lingo; ito ay panahon rin ng kaguluhan." Hindi alam ni Nehemias na tinutupad niya ang hula na isnulat ni propeta Daniel. Inumpisahang isulat ni Nehemias, na isang ring bihag sa Babilonia ng panahong iyon ang kanyang sulat ng may kasamang panalangin para sa kanyang bayang Israel gaya ni Daniel na laging nananalangin para sa kanyang bayan, at nagsusumamo sa Diyos na mahabag sa kanila at pabalikin sila sa kanilang sariling lupain. Inilista ni Nehemias ang eksaktong petsa, sa ilalim ng gabay ng Banal na Espiritu para magkaroon ng nasusulat na tala sa pagiisyu ng kautusan na muling itayo ang Jerusalem.

Bago niya hingin ang pahintulot ng hari na muling itayo ang pader ng Jerusalem, nanalangin si Nehemias at sinagot ng Diyos ang kanyang kahilingan. Habang papaalis siya ng Babilonya, nasalubong niya ang ilang lalaking Arabo na tinuya siya dahil sa kanyang gagawin. Itinala sa Nehemias 2:20 ang kanyang pananalita na nagsisilbing tanda hanggang ngayon kung sino ang tunay na may karapatan sa siyudad na kilala sa pangalang Jerusalem: "Pagtatagumpayin kami ng Diyos ng kalangitan, at kami na kanyang mga lingkod ay magsisimula nang magtayo. Ngunit kayo'y walang bahagi, karapatan o alaala man sa Jerusalem."

Nagpatuloy si Nehemias sa kanyang misyon na muling itayo ang siyudad ng Jerusalem. Ipinagkaloob ng Diyos ang lahat ng kinakailangang manggagawa, at nagsimula ang pagtatayo. Gayunman, hindi naging madali ang lahat. Hinadlangan sila ng kanilang mga kaaway na nagnais na patigilin ang kanilang gawain. Ngunit namagitan ang Diyos gaya ng Kanyang ginawa kay Moises (Exodo 14:14). Itinala sa Nehemias 4:20, "kaya't tuwing maririnig ninyo ang tunog ng trumpeta, magtipun-tipon tayo sa kinatatayuan ko. Ipaglalaban tayo ng Diyos natin!" Ito ang matagal ng plano ng Diyos: ang palayain ang Kanyang bayan mula sa pagkaalipin at ibalik sila sa kanilang lupain upang muling sumamba sa Kanya sa templo sa Jerusalem.

Matututunan natin sa buhay ni Nehemias ang mga napakahalagang aral sa muling pagpapanumbalik at pagpapatuloy ng relasyon sa Diyos. Habang bumabalik ang mga tao para muling itayo ang siyudad, ang unang dapat gawin ay tiyakin na nauunawaan ng mga Israelita ang Kautusan ni Moises. Kaya't gumugol ang saserdoteng si Ezra ng maraming oras sa pagbabasa sa Kautusan sa harap ng kapulungan at tiniyak na nauunawaan nila ang kalooban ng Diyos. Itinala sa Nehemias 8:18 kung ano ang dapat na maging bahagi ng buhay ng bawat mananampalataya — ang araw-araw na pagbabasa ng Salita ng Diyos: "Ang Aklat ng Kautusan ay binabasa araw-araw, mula sa unang araw hanggang katapusan. Pitong araw silang nagpista at sa ikawalong araw ay nagkaroon sila ng isang banal na pagtitipon bilang pagtatapos ayon sa itinatakda ng Kautusan."

Si Nehemias ay isang testamento ng katapatan at katiyagaan. Nakatira siya malayo sa kanyang bayan, ngunit hindi siya nawalan ng pag-asa na isang araw ay babalik siya roon. Ginugol niya ang malaking bahagi ng kanyang buhay sa pagkakatapon sa isang paganong bansa, ngunit hindi nanghina ang kanyang paanampalataya at pagtitiwala sa Diyos ni Abraham, Isaac at Jacob. Siya ay isang mandirigma sa panalangin, na iniluluhog ang lahat sa harapan ng Panginoon sa panalangin, at namamagitan para sa kanyang bayan at ginantimpalaan siya dahil sa kanyang kasigasigan at katiyagaan. Labis-labis ang pagmamalasakit ni Nehemias sa kanyang bayan anupa't hindi siya nawalan ng pag-asa para sa kanilang pagpapanumbalik, hindi lamang sa kanilang sariling bayan kundi sa Diyos na unang tumawag sa kanilang ninunong si Abraham sa parehong lugar at nakipagtipan sa kanya, isang tipan na pinaniniwalaan ni Nehemias na mananatili magpakailanman.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang ating matututunan sa buhay ni Nehemias?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries