settings icon
share icon
Tanong

Ano ang new age movement?

Sagot


Ang ekspresyon na “New Age” ay lumabas noong 1970’s at 1980s. Ito ay ipinalalaganap sa pamamagitan ng sirkulasyon ng tinatawag na “New Age Journal” at ng aklat ni Mark Satin na tinatawag na New Age Politics. Ang isa sa pinakamabiling aklat ni Marilyn Ferguson na may titulong Aquarian Conspiracy ay isang presentasyon ng layuning sosyal at pangitaing pilosopikal ng New Age. Naabot ng aklat na sinulat ni Ferguson ang katayuan bilang isang hindi opisyal na Kasulatan ng kilusan. Gaya ng isinulat ni Russell Chandler, isang manunulat para sa Los Angeles Times, sa kanyang artikulong Understanding The New Age, “Kung si Ferguson ang sumulat ng “Bibliya” ng New Age, si Shirley MacLaine naman ang pinakamataas na babaeng saserdote nito.”

Isinalaysay ni Shirley MacLaine sa kanyang aklat na Out On a Limb, ang Kanyang pagaalinlangan sa paniniwala sa mga katuruan ng New Age. Inilalarawan ng aklat na ito ang kanyang mga paglalakbay at pagaaral, kabilang ang kanyang tulad sa kathang isip na mga kuwento na paglalakbay sa labas ng kanyang katawan, pakikipagugnayan sa mga nilalang na taga ibang planeta, pagalis ng kanyang kaluluwa sa kanyang katawan at isang “ginabayang paglalakbay” sa hindi nakikitang mundo. Isinalaysay niya sa kanyang ikalawang aklat na Dancing in the Light ang kanyang pagimbulog sa mundo ng yoga, pagsilang na muli sa ibang katawan, kapangyarihan ng Kristal, mantra ng mga Hindu at mga natandaang karanasan sa nakaraang buhay na kanyang inaalala sa pamamagitan ng acupuncture. Sinabi sa kanya ng kanyang mga “gabay na espiritu” na ang bawat indibidwal ay Diyos, at ipinasa sa kanya ng mga ito ang “karunungan” na walang limitasyon ang persona ng tao. Kailangan lamang niya itong matuklasan (Chandler, pahina 6-2).

Nag-ugat ang kaisipang New Age sa mistisimo sa Silangan, na nilalampasan ang kakayahan ng isipan. May isang bagong sangkap ang tao upang maunawaan ang mga bagay-bagay na tinatawag na “Ikatlong Mata” o “Third Eye” na nagbibigay sa tao ng espiritwal na kaliwanagan. Kailangan lamang ng isang tao na angkinin ang kanyang “psychic self” sa pamamgitan ng pagsasanay sa sarili na huwag pansinin ang mga mensahe mula sa isipan at matanggap na na aktwal na kayang abutin ng isipan ang “cosmic consciousness.” Nangangahulugan ito na maaaring makagawa ang isip ng tao ng kanyang sariling realidad.

Isinulat ni Neil Anderson sa kanyang aklat na, Walking through the Darkness, ang bagay na ito tungkol sa New Age Movement: “Ang New Age movement ay hindi dapat tingnan bilang isang relihiyon kundi isang bagong paraan ng pagiisip at pagunawa sa realidad. Kaakit-akit ito sa mga tao, lalo na sa mga nagkaroon ng masamang karanasan sa organisadong relihiyon at rasyonalismo ng Kanluran. Ninanais ng tao ang espiritwal na realidad ngunit ayaw niyang isuko ang materyalismo, bigyang pansin ang kanyang mortalidad o magpasakop sa awtoridad” (pahina 22). Ipinagpatuloy ni Anderson ang pagbubuod sa kaisipan ng New Age (pahina 22-24) gaya ng mga sumusunod:

(1) Ito ay monismo. Ang paniniwala na ang lahat ay isa at ang isa ay lahat. Ang kasaysayan ay hindi tungkol sa pagbagsak ng tao sa kasalanan at ang pagpapanumbalik ng tao sa Diyos sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos. Sa halip, ito ay ang pagbagsak ng sangkatauhan sa kamangmangan at ang dahan dahang pagtaas ng kanyang karunungan.

(2) Ang lahat ay Diyos. Kung ang lahat ay iisa, kasama ang Diyos, kung gayon dapat na malaman na ang lahat din ng bagay ay Diyos. Ito ay panteismo – kaya’t ang mga puno, isda, aklat at ang lahat ng tao ay Diyos. Lubusang itinatakwil ng New Age ang pagkakaroon ng isang personal na Diyos gaya ng ipinahayag Niya sa Kanyang sarili sa Bibliya at kay Hesu Kristo. Dahil ang Diyos ay impersonal, hindi kailangang maglingkod sa Kanya ng isang New Ager. Ang Diyos ay isang “ito” hindi isang “Siya.”

(3) Dapat na may pagbabago sa kamalayan ng tao. Kung tayo ay Diyos, kailangan nating malaman na tayo ay Diyos. Dapat tayong magkaroon ng kamalayan sa cosmos, maliwanagan o makasabay sa kamalayan ng sansinukob. Ang ilan na narating na ang antas ng kaliwanagan ay nagaangkin ng isang “pagsilang na muli” – isang pekeng panggagaya sa Biblikal na pagsilang na muli. Ang esensya ay hindi kung naniniwala tayo o hindi o nagmemeditasyon tayo o hindi kundi kung kanino tayo naniniwala at sino ang ating pinagbubulay bulayan. Si Kristo ang tunay, personal at totoong realidad gaya ng Kanyang sinabi na Siya ang Daan ang Katotohanan at ang Buhay, at walang makalalapit sa Ama kundi sa pamamagitan Niya (Juan 14:6).

(4) Itinuturo ang ebolusyon at pagiging positibo. “May paparating na New Age. Magkakaroon ng isang bagong kaayusan ng mundo at isang bagong pamahalaan sa mundo.” Naniniwala ang mga nagtataguyod ng New Age na sa huli, magkakaroon ng nagpapatuloy na pagkakaisa sa kamalayan sa mundo. Ayon sa Bibliya, ang kaisipang ito ay huwad na kaharian na mismong pinangungunahan ni Satanas. Si Kristo ang may totoong kaharian, at isang araw, maghahari Siya sa mundo ng may kapayapaan kasama ang lahat ng tumanggap sa Kanya bilang Kanilang Hari at Tagapagligtas (Pahayag 5:13).

(5) Lumilikha ang mga New Agers ng kanilang sariling realidad. Naniniwala sila na kaya nilang lumikha ng kanilang sariling realidad sa pamamagitan ng kanilang paniniwala at sa pamamagitan ng pagbabago sa kanilang pinaniniwalaan, kaya nilang baguhin ang realidad. Kanilang pinapawi ang hangganan ng moralidad. Walang iisang pamantayan ng moralidad dahil walang pagkakaiba sa pagitan ng kabutihan at kasamaan. Walang anumang realidad hangga’t hindi sinasabi ng isang tao na may realidad o may isang katotohanan. Kung kaya ng taong may hangganan na lumikha ng kanyang sariling realidad, magkakaroon ng problema sa ating sosyedad. Hanggat hindi nagkakaroon ng isang ganap na pamantayan ng katotohanan mula sa walang hanggang Diyos, tiyak na ang tao mismo ang magbubulid sa kanyang sarili sa kapahamakan.

(6) Nakikipagugnayan ang mga New Agers sa kaharian ng kadiliman. Ang pagtawag sa isang espiritista bilang isang “chaneller” at sa isang demonyo bilang isang “gabay na espiritu” ay hindi makakapagpabago sa katotohanan kung sino sila. Ito ang kaharian ng kadiliman kung saan si Satanas ang pinuno. Ang mga sangkot sa ganitong klase ng gawain ay nakikipagugnayan sa isang mundo na lubusang sumasalungat sa Diyos ng Bibliya na ipinakilala sa atin sa pamamagitan ni Hesu Kristo, na Siyang tumalo kay Satanas (Mateo 4:1-11; Colosas 2:15; Hebreo 2:14-18).

Ang New Age movement ay isang huwad na relihiyon na umaakit sa pakiramdam ng indibidwal at nagtutulak sa kanila na paniwalaan na sila ay Diyos at kaya nilang pagandahin ang kanilang buhay sa pamamagitan ng kanilang sariling kakayahan. Ang katotohanan ay isisilang tayo, lalaki, mabubuhay ng pansumandali sa mundong ito at mamamatay. Ang tao ay may hangganan. Hindi tayo maaaring maging Diyos. Kailangan natin ang isang nakahihigit sa atin na may kakayahang magkaloob ng kapatawaran at buhay na walang hanggan. Purihin ang Diyos dahil sa pagpapakilala Niya sa atin sa tunay na Diyos at tunay na Taong si Hesu Kristo. Sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan at pagkabuhay na mag-uli, kaya Niyang ipagkaloob sa atin ang ating tunay na kailangan: ang kapatawaran ng Diyos, ang isang buhay na may layunin at kahulugan at isang buhay na walang hanggan sa langit pagkatapos ng kamatayan. Huwag mong palampasin kung sino si Hesu Kristo at kung ano ang Kanyang ginawa para sa iyo. Basahin mo ang ikatlong kabanata ng Aklat ni Juan at malalaman mo kung sino ka, bakit ka naririto at kung saan ka patutungo. English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang new age movement?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries