Tanong
Nilikha ba ng Diyos ang impiyerno?
Sagot
Ang impiyerno ay isang lugar ng pagdurusa na orihinal na inihanda ng Diyos para sa diyablo at sa kanyang mga kampon (Mateo 18:9; 25:41). Minsan, ang mga salitang Hades (Griego) at Sheol (Hebreo) ay may kaugnayan sa impiyerno. Gayunman, ang Hades/Sheol ay simpleng tumutukoy sa isang lugar o dimensyon kung saan pumupunta ang espiritu ng mga tao pagkatapos nilang mamatay (tingnan ang Genesis 37:35). Ang Hades/Sheol ay hindi nangangahulugan agad-agad ng isang lugar ng pagdurusa dahil sinasabing pumupunta din doon ang mga anak ng Diyos maging ang masasama. Sa Bagong Tipan, makikita natin na tila may dalawang lugar sa Hades o lugar ng mga patay at nahahati ito sa lugar ng kasiyahan at lugar ng pagdurusa (Lucas 16:19–31).
May ibang mga salita na may kaugnayan sa impiyerno sa Bibliya gaya ng Gehenna at dagat-dagatang apoy. Malinaw na may isang aktwal na lugar kung saan pumupunta ang mga espiritu ng mga hindi ligtas para sa pagdurusang walang hanggan (Pahayag 9:1; 20:15; Mateo 23:33).
Ang anumang bagay na nilikha o lilikhain ay nilikha at lilikhain ng Diyos lamang at wala ng iba maging ang impiyerno (Colosas 1:16). Sinasabi sa Juan 1:3, “Nilikha ang lahat ng bagay sa pamamagitan niya, at walang anumang nalikha nang hindi sa pamamagitan niya.” Ang Diyos lamang ang may kapangyarihan na magbulid sa isang tao sa impiyerno (Lucas 12:5). Si Jesus ang may hawak ng mga susi ng kamatayan at ng Hades (Pahayag 1:18).
Sinabi ni Jesus na ang impiyerno ay inihanda para kay Satanas at sa kanyang mga demonyo (Mateo 25:41). Ito ang nararapat na kaparusahan para sa kanilang kasamaan. Impiyerno o dagat-dagatang apoy din ang magiging destinasyon ng mga taong tumanggi kay Cristo (2 Pedro 2:4–9). Ang Mabuting Balita ay maaaring maiwasan ng mga tao ang impiyerno. Ang Diyos, sa Kanyang walang hanggang habag at pag-ibig ay gumawa ng daan ng kaligtasan para sa sinumang magtitiwala sa Anak ng Diyos, kay Cristo Jesus (Juan 3:16, 36; 5:24).
English
Nilikha ba ng Diyos ang impiyerno?