settings icon
share icon
Tanong

Ano ang Bagong Kaayusan ng Mundo o New World Order (NWO)?

Sagot


Ang Bagong Kaayusan ng Mundo o New World Order ay isang teorya ng pagsasabwatan ng mga elitista (sobrang yaman) sa mundo na magtatatag ng isang bagong yugto ng kasaysayan na magiging daan sa malaking pagbabago sa mundo sa aspeto ng balanse ng kapangyarihan. Ipinagpapalagay ng ilan na ang New World Order na ito ay kinasasangkutan ng isang grupo o mga grupo ng mga elitist (pinakamayayamang tao sa mundo) na naghahangad na pamahalaan ang mundo sa pamamagitan ng nagiisang sistema ng gobyerno na pang-buong mundo. Ang alok ng New World Order ay ang panukala nito na palayain ang mundo sa mga digmaan, tunggalian sa pulitika, at pangako na tatapusin ang kahirapan, sakit, at gutom. Ang layunin nito ay katagpuin ang mga pangangailangan at pag-asa ng buong sangkatauhan sa pamamagitan ng pang-buong mundong kapayapaan.

Tinatawag din ito na “bagong yugto ng sibilisasyon,” at ipinagpapalagay na aalisin ng New World Order na ito ang pangangailangan ng iba’t-ibang sistema ng gobyerno sa mundo. Ito ay makakamtan sa pamamagitan ng pagtatalaga ng isang nagiisang sistema ng pulitika sa mundo. Ang isang paraan para ito maisakatuparan ay sa pamamagitan ng pagaalis ng lahat ng mga linya at hangganan na naghihiwalay sa mga bansa sa mundo. Para ito maganap, pinaniniwalaan na bibigyang diin ng New World Order ang pagpapaubaya sa pamamagitan ng pagsusulong at pagtanggap sa ibang mga kultura at sa lahat ng pagpapahalaga at ideolohiya. Ang pinakaultimong layunin ay ang diwa ng pagkakaisa at pakikipagkaisa sa lahat ng tao na nagsasalita ng iisang wika. Kasama sa iba pang mga layunin ang paggamit ng nagiisang pera sa buong mundo, gayundin ang pagkakaisa sa pulitika, relihiyon, at pananaw sa moralidad. Dahil dito, ang mundo ay mapapailalim sa sa pamamahala ng iisang pinuno, at iisang pamahalaan na nangangako ng isang pang-mundong kapayapaan, kawalan ng digmaan, at ang pagaalis ng lahat ng kaguluhan sa pulitika.

Bagama’t totoo na kinakailangan ng tao ang pag-asa para mapagtiisan ang buhay na ito at magkaroon ng kapayapaan ng isipan, ang problema ay kung saan hinahanap ng tao ang pag-asang ito. Malinaw ang sinasabi ng Kasulatan. Bilang mga Kristiyano, inuutusan tayo na sundin at igalang ang mga namiminuno maging ang ating pamahalaan. Gayunman, madali nating makikita na may ilang malubhang konsekwensya ang pagsunod sa New World Order sa pananaw na pang-ekonomiya at pang-relihiyon (Roma 13:1-7; Gawa 5:29).

Ang problema sa pagtanggap at pagpayag sa anumang bagong kaayusan ng mundo ay walang uri ng gobyerno ang nakapag-alok o makakapag-alok ng tunay na pag-asa at kapayapaan para sa sangkatauhan. Kung babaling ang tao sa gobyerno para siya bigyan ng pang-mundong kapayapaan at pag-asa, siya ay mabibigo at maaalipin ng mga huwad na pangako nito. Muli at muling napatunayan sa kasaysayan na walang kahit anong imperyo ang nanatili, ito ay simpleng dahil sa natural nitong kapintasan, kasakiman, at paghahangad ng kapangyarihan.

Ang mga nagnanais sa pagdating ng New World Order, sekular man o relihiyon, ay nahaharap sa isang masamang bangungot. Ang totoo ay hindi makakapagbigay ng perpektong kundisyon ang huwad na katuruan ng relihiyon, gaano man kamalikhain o katalino ng tao. Tanging sa langit matatagpuan ang walang hanggang kapayapaan at kasiyahan. Malinaw na sinasabi sa Bibliya na ang lahat ng bagay na may kaugnayan sa buhay sa mundong ito, ang mga pagdurusa, pagkabulok, kawalang kasiyahan, at kamatayan ay magpapatuloy sa pisikal na buhay na ito (2 Corinto 4:16; Hebreo 9:27). Maliwanag din na hindi magkakaroon ng lahat na panandaliang mga bagay na ito sa siyudad sa kalangitan (Pahayag 21:3-7 at Pahayag 22). Ang lahat ng mga ito ay maglalaho. Oo, kailangan ang pag-asa. Pero ang pag-asa para sa langit ang ating kailangan, hindi ang huwad na pag-asa na iniaalok ng New World Order. Ang nagiisang pag-asa para sa lahat na mananampalataya ay tanging matatagpuan sa piling ng Diyos (Juan 14:1-4). Hindi matatagpuan ang pag-asa sa mundong ito.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang Bagong Kaayusan ng Mundo o New World Order (NWO)?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries