Tanong
Bakit nilikha ng Diyos ang tao gayong alam niya na ang mga ito ay mapupunta sa impiyerno?
Sagot
Nawa'y maintindihan natin na hindi ang Diyos ang sanhi kung bakit ang tao ay napupunta sa impiyerno. Sa halip ay pinili ng tao na siya ay mapunta roon. Makikita natin sa unang tatlong kabanata ng sulat sa mga taga Roma ang pagpapatuloy sa kasamaan ng mga taong tumatanggi kay Cristo. Ayon sa sulat, ang poot ng Diyos ay nahayag laban sa mga makasalanan dahil hindi nila kinikilala ang Manlilikha sa halip ay sinamba nila ang nilikha (Roma 1:18-20). Nagmamarunong sila (Roma 1:22) at ipinagpalit nila sa nilikha ang kaluwalhatian ng Diyos (Roma 1:23-25), at ang mga taong ito ay patuloy na nabulid sa kasalanan at mga kasamaan na nabanggit sa Roma 1:28-31, mga kasalanan na may kaugnayan sa ating lahat. Hindi lamang sa sila ay sangkot sa paggawa ng kasamaan kundi nagbibigay rin sila ng pahintulot sa mga taong gumagawa niyon (Roma 1:32). Bilang karagdagan, hindi lamang ang mga nakikita nilang nilikha ng Diyos ang katibayan ng kanyang kapangyarihan, kundi pati na rin ang kanilang budhi na umuusig sa kanila dahil sa kanilang kasalanan (Roma 2:14-15). Kaya't sa huli ay walang maidadahilan ang tao. Nararapat lamang na tayo'y mamatay dahil sa ating mga kasalanan, at tayo ay haharap sa hatol ng Diyos.
Ngunit sa kabila ng lahat ng ito, si Jesu Cristo ay nagkatawang tao, "upang kayo'y sumampalataya na si Jesus ang Cristo, ang Anak ng Diyos, at upang magkaroon kayo ng buhay sa pamamagitan niya" (Juan 20:31). Ito ang isa pang patotoo sa pag-iral ng Diyos at siya ring hahatol sa mga ayaw sumampalataya kay Cristo bilang Anak ng Diyos. Sapagkat Siya ay dumating upang bayaran ang kasalanan at upang ipakilala ang Ama (Juan 1:18), kaya't ang mga tao ay walang maidadahilan kung bakit nila tinanggihan si Cristo. Sila ay napupunta sa impiyerno hindi dahil sa kagagawan ng Diyos kundi dahil tinanggihan nila si Cristo. Sa katunayan ay binayaran na ng Diyos ang kasalanan, inihayag niya ang kanyang sarili sa lahat, kaya naman ang tao ay wala ng maidadahilan pa (Roma 1:20). Ganun pa man, pinahihintulutan ng Diyos na isilang ang tao upang bigyan sila ng pagkakataong sumampalataya subalit responsibilidad niyang magpasya ukol dito. Sapagkat anong uri ng Diyos nga naman Siya kung hindi niya bibigyan ng pagkakataon ang mga tao na sumampalataya?
Bilang pagtatapos, sadyang mahirap pa ring unawain ang konseptong ito. Kaya't ang tanging magagawa natin ay panghawakan ang ating nalalaman patungkol sa kalikasan at katangian ng Diyos at magtiwala tayo na ang kanyang kapamahalaan at kahabagan ay hindi nagkakasalungatan, at paniwalaan natin na ang lahat ng kanyang pinahihintulutan at kanyang ginagawa ay para sa kanyang kaluwalhatian. Ipasakop natin ang ating sarili sa kanya sa pagsamba, pagsunod, at magtiwala na "ang lahat ng kanyang ginagawa ay ayon sa layunin ng kanyang kalooban" (Efeso 1:11), sapagkat ang kanyang mga kaparaanan ay ganap kahit hindi natin ito lubos na nauunawaan. "Siya ang Bato, ang kaniyang gawa ay sakdal; Sapagka't lahat niyang daan ay kahatulan: Isang Dios na tapat at walang kasamaan, Matuwid at banal siya" (Deuteronomio 32:4).
English
Bakit nilikha ng Diyos ang tao gayong alam niya na ang mga ito ay mapupunta sa impiyerno?