settings icon
share icon
Tanong

Nilikha ba si Jesus?

Sagot


Itinuturo ng Biblia na si Jesus ay hindi nilikha sa halip, Siya ang Manlilikha. "Sapagkat sa pamamagitan niya ay nilikha ang lahat ng nasa langit at nasa lupa… Ang lahat ay nilikha ng Diyos sa pamamagitan niya at para sa kanya" (Colosas 1:16). Ang doktrina ng pagiging walang hanggan ni Cristo ay isa sa pagkakakilanlan ng tunay at Biblikal na Kristiyanismo.

Habang tinitingala ng mga Muslim, Mormons, Saksi ni Jehovah at ng iba't ibang paniniwalang teolohikal, itinuturo ng mga grupong ito na si Jesus ay isa lamang nilikha ng Diyos. Ang pakumpirma ng buong pagka Diyos ni Cristo at ang pagiging Manlilikha Niya sa halip na isa lamang nilikha ay kinumpirma ng unang iglesya at ito ang ipinagkaiba ng Kristiyanismo sa lahat ng relihiyon at pilosopiya. Iba't ibang relihiyon sa mundo ang maaaring sumang-ayon sa ilang mahalagang isyu gaya ng pagkakaroon ng isang pangkalahatan at obhektibong moralidad at ang kahalahgahan ng isang matatag na buhay pamilya, ngunit ang sagot sa tanong na "Sino si Jesu Cristo" ang dagliang naghihiwalay sa mga nanghahawak sa Biblikal na Kristiyanismo at sa mga hindi ayon sa Biblia ang katuruan.

Ang mga unang kapahayagan ng pananampalataya ng iglesya ay maliwanag na nagtuturo na si Jesus ay hindi isang nilikha kundi isang walang hanggang Persona, ang Anak ng Diyos. Itinuturo ng mga Muslim na si Jesus ay isang propeta na isinilang ng isang birhen, ngunit siya ay may pasimula gaya ng lahat ng tao. Ang mga Mormon na sumasang-ayon sa paniniwala ng modernong Arianismo ay naniniwala na si Jesus ay may pasimula gaya ng Diyos Ama. Sinasabi naman ng mga Saksi ni Jehovah na si Jesus ang unang nilikha ni Jehovah at orihinal Siyang tinatawag na Miguel Arkanghel. Kaya nga saan ba tunay na nabibilang si Jesus? Si Jesus ba ay isang nilikha at bahagi ng sangnilikha ng Diyos, o Siya ay kasama ng Diyos Ama at ng Diyos Espiritu Santo bilang Manlilikha ng lahat ng bagay? Si Jesus ba ay heteroousios ("may ibang substansya") sa Ama, gaya ng itinuturo ng bulang gurong si Arius noong ikaapat na siglo; o si Jesus ay homoousios ("may parehong substansya") sa Ama, gaya ng itinuturo ni Athanasius at ng kapahayagan ng pananampalataya ng konseho ng Nicea?

Kapag sinusubukang sagutin ang tanong na "nilikha ba si Jesus?," walang mas makakasagot ng may mas mataas na awtoridad maliban kay Jesus mismo. Sa panahon ng Kanyang pangangaral sa publiko, patuloy na inangkin ni Jesus ang pagiging Diyos. Patuloy Niyang sinanay ang karapatan na hindi para sa isang nilikha. Sinabi Niya na Siya ang "Panginoon ng Sabbath" (Markos 2:28), at dahil ang Sabbath ay itinatag mismo ng Diyos, ang pagaangkin ni Jesus bilang Panginoon ng Sabbath ay pagpapahayag ng kanyang pagka Diyos. Binanggit ni Jesus ang Kanyang malapit na kaugnayan at malalim na pagkakilala sa Ama (Mateo 11:27) at ang Kanyang kaluwalhatiang katulad ng sa Ama "bago lalangin ang sanlibutan" (Juan 17:5). Tinanggap ni Jesus ang pagsamba ng mga tao (Mateo 14:32–33) at inilarawan ang isang panahon sa hinaharap kung kailan hahatulan Niya ang lahat ng mga bansa (Mateo 25:31–44). Isinalaysay ni Lukas na pinatawad ni Jesus ang kasalanan ng isang masamang babae—isang bagay na tanging ang Diyos lang ang makagagawa—at inangkin na ang kapatawaran ay nakamtan ng babae dahil sa pananampalataya sa Kanya (Lukas 7:48–50)!

Malinaw din ang paniniwala ng Kanyang mga alagad sa pagka Diyos ni Jesus at sa Kanyang pagiging Manlilikha sa halip na nilikha. Sinasabi sa atin ni Juan na "Sa pasimula ay ang Salita, kasama ng Diyos ang Salita at ang Salita (si Jesus) ay Diyos" (Juan 1:1). Pagkatapos na makita ang nabuhay na mag-uling Panginoon, napabulalas sa kanya si Tomas ng "Panginoon ko at Diyos ko?" (Juan 20:28). Tinukoy ni Pablo si Cristo bilang "Diyos ng lahat" (Roma 9:5) at sinabing "ang buong kalikasan ng Diyos ay na kay Cristo sa kanyang pagiging tao" (Colosas 2:9). Kay Jesus sumasampalataya ang unang Iglesya (Gawa 7:59) at ipinangaral nila na sa Kanyang pangalan lamang makakamtan ng tao ang kapatawaran (Gawa 2:38; 10:43). Pagkatapos na imbestigahan ang mga Kristiyano na may banta ng kamatayan, isinulat ng isang tagapamahalang Romano na ang pangalan ay Pliny kay Emperador Trajan (c. AD 110) na "[ang mga Kristyano] ay may kaugalian na magsamasama sa isang itinalagang panahon bago mag-umaga kung kailan inaawit nila ng sagutan ang ilang mga talata ng isang imno na tumutukoy kay Cristo bilang isang Diyos" (Mga Sulat 10.96).

Si Jesus, ang Anak ng Diyos ay hindi nilikha. Lagi Siyang umiiral; wala Siyang simula o wakas. Nagkatawang tao ang Anak sa isang partikular na yugto sa kasaysayan ng tao (Juan 1:14). Tinutukoy ng mga Kristiyano ang bahaging ito ng kasaysayan bilang ang "pagkakatawang tao" ("ang gawa ng pagaanyong laman") ng Diyos. Ang gawang ito ay mahalaga sa ating kaligtasan (Galatia 4:4–5; 2 Corinto 5:21; Hebreo 9:22). Mula ng Siya'y magkatawang tao, ang walang hanggan, at hindi nilikhang Anak ng Diyos ay parehong tunay na Diyos at tunay na tao. Ngunit walang isang yugto ng panahon na hindi umiral ang Anak ng Diyos. Hindi Siya nilikha at si Jesus ay mananatili bilang ang ating "Dakilang Diyos at Tagapagligtas" magpakailanman (Tito 2:13).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Nilikha ba si Jesus?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries